TADHANA KABANATA 26

12 1 0
                                    

[Kabanata 26 - Mundong Mapait]

LUHA ang namuo sa aking mga mata matapos kong idilat ito, nanghihina akong bumangon mula sa maduming banig at napahawak sa aking noo. Ilinibot ko ang aking paningin sa napakasikip na cuarto na aking pinagtutulugan ngayon.

Alas kwatro na ako nakatulog mula sa paglilinis ng buong mansyon ng pamilya Garcia, ngayong ay alas singko na ng umaga at kailangan ko muling bumangon upang pagsilbihan sila. Isang oras pa lang ang aking tulog ngunit kailangan ko nang bumangon upang hindi makatikim kay Doña Facunda.

Tiniklop ko na ang aking pinaghigaan bago nagmadaling lumabas ng aking munting tahanan na gawa sa kahoy at maalikabok din, agad akong tumakbo papasok sa mansyon ng mga Garcia dahil kailangan ko silang maunahan at mapaghandaan agad ng almusal.

Nang makapasok sa loob ay laking gulat ko nang makitang may mga pagkain na sa lamesa, napatingin ako kay Manang Dolores na may dalang mga plato at isa-isa iyong linapag sa lamesa. Sinubukan ko syang tulungan ngunit ilinayo nya ang kanyang mga hawak sa akin.

"Ako na ang gumawa. Kay bagal mong kumilos," walang pakielam na saad nito, ako'y napaatras at napahinga ng malalim. Pilit kong pinipigilan ang pamumuo ng luha sa aking mga mata, sa oras na lumuha ako ay matatalo lang ako.

Sa kabila ng kanyang masakit na salita ay nagpapasalamat pa rin ako dahil sya na ang gumawa ng mga iyon. Napatingin ako sa mga masarap na putaheng nakahain ngayon sa lamesa, isa pa sa dahilan kung bakit ako nanghihina ay dahil kulang ako sa kain. Mag-iisang araw na rin simula noong ako'y huling kumain.

Kumpara sa aking nakasanayang buhay noon, ngayon ay kailangan mo nang asikasuhin mag-isa ang aking sarili. Kaya kong asikasuhin ang aking sarili ngunit ang problema ay wala akong makakain. Hindi naging madali para sa akin na makasanayan ang bagong buhay kong ito, na lubhang napakalayo mula sa nakaraan kong buhay.

Nang marinig ang yabag na pababa mula sa hagdan ay dali-dali akong nagpunta sa gilid tulad ng kanilang nais dahil ang sabi nila ay hindi raw nila nais makita ang aking pagmumukha, mula sa hagdan ay bumaba roon si Doña Facunda Garcia at ang anak nitong si Aurora Garcia na ka-edad ko lamang.

Nang dumapo ang kanilang tingin sa akin ay biglang sumama ang timpla ng kanilang mukha, mataray na umupo si Doña Facunda sa kabisera habang ang kanyang anak naman ay napasiring at padabog na umupo sa hapag. Isa-isang tinignan ni Doña Facunda ang mga putaheng nakahain ngayon sa kanila.

"Sino ang nagluto nito?" Taas kilay na tanong ni Doña Facunda, nagkatinginan naman kami ni Manang Dolores.

Napahinga ako ng malalim bago sumagot. "A-ako po," pagsisinungaling ko, hindi ko nais magsinungaling ngunit kinakailangan dahil malamang ay magagalit sya sa oras na malamang hindi ako ang nagluto para sa kanila. Nakita ko nang umikot ang mga mata ni Manang Dolores.

"Kaya naman pala hindi ko gusto ang lasa," napapa-ikot ang mga matang sabat ni Aurora, hindi naman talaga ako ang nagluto ngunit hindi ko pa rin maiwasang masaktan dahil sinabi nya iyon matapos malamang ako ang nagluto.

Nagsimula na silang kumain habang ako naman ay napayuko na lang, kumukulo na ang aking sikmura habang naaamoy ang bango ng luto ni Manang Dolores. Naninikip ang aking dibdib sa tuwing naiisip na kung dati ay nakukuha ko ang lahat ng putaheng aking nais, ngayon ay linilimos ko na ito.

"Sya nga pala, Ina. Ngayon ay magtutungo rito ang aking mga kaibigan upang ako'y dalawin," nakangiting saad ni Aurora at sinulyapan ako, napatango naman si Doña Facunda.

"Maganda iyan. Ikaw ay nararapat lamang na bumagay sa mga binibining kauri mo at hindi sa mga babaeng pulubi," nakangiting tugon ni Doña Facunda at sinulyapan din ako, napapikit na lang ako habang nakayuko. Tila paulit-ulit na tinutusok ngayon ang aking puso dahil sa pangungutya nila.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now