CHAPTER 52

11 2 0
                                    

CHAPTER 52

“Bagay..” tanging nasabi ni Denum bago umiwas ng tingin matapos tanungin kung bagay ang hindi inaasahang gupit ni Lylia.

Gumaan ang pakiramdam ni Lylia matapos marinig ang sagot ni Denum at muli ay nginitian ang binata.

“Hindi ko inaakala na mabait ka pala, magkakasundo tayo...” natutuwang wika ni Lylia.

Hindi na siya tinugon ni Denum dahil may narinig itong mga yabag.  Natigilan sila sa pag-uusap at parehong nakiramdam.

“A—ano iyon?” tanong ni Lylia.

Itinaas ni Denum ang isang kamay para pigilan ang dalaga na kumilos.

“Sshh.. Huwag kang maingay,” pabulong na sabi ni Denum.

Hindi na kumilos pa si Lylia at pinakiramdaman ang pinanggagalingan ng yabag. Bawat yabag ay palakas nang palakas at  mukhang papunta kung nasaan sila.

“Baka bumalik sina Entice..” nagsisimula nang kabahan si Lylia dahil alam niya na hindi maganda ang mangyayari kung tama ang iniisip niya.

Hindi tumugon si Denum at pinanood ang pagpasok ng liwanag mula sa bumukas na pinto. Marahan ang pagbukas nito at ang lagitik ng lumang kahoy ay maririnig. Dalawang bulto ng tao ang naroon. Medyo nasilaw sina Denum at Lylia sa ilaw kaya napapikit at umiwas ng tingin ang mga ito na nakaupo sa malamig na sahig.

“Iya...”

Nawala ang kaba ni Lylia nang marinig ang pagtawag ng isa sa mga dumating. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kamay na nakaharang sa mga nasisilaw na mata. Mabilis na namatay ang liwanag at doon lang nakilala ni Lylia ang lalake nang lumakad ito at saglit na natamaan ng liwanag mula sa nag-iisang ilaw sa silid kung nasaan sila.

Hindi nagkamali sa inakala ang dalaga dahil kilalang-kilala niya ang tindig ng lalake. Ngumiti siya rito.

“Emir.. Hinanap mo ako. Nahanap niyo kami.” masaya ngunit naluluhang wika ni Lylia.

Tumigil sa paghakbang si Kremir nang makita ang kalagayan ng kapatid. Bumigat ang pakiramdam ni Krem at hindi na niya maigalaw ang mga binti sa halu-halong nararamdaman.

Galit.

Lungkot.

Panghihinayang.

Hindi niya inakala na sa pakikinig niya sa mga magulang at pagsantabi sa mga naisip at naramdaman niya ay hahantong sa ganito ang kalagayan ng kapatid. Ilang segundo siyang natigilan at hindi maiwasang mapansin iyon ng mga nakapaligid kay Krem lalo na si Lylia.

Imbes na pansinin ay idinipa ni Lylia ang mga kamay bago tinawag ang kapatid.

“Hindi mo ba namiss ang ate mo, Emir?” may pagtataray ngunit lumuluhang tanong ni Lylia bago ngumiti.

Natigilan si Krem bago umiling at nanginginig ang mga labi na tinakbo ang agwat nilang dalawa ng kapatid. Sinalubong siya nang mahigpit na yakap ni Lylia na tinanggap din ng binata. Inihilig ni Krem ang ulo sa balikat ni Lylia bago humikbi at humingi ng tawad sa kapatid.

“Iya... Sorry. Hindi ko nalaman agad na nawawala ka, hindi ko sinunod yung pakiramdam ko, hindi ako nakinig kay Andy. Iya, pasensya ka na..” paulit-ulit siyang humingi ng tawad sa kapatid habang humihikbi sa balikat nito.

Sandaling natigilan si Lylia sa mga sinabi ng kapatid. Medyo nadismaya siya sa mga inamin nito ngunit kaagad din niyang isinantabi ang naramdaman nang maalala na hindi kailanman nagpabaya si Krem at panigurado na may dahilan ito kaya nagawa iyon. Marahan niyang hinaplos ang buhok ni Krem at tinapik ang isang braso nito.

FIVE SENSESWhere stories live. Discover now