CHAPTER 53

20 3 0
                                    

TURN OF TABLES

"Nasaan ang katawan mo?" tanong ni Kino matapos makalapit sa kanila si Andy.

Hindi na nila magawang makababa dahil sa nanghihina pa rin ang katawan nina Denum at Lylia.

Nagkibit-balikat si Andy, "Hindi ko na alam kung saan ko naiwan dahil sa pagtakbo ko."

Inulit ni Krem ang sinabi ni Andy kaya tiningnan siya ng apat. Nalukot ang mukha ni Lylia.

"Bakit ka ba tumatakbo?" takhang tanong ni Lylia bago hinahanap kung saan siya titingin dahil hindi niya makita si Andy.

Hinawakan ni Kino ang isang balikat ng dalaga at inalalayan sa pagharap kay Andy kaya nakaramdam ito ng pamumula.

Biglang bumalik sa isipan ni Andy ang nangyari kanina at tiningnan ang mga kaharap. Nagdadalawang-isip siyang banggitin iyon dahil sa sitwasyon nila.

"Dito lang kayo, hahanapin ko muna ang katawan ko..." pag-iiba ni Andy ng usapan bago mabilis na tinalikuran ang mga kaibigan.

Naguguluhang pinanood siya ni Kino matapos ulitin ni Krem ang sinabi ng dalaga.

"Sundan natin siya.." wika ni Kino at hahakbang na nang gumalaw si Denum at iniayos ang tayo.

"Ako na ang susunod.. Manghingi na kayo ng tulong." pagpigil nito na ikinagulat ng tatlo.

"Sira ka ba? Ikaw nga ang may kailangan ng tulong at paano mo naman makikita si Andy... Hoy! Denum! Umayos ka!" habol ni Kino ngunit mabilis na naglaho si Denum matapos mawala sa liwanag ng buwan.

Muling inalalayan ni Krem si Lylia nang muntikan na itong mapaupo dahil sa muling pananakit ng katawan. Doon na napagtanto ni Kino na kailangan na nilang tumawag ng tulong kaya tumingin siya sa dalawa.

"Sh*t... Wala pala akong dala na cellphone.." napamurang sabi niya bago tumango sa dalawa, "Hihingi ako ng tulong sa labas nitong gubat. Babalikan ko kayo kaagad kapag nakatawag ako ng tulong, huwag kayong aalis dito. Hintayin niyong makabalik sina Andy at Denum." mabilis na bilin niya sa dalawa.

Malungkot na tumango si Lylia dahil tingin niya ay palusot lang iyon ni Kino para hanapin si Andy. Ngumiti si Krem.

"Salamat. Mag-iingat ka, Kino." tugon ni Krem bago pinanood na makaalis si Kino.

Inihilig ni Lylia ang ulo sa balikat ni Krem at humikbi.

"Habang binubugbog ako, wala akong ibang pangalan na binanggit kundi siya. Nakalimutan ko na pamilya ko pala ang babalikan ko, tama ba ang ginawa ko?" may panghihinayang na tanong ni Lylia.

Saglit na natigilan si Krem bago hinaplos ang maikling buhok ng kapatid.

"Walang mali sa ginawa mo, Iya. Walang mali sa nararamdaman mo." tanging nasabi ni Krem dahil alam niya ang nararamdaman ng kapatid para kay Kino.

Medyo gumaan ang pakiramdam ni Lylia matapos marinig ang sinabi ng kapatid kaya marahan niyang niyakap ito.

Dahil sa pag-iisip ay hindi na namalayan ni Andy na nawawala na naman siya. Sa paghahanap sa katawan niya ay naligaw na naman siya nang wala sa oras.

Bumuntong-hininga si Andy at napagdesisyunan na bumalik na lang ngunit may humawak sa kamay niya kaya mabilis niyang tiningnan iyon. Kahit madilim ay alam na alam niya ang amoy ng katabi; ang amoy ng adobo na mukhang huli nitong kinain.

"Bakit mo ako sinundan? Hindi ba nahihirapan ka pa?" naguguluhang tanong ni Andy bago marahan na hinila ang kamay mula sa pagkakahawak ng binata.

Napansin iyon ni Denum kaya ang braso naman ni Andy ang hinawakan niya.

FIVE SENSESWhere stories live. Discover now