TADHANA KABANATA 24

11 1 0
                                    

[Kabanata 24 - Kaparusahan]

"BINIBINING Carolina Mendoza, maaari mo bang ituro sa amin kung sino ang pinuno ng samahang Itim Na Bandila?" Tanong ng punong hukom habang nakababa ng tingin kay Carolina.

Dahan-dahan syang nag-angat ng tingin sa direksyon namin, napatingin ako sa kanyang kamay nang hawakan nya iyon dahil nanginginig ito. Napatingin ako sa purselas na suot nya, kulay luntian ito. Napansin ko rin na may mga mantsa ng dugo sa kanyang suot na baro't saya.

Dumapo ang kanyang tingin sa akin bago kay Ama na diretso ring nakatingin ngayon sa kanya, namutawi ang takot at galit sa kanyang mga mata habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Ama.

Nanginginig nyang itinaas ang kanyang kamay at diretsong tumutok kay Ama, ang aking Ama ang itinuro nya. Lumakas ang bulungan ng mga tao sa buong kapaligiran, humigpit ang aking pagkakahawak sa braso ni Ama.

"A-ama..." Nanginginig ang boses na saad ko, mabigat ang kanilang ebidensya laban kay Ama ngunit patuloy akong nagbubulag-bulagan dahil hindi pa rin ako sumusukong magtiwala kay Ama.

Napatingin ako kay Carolina nang kumuyom ang kanyang kamao. "P-pinatay mo sya, p-pinatay mo ang aking kapatid. K-kasalanan mo ang lahat!" Sigaw ni Carolina na naghari sa buong kapaligiran, lalapitan nya sana si Ama ngunit agad syang pinigilan ni Khalil.

Napasulyap ako kay Don Mendozo na ngayon ay nagulat matapos marinig ang sinabi ni Carolina, napatingin din ako sa mga Villanueva at Fernandez. Ang pangalan ng kanilang mga anak ay nabanggit sa usaping ito at humihingi rin ng katarungan.

Nagsimula nang magsulat si Hukom Valencio at nagkanya-kanyang usap naman ang mga taong nakikinood sa litis na ito. "A-ama, hindi po kayo maaaring makulong. S-sabihin nyo po sa lahat na wala kayong k-kasalanan," nanginginig ang boses na pakiusap ko, napatingin ang mga taong malapit sa akin.

Nilingon ako ni Ama, nang makita ang pangingilid ng kanyang luha ay bumuhos na rin ang aking luha. Nagsimula akong humikbi habang pilit na nakikiusap kay Ama ngunit ang lahat ng sisi ay nasa kanya na ngayon, ang kanyang hindi pagsasalita ay mas lalong nagbibigay ng pangamba sa akin na baka totoo nga ang lahat ng kanilang sinabi.

Habang namumuo ang luha sa aking mga mata ay nag-angat ako ng tingin kay Khalil, umaasa ako'y matulungan nya kahit alam kong imposible iyon dahil sya mismo ang tumestigo laban kay Ama. Nakatingin din sya sa akin ngayon habang nakatayo pa rin sa harap ng kabilang panig.

Napaiwas sya ng tingin at napapikit sandali bago mapahinga ng malalim, nag-angat sya ng tingin sa punong hukom at lakas loob na nagsalita. "Punong hukom, aking hinihiling na huwag na sanang madamay pa ang anak ni Filimon De Leon sapagkat wala naman syang kasalanan," diretsong saad ni Khalil na ikinatigil ng lahat.

Nakita ko sa kanyang mga mata ang pakikipaglaban nya sa kanyang emosyon, dahan-dahan syang tinignan ni Hukom Valencio. "Ano ang iyong dahilan upang iligtas ang anak ni Filimon De Leon?" Tanong ni Hukom Valencio at dinapuan ako ng tingin.

Nanginginig ang labing pinagmamasdan ko si Khalil na diretso pa ring nakatingin ngayon kay Hukom Valencio at nakaayos ng tindig, napatingin sa akin ang lahat matapos marinig ang pakiusap ni Khalil para sa akin. Hindi ako makapaniwalang magagawa nya iyong sabihin sa harap nilang lahat.

Nakita ko nang nabuhayan ng loob si Ama matapos marinig iyon, napahinga ng malalim si Khalil at tila iniisip kung ano ang dapat nyang sabihin. Napatingin sya kay Sergio na nag-aalala pa ring nakatingin sa akin ngayon, muli na syang nagbalik ng tingin sa punong hukom.

"Inyong dinggin na lamang ang aking pakiusap," sagot ni Khalil at tila may iniiwasan, tinignan sya ng diretso ni Hukom Valencio at tila binabasa kung ano ang nasa isip ngayon ni Khalil.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now