Chapter 21: The Raid

4.8K 307 76
                                    


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Habang nagaganap noon ang Black Nativity concert ay nasa isang abandonadong warehouse sa may San Jose del Monte, Bulacan si Andy kasama si Tony, ang partner niya sa Maverick Private Investigators, na hinatak niya para pasukin ang kutang ito ng mga Satanista kung saan naniniwala silang naroroon si Lucas. Itinaon nila ito sa gabi ng concert at wala si Juan Satan at iba pang mga Satanista.

"Anong oras na sa 'yo?" tanong ni Andy, na nakaupo sa driver's seat ng kanyang Nissan pick-up, si Tony sa kanyang tabi. Nakaparada ang sasakyan sa mabatong daan mga apatnapung metro ang layo kung saan tanaw nila ang warehouse. Madilim ang lugar pagka't walang mga street lights.

"Pasado alas-nuebe," pindot ni Tony sa kanyang relo.

Humitihit nang malalim si Andy at itinapon ang upos sa labas ng bintana.

"Okay, let's go," hudyat niya.

Ikinasa nila'ng mga baril. Kay Andy, isang .38 na revolver, kay Tony nama'y .38 automatic. Sabay silang bumaba ng pick-up, nakaporma ng tutok ang mga baril, nakayuko at maingat na naglakad sa gilid ng kalye tungo ng warehouse. Doon ay nakita nila'ng maliit na entrance door na may nagiisang bukas na bumbilya. Nakiramdam sila. Tahimik. Maaaring natutulog ang nagbabantay na tao sa loob ng warehouse kung mayroon man. Nang malapit na sila sa entrance door ay narinig nila ang pagbukas nito at agad silang nagtago sa gilid ng pader.

Isang payat na lalaking skinhead ang pagewang-gewang na lumabas ng pintuan at nagtungo sa malagong halamanan para umihi. Suot niya'y t-shirt, jeans at tsinelas. Isa sa mga Satanistang tauhan ni Juan Satan palatandaan sa mga tattoo niya sa katawan. Tinuro ni Tony ang nakasuksok na baril sa likuran ng maong nito. Nagsenyasan ang dalawa.

Napapapikit pa ang Satanista habang nagpaparaos. Mapula ang kanyang mga mata. Sabog sa ipinagbabawal na gamot, kung kaya't hindi niya namalayan ang paglapit nina Andy at Tony sa kanyang likuran. At nagdilim ang kanyang paningin.

Bumagsak ang Satanista sa lupa. Sa likuran niya hawak ni Tony ang baril na ginawa niyang pampukol sa ulo ng Satanista.

"Hindi mo man lang hinintay na maisara 'yung zipper," sabi ni Andy kay Tony.

"Oops," tingin ni Tony.

Kinuha ni Tony ang baril ng lalaki at hinila nila ito sa gilid ng pader. Matapos talian ang kanyang mga kamay at paa ay maingat silang pumasok sa pintuan ng warehouse.

Madilim ang loob ng warehouse. Napupundi na ang mga bumbilya sa kisame. Ang mga bakal na haligi ay kinapitan na ng dumi't kalawang at ang simentadong sahig ay itim na sa natuyong putik. May dalang flashlight si Tony at kanyang inilawan ang lugar. Dinaanan nila ang isang mahabang kahoy na mesa kung saan nakapatong ang mga bote ng beer at alak, at mga drug paraphernalia. Nang makarating sila sa gitnang bahagi ay nagulat sila sa nakita. Isang malaking pentagram ang nakapintura ng kulay puti sa sahig at sa limang dulo ng star ay may mga natunaw na kandila.

Ang Dalawang Anino ni SatanasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon