CHAPTER 28

23 5 0
                                    

CHAPTER 28

NAKAUPO si Denum sa isang bench habang umaambon at pinapanood ang mga dumaraan na taong may bitbit na payong.

Hapon na ngunit hindi makikita dahil sa madilim na kalangitan. Ilang oras na siyang tahimik dahil iniisip niya kung bakit hindi siya natuluyan sa nangyari. Ilang segundo pa ay bigla siyang tumawa.

"Muntikan ka ng mamatay tapos tumatawa ka pa?!" hindi makapaniwalang tanong ni Andy bago umiling, "Grabe ang demonyong 'to."

Habang tumatawa si Denum ay dahan-dahan naman itong umiyak. Mabilis na binalingan siya ng tingin ni Andy. Kahit naguguluhan sa pagbabago ng reaksyon ni Denum ay marahan niyang inilapat ang mga braso sa balikat ng binata bago lumapit dito para yakapin ito.

Mabuti na lang at walang naging bayolente na reaksyon si Denum, hinayaan niya si Andy sa pag-aalo sa kan'ya.

Pinilit na ngumiti ni Denum, "Ayokong mabaliw pero sana huwag mo muna akong iwan. Natatakot akong mag-isa ulit, baka may mangyari na naman sa akin." hiling niya kay Andy.

Tumango si Andy. Ilang minuto silang nasa ganoong sitwasyon ng biglang mawala si Andy na medyo ikinagulat ni Denum bago dismayadong tumawa.

"Kakasabi ko lang na huwag akong iiwan, iniwan kaagad ako." bulong niya sa sarili.

Nang dumilat si Andy ay sinalubong siya ng kambal na binabantayan ang paggising niya.

Ngumiti si Krem nang makita na nagising na si Andy, mabilis niya itong nilapitan.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" may pag-aalalang tanong ni Krem.

Hindi nakasagot si Andy dahil naalala niya si Denum. Kaagad siyang bumangon at tinanggal ang karayom na nakatusok sa kan'ya. Dahil sa pag-aalala ay mabilis siyang lumabas.

"Andy! Andy!"

Maririnig ang sigaw ni Krem na humahabol ngunit hindi na nasundan si Andy dahil pinigilan ni Lylia.

"Hayaan mo siya, huwag kang masanay na palagi ikaw ang humahabol. Baka palagi ng mangyari." makahulugang sabi ni Lylia.

Nang makarating si Andy sa lugar kung nasaan si Denum ay mabilis niya itong nilapitan. Nakayuko ito at dinadama ang malakas na ulan.

Tinapik niya ang braso ng binata para makuha ang atensyon nito. Nang mag-angat ng tingin si Denum ay kaagad na ngumiti si Andy.

"O, tinupad ko 'yung gusto mo ha?" natutuwang sabi ni Andy bago umupo at nakisabay kay Denum na damahin ang malakas na ulan.

Hindi na kumibo si Denum at tahimik na pinanood ang bawat patak ng ulan. Walang ibang ginawa si Andy kundi bantayan ang binata.

"May itinuro sa akin na magic ang Papa ko para maalis ang lungkot ng kasama ko," pagbasag ni Andy ng katahimikan.

Hindi kumibo si Denum kaya umirap sa kawalan si Andy.

'Ang sungit talaga nito, sarap ibalibag.'

Kinuha ni Andy ang kaliwang kamay ni Denum kaya nakuha niya ang atensyon ng binata at tuluyan nang humarap sa puwesto niya.

"Anong gagawin mo?" seryosong tanong ni Denum.

Ngumiti si Andy, "Yung magic nga!" singhal niya bago inilapat ang kamay niya at pinagsiklop sa mga kamay ni Denum, "Ayan, kapag nararamdaman mo na mag-isa ka, itong magic na ito ang magpapaalala na hindi." paliwanag ni Andy.

Ilang segundo na hindi nakakibo si Denum bago ngumiti kay Andy, "May gusto ka sa akin 'no?"

Nagpantay ang kilay ni Andy at nakipagtitigan kay Denum. Hindi niya narinig kaya wala siyang maisagot.

FIVE SENSESWhere stories live. Discover now