46 - Nowhere

722 26 8
                                    

Primo

Pagkatapos kong ilapag sa mesa 'yong niluto kong omelet at tuyo, umupo na rin ako. Parang naging bato pa ako dahil napatigil ako, dahil hindi ko talaga maisip kung totoo ba itong nangyayari ngayon. Totoo itong kasama ko siya ngayon. Si George.

Tumingin ako sa kanya at nakatingin lang siya sa inihanda ko, hanggang sa tignan niya rin naman na ako. Ngumiti ako nang malungkot dahil ramdam ko ang lungkot na nararamdaman niya.

"Kain na tayo." Sabi ko at ngumiti rin naman siya. Nang malungkot.

Tahimik lang kaming kumakain na dalawa. Tanging tunog ng mga kubyertos ang aming naririnig. Pati nga yata pagnguya namin ay rinig na rinig naming dalawa. Pasulyap-sulyap ako sa kanya, at ang lamya niya kumain.

Nandito siya, kasama ko siya ngayon. Kagabi pa ako hindi mapakali dahil hindi ako makapaniwala. Sino ang maniniwala na nandito siya ngayon sa apartment ko? Na kagabi, madaling araw pala, nagpunta siya rito? At tinanong sa akin kung pwede bang tumuloy siya rito sa tinitirahan ko?

Kahit gulong-gulo ako kung ano ang mayroon, hindi na ako nagtanong. Dahil sa totoo lang, alam ko na eh. Alam ko kung bakit siya naririto ngayon dahil kita ko 'yong mga pasa sa magkabilang balikat niya na ngayon ko lang napansin at 'yong pasa rin na mayroon siya sa pisngi niya. At alam kong dahil sa sampal iyon, at hindi man siya nagsasalita, ang may gawa nito ay ang asawa niya, si Sir Miguel.

Gusto kong magalit. May karapatan ba akong magalit? Dahil gusto kong magalit ngayon dahil walang sinong tao ang pwedeng manakit sa kanya nang ganito eh. Wala.

Bigla kong naalala 'yong sinampal siya ng tatay niya noon, itinago niya iyon sa akin pero nakita ko rin. At ako 'yong rason. At ipinangako ko noon sa sarili ko na huli na siyang madadapuan ng palad ng tatay niya. Oo, nagawa ko iyon, nangyari iyon. Pero ano ba ito? Naulit, 'di ba? Nangyari ulit.

At ako ang rason. Alam kong dahil na naman sa akin mismo.

Hindi ko alam kung tungkol ba ito sa nalaman ni Sir Miguel na ex boyfriend ako ni George, pero napakababaw niya namang tao para saktan si George at napunta pa sa puntong naglayas. Pero wala na akong pakialam kung dahil ba sa rason na iyon, dahil ang importante ngayon, si George.

Pero ang tanong ko ngayon, bakit ako ang pinuntahan niya? Naalala ko kasi, noong nakaraang araw, parang ipinagtabuyan niya na ako..

Nang matapos kaming kumain, nagligpit na rin ako. Ipinagpipilitan pa nga niyang siya na ang magliligpit pero umangal ako.

"Kailangan mo ba ng yelo para sa.. mga pasa mo?" Tanong ko sa kanya nang lingunin ko siya.

Napayuko siya at tinakpan pa 'yong mga pasa niya sa braso niya kahit nakita ko na, kagabi pa. "Hin-hindi na.."

"Sigurado ka ba?"

"Oo." Sagot pa niya.

Tumango na lang ako. Hindi ko lang kayang makita siya sa mga pasang iyan. Dahil inaamin ko, parang umiigting itong panga ko na ipagtanggol siya.

Nang matapos ako sa pagliligpit, nilapitan ko siya rito sa sala, nakaupo siya rito sa sofa, kung saan siya natulog. Kagabi nga, sinasabi kong doon na lang siya sa kwarto at ako na lang dito sa sofa, pero ayaw niya. Tumanggi siya, hindi ko na rin naman siya napilit dahil.. mukha siyang pagod at gusto na lang magpahinga.

Pero ngayon, pipilitin ko na naman siya.

"George, doon ka na lang kasi sa kwarto. Para mas maayos ka at kumportable." Sabi ko sa kanya at napatigil siya sa pagtutupi ng kumot.

MagbalikWhere stories live. Discover now