CHAPTER 49

22 2 2
                                    

CHAPTER 49

"Andy..."

May isang boses ng lalake ang tumawag sa pangalan ni Andy. Tumigil siya sa pagpupunas ng lamesa na kinainan at luminga-linga sa malaking bahay para hanapin kung saan galing iyon ngunit wala siyang nakita. Tanging siya na lang ang gising ng ganitong oras dahil siya ang pinaglinis at pinag-urong ng mga pinagkainan ng mga katulong at mayordoma. Hindi pa siya kumakain dahil hindi maganda ang pakikitungo sa kan'ya ng mayordoma na masama palagi ang tingin, nahiya na siyang sumabay.

Matapos magpunas ay dumiretso siya sa refrigerator at kumuha ng isang basong gatas. Nagluto rin siya ng pancit canton na nilagyan ng itlog. Imbes na ilapag sa mesa ay pumunta siya sa labas kung nasaan ang garden. Umupo siya sa damuhan at doon kumain.

"Panigurado na lilinisin ko na naman yung lamesa kapag doon ako kumain." pagod na sabi ni Andy sa sarili.

Busog na busog siya habang nakahilata sa damuhan. Tila nawala ang pagod niya sa paglilinis ng mga kwarto nila ni Kino at ang pagkilos sa bahay. Habang tinitingnan ang madilim na langit ay hindi niya maiwasang maisip si Denum. Naisip niya ang tula nito at kung paano nito hinawakan ang kamay niya nuong sumablay ang unang gabi ng performance niya bilang bokalista ng Maze. Maging ang ginawa nito kanina, ang pagbibigay ng panyo sa kan'ya.

Hinawakan ni Andy ang pisnge nang maramdaman na nag-iinit ito at mabilis na umiling-iling.

"Mongggiiii..... Hala, ano 'yon?" walang ideya na tanong niya sa kan'yang sarili.

Tinakpan ni Andy ang mukha bago humikab. Paunti-unti na siyang binabalot ng antok hanggang sa tuluyan siyang mapapikit.

"Andy..."

"Andy..."

"Andy...."

Paulit-ulit na tinatawag si Andy ng iisang boses kaya dumilat siya. Nanlalabo pa ang mga mata niya nang makita ang isang ilaw na hindi masyadong malinaw, ito ang tanging liwanag sa lugar kung nasaan siya ngayon.

Wala pa sanang balak na bumangon si Andy ngunit isang malakas na paghampas ang narinig niya mula sa bandang uluhan. Tumingala si Andy para makita kung ano iyon.

Biglang nanlaki ang mga mata niya nang sumalubong ang isang lalake na may kadena ang mga paa at kamay. Wala itong saplot pang-itaas; namumula, may mga sugat at mga dugo ito. Bakas na dumanas ng hirap bago pa man makita ni Andy.

Pinaningkitan ni Andy ang lalake at nahugot ang paghinga nang makilala kung sino iyon.

"D-denum..." hindi makapaniwalang wika niya bago pinilit na gumalaw ngunit hindi niya magawa dahil sa malakas na pwersa na dumadagan sa kan'ya.

Tiningnan niya kung ano ito ngunit wala siyang makita bukod sa isang babae na nakaupo sa hindi kalayuan. Mukha itong basang sisiw at magulo ang maikli nitong buhok. Makikita ang mga hibla ng mga naputol nitong buhok sa basang damit at ang mga nagkalat sa sahig.

Lumukot ang mukha ni Andy at nakagat ang pang-ibabang labi nang makilala kung sino iyon.

"Monggggii, Lylia?!" halos mapaos siya sa pagsigaw ngunit wala siyang narinig na pagsagot sa dalaga.

Pinilit na gumalaw ni Andy ngunit tanging ulo lang ang naigagalaw niya.

"Lylia, gumising ka d'yan! Anong ginagawa natin dito?!" sigaw ni Andy.

Dahan-dahang gumalaw ang ulo ni Lylia at luminga-linga. Bakas sa mukha nito ang lungkot at pagkabalisa. May malaking hiwa ito sa pisnge na mukhang gawa ng kung anong bagay. Patuloy iyon sa pagdurugo at mukhang lumulubha habang tumatagal.

FIVE SENSESWhere stories live. Discover now