TADHANA KABANATA 17

8 2 0
                                    

[Kabanata 17 - Katabi]

MAKALIPAS ang ilang linggo at naging masaya naman ako. Narito ako ngayon sa loob ng aking cuarto at nakangiting mag-isa, paulit-ulit na isinusulat sa aking talaarawan ang paraan ng kanyang pagtitig sa akin at kung anong nararamdaman ko para roon.

Napatingin ako sa kalangitan mula sa malaking bintana ng aking silid, umaga pa lang at maaliwalas ang asul na kalangitan. Sunod namang dumapo ang aking mga mata sa pinto nang may kumatok at ilinuwal noon si Maribel, ang hawak nyang liham ang nagpapukaw ng aking atensyon.

"Binibining Anastacia, may liham po para sa inyo. Nagmula sa isang Santiago," nakangiting saad ni Maribel at maingat na humakbang papalapit sa akin bago iabot sa akin ang liham, nagpasalamat ako sa kanya bago pagmasdan ang liham na ito.

Nagmula sa isang Santiago? Kanino naman nanggaling ang liham na ito? Imposible namang kay Don Flavio, imposible ring kay Khalil dahil kailanman at buong buhay ko ay hindi nya pa ako binibigyan ng liham. Kung kaya't maaaring kay Doña Cecilia, Cresensia, at Sergio ang liham na ito.

Ibinuklat ko na iyon bago basahin, nang makita ang sulat kamay ay agad kong nakilala kung kanino nanggaling ito mula sa mga Santiago. Sinumulan kong basahin ang nilalaman ng liham.

Mahal kong Ate Taciang,

Como estas, ate Taciang? Ikaw ay inaanyayahan namin na magtungo ngayon sa Hacienda Santiago upang samahan kami sa aming paglalakbay mamaya. Nais mo bang sumama sa amin? Umaaasa ako na ikaw ay makakarating ngayon din.

Kung naisip mo naman na hindi pumayag, umaasa ako na magbago ang iyong isip at samahan kami ni Inang Cecilia na mamasyal ngayong umaga. Pakiusap! Mahal mo naman kami, hindi ba?

Nakikiusap,
Cresensia Santiago.

Napangiti ako matapos mabasa ang liham ni Cresensia para sa akin na may nilalaman na pag-anyaya at pakiusap, magagawa ko nga bang tumanggi pagdating sa mga Santiago? Sila ay masyado nang malapit sa aking puso kung kaya't ako ay pumapayag sa pakiusap nyang ito.

Inipit ko na ang liham ni Cresensia sa aking talaarawan, ang lahat ng liham na aking natatanggap simula noon ay aking itinabi lahat upang sa pagdating ng panahon ay may mababalikan akong ala-ala mula sa mga liham na tulad ng liham ngayon ni Cresensia.

Marami na akong natanggap na liham kay Sergio simula pagkabata, ngayon ay hindi na sampu kung sya ay magpadala ng liham at isa na lamang. Mabuti na lang sapagkat inaabot ako ng magdamag sa kababasa ng kanyang liham. Wala sa sarili akong natawa at tinanguhan si Mariel bago pumasok sa loob ng palikuran upang maligo na.

MALAKAS na pag-ihip ng hangin ang sumalubong sa akin matapos makarating sa kalye ng Hacienda Santiago, nang makalapit sa kanilang Hacienda ay ipinatigil ko na kay Mang Andres ang kalesa. Mabuti na lang at agad nya itong nakuha.

Pagkababa ko ng kalesa ay maingat akong humakbang papalapit sa Hacienda Santiago, nasa labas pala si Doña Cecilia at Cresensia. Nagtaka ako nang makitang nagbubulungan silang dalawa, ano na naman kaya ang ipinaplano nila?

"Naiintindihan mo ba?" Tanong ni Doña Cecilia, tumango naman ng dalawang beses si Cresensia. Nagngitian silang dalawa na tila sumasang-ayon sa lahat ng kanilang mga balak.

Ilang sandali pa ay muli akong napatingin sa tarangkahan nang lumabas doon si Sergio na mukhang bihis na bihis ngayon. Kulay abo (grey) ang suot nyang sapatos, pantalon, agribo, at sumbrelo maliban sa suot nyang panloob na kulay puti. Tulad ng dati ay gumuhit ang biloy sa kanyang pisngi na syang nagpapadagdag sa kanyang kagandahang lalaki.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now