» 14. REST DAY

134 20 7
                                    

"Brinsley, tara! Tulungan natin si Zabelle." Bigla na lang akong hinila ni Mia papunta kay Zabelle at Olivia na nagbebake ata ng cupcakes.

Katatapos ko lang ding tumawag kina mama pero mabilis lang dahil may event daw sa school si Brook kaya busy sila. Pero ayos lang 'yun, ang mahalaga naman ay nalaman kong maayos ang lagay nila.

Maaga akong nagising ngayon hindi tulad noong nakaraang rest day. Kaunti pa lang din ang gising at ang karamihan ay tulog pa.

Kanina habang kumaikain ako ay ang nakita kong mga gising ay sina Hazel at Ellery na nag-uusap. Mukhang naging close sila dahil sa level four. Gising na rin si Patrick, kasabay ko siyang kumain pero hindi siya umiimik.

Dito naman sa taas ay nakita ko sina Olivia, Zabelle at Mia na nagbebake ng cupcakes, isinama pa nga ako at tulungan ko raw sila. Nandito na rin sina Zack, Caden at Wilver. Nanonood na naman sila ng movie sa tv at ang pinapanood nila ay 'yung pinanood namin noong nakaraang rest day.

Paborito na ata nila 'yung movie na 'yon.

Nandito na rin si Clara, nagbabasa siya ng libro habang may iniinom na kape. Si Ollie naman ay nakatambay lang sa terrace.

"Bakit niyo naman naisipang gumawa ng cupcakes?" Tanong ko kina Zabelle. Kitang-kita ko ang ngiti sa mukha niya, sobrang layo sa mukha niya kagabi. Sina Olivia at Mia ay ang sigla na rin ngayon. Malayo sa malungkot at natatakot nilang mukha kahapon.

"Wala, gusto ko lang ipagbake si Erico," nakangiting sagot ni Zabelle. Napangiti na lang din ako, nakakahawa ang ngiti nilang tatlo.

Hindi ko tuloy masabi kung totoo ba ang mga ngiting iyon o itinatago lang nila ang totoo nilang nararamdaman.

Napangiti na lang muli ako nang marinig ko silang nagtawanan dahil may joke na sinabi ni Olivia. Naalala ko tuloy sina Hazie at Una, miss ko na sila. Sayang at hindi ko sila pwedeng tawagan dahil pamilya lang ang pwede naming tawagan sa telepono na nandito. Saka panigurado naman na busy ang dalawang iyon sa school kaya hindi makabibisita sa bahay.

"Ano ba'ng gagawin ko?" Tanong ko sa kanila. Lahat kasi sila ay may ginagawa habang ako ay wala pa.

"Oh ito, haluin mo 'yan." Inabot sa'kin ni Olivia ang isang mixing bowl na may lamang ingredients at isang whisk.

"Ilang cupcakes ba ang gagawin?" Tanong ko muli habang naghahalo.

"Dapat si Erico lang ang gagawan ko, eh pero dahil medyo sinisipag ako ngayon, dadagdagan ko na lang para makakain din 'yung iba," sagot ni Zabelle.

"Ang bait mo talaga, Zabelle!" Nakangiting sigaw ni Caden saka kami nilingon pero kaagad ding ibinalik ang paningin sa tv. Narinig ata ang sinabi ni Zabelle. Napa-iling na lang kami at nagpatuloy na sa ginagawa.

Halos isang oras ang nakalipas at dumadami na rin kami rito sa taas. Si Edith at Missy ay tumulong din sa amin nang matapos nilang kausapin ang pamilya nila. Sina Ebony, Sendrick at Matt naman ay nanood lang din ng tv.

"Tikman niyo kung okay, dali. Baka magising na si Erico!" Medyo natatarantang sabi ni Zabelle habang inilalabas ang mga cupcakes na nasa loob ng oven.

"Ako patikim!" Sigaw ni Caden saka agad na tumayo at pumunta sa amin pero kasabay ng pagtakbo niya ay ang pag-akyat ni Ziah at dahil hindi iyon napansin ni Caden ay nagkabanggaan sila.

"Ouch, ano ba!" Sigaw ni Ziah habang nakahawak sa kaniyang braso. Na-ibaling naming lahat ang aming mga pqningin sa kanila ni Caden.

"Ay, sorry," sabi ni Caden, may sinseridad sa kaniyang pagsasalita.

"Hindi kasi tumitingin sa dinadaanan! Bulag ka ba?!" Sigaw muli ni Ziah na ikinagulat ni Caden.

"Ziah!" Napatingin kami kay Archer na kaaakyat lang din. Hindi naman gaanong malakas ang sigaw niya kay Ziah pero nabago ang reaksiyon sa mukha ni Ziah dahil doon. Parang may pinag-usapan sila o kaya naman may sinabi sa kaniya si Archer dahil sa paraan ng pagtitinginan nila.

LEVEL 31 (ONGOING)Where stories live. Discover now