» BRINSLEY FLORES

890 49 32
                                    

"Natanggal ka sa trabaho?!"

"Nag-resign ako."

"Bakit?! Alam mong kailangan natin ng pera! Saan na tayo kukuha ng pera ngayon?! Saan tayo hahanap ng pambili ng gamot ni nanay? Pambayad sa school ng mga bata? Pambayad sa utang? Wala na nga rin tayong kuryente dahil pambayad sa tubig lang ang kinaya ng ipon ko!"

"Inaapi na nila ako roon kaya ako umalis! Maghahanap na lang ulit ako ng trabaho."

"Ano ka ba naman, Brandon! Noong isang buwan mo pa yan paulit-ulit na sinasabi! Nakakahanap ka nga pero wala pang isang linggo, wala ka na namang trabaho!"

"Eh hindi ko gusto yung trato nila sa akin doon e! Anong gusto mo? Magpaapi ako?!"

"Isipin mo rin kasi kaming pamilya mo! Hindi yung puro ikaw lang!"

"Ginagawa ko kung ano ang kaya ko, Cecilia!"

"Pero hindi 'yon sapat!"

"Alam mo, pagod na ako! Kung ganito lang din tayo, aalis na lang ako!"

"Mabuti pa nga! Wala ka rin namang nagagawang mabuti sa pamilyang 'to!"

~•~

"Ate? Aalis si papa?"

Agad kong nilingon ang kapatid kong si Brook, hindi ko namalayan na nakikinig din pala siya sa usapan nila mama't papa.

"Shhh hindi, joke lang yon ni papa." Pinunasan ko ang luha na umaagos sa pisngi niya.

"B-Bakit po sila nag-aaway? Dahil po ba sa'kin?" Tanong niya pa at nagsimulang humikbi.

"Ano ka ba, hindi. Magbabati rin sila, okay? Halika, patutulugin ka na ni ate." Binuhat ko siya saka dinala sa kama.

Nakita ko si Brielle na gumagawa ng assignment at halatang nahihirapan.

"Kaya pa ba?" Tanong ko at nilingon niya naman ako.

"Ang hirap ate pero kaya naman," sabi niya saka inunat ang braso, napahikab na rin siya at halatang antok na.

"Pagpasensiyahan mo na, hindi kita matulungan. Muntik na nga ako hindi makapasa sa highschool noon, e." Bahagya naman siyang natawa sa sinabi ko.

"Ate, ayaw ko pa po matulog. Gusto ko hindi na mag-away si mama at papa," biglaang sabi ni Brook.

"Kaya nga dapat matulog ka na kasi paggising mo bukas, bati na sila. Hindi sila magbabati kung hindi ka matutulog." Agad naman nitong pinikit ang mga mata niya kaya napangiti ako ng pilit.

Palaging ganoon ang sinasabi ko sa kaniya kapag nag-aaway sina mama at papa kahit wala namang kasiguraduhan kung magbabati agad sila.

Nagkatinginan kami ni Brielle at parehas napabuntong hininga.

"Ate, tumigil na lang kaya ako sa pag-aaral?" Agad ko naman siyang sinamaan ng tingin.

"Hindi papayag sina mama't papa at hindi rin ako papayag. Sige na, tapusin mo na 'yan at matulog ka na." Tumayo na ako nang makitang agad nakatulog si Brook, bahagya kong ginulo ang buhok ni Brielle saka lumabas ng kwarto.

Matagal na sinasabi ni Brielle na titigil na lang siya sa pag-aaral para magtrabaho pero hindi pumayag sina mama at papa.

Paglabas ko ng kwarto ay pinuntahan ko muna si lola sa kwarto niya. Nakita ko pa sa lamesa sa kwarto nito ang papel na may nakasulat na pangalan niya. Naka-calligraphy ang CALISTA, mahilig kasi si Brielle magcalligraphy at naisipang turuan si lola para daw makapagbonding sila. Nakatutuwa naman kasi kahit papaano ay nag-eenjoy si lola. Bumuntong hininga muli ako nang makita sa lamesa na paubos na ang gamot niya. Nang masigurado ko na mahimbing na itong natutulog ay saka ko pinuntahan si mama.

LEVEL 31 (ONGOING)Where stories live. Discover now