50 - Kung 'Di Na Ako

731 23 13
                                    

Primo

"Bro, kahit gaano pa karaming alak ang inumin mo ngayon, alam naming tatlo na ikaw ang magiging last man standing dito." Sabi ni Gin sa akin at idinaan ko na lang sa pagtawa ang sinabi niya. Kahit ang totoo, peke ang tawa na iyon.

"Samantalahin niyo na't minsan lang itong si Primo ang may gastos dito ng mga alak natin ngayon." Sabi naman ni Jude at sumang-ayon si Bruce.

"Alam ninyo, wala akong balak maglasing. Uuwi ako kay Chloe, alam niyo naman na 'yon." Sabi pa ni Gin.

Nandito ang tatlo kong kaibigan sa apartment ko. Inaya ko silang makipag-inuman sa akin. Sabi nga ni Jude, minsanan lang itong ako ang nag-aaya. Hindi naman siguro masama, 'no? Wala eh, parang kailangan ko ito ngayon. Hindi, hindi pala.. Kundi simula noong tanggalin ako ni Sir Miguel sa hotel niya.

Dalawang Linggo, dalawang linggo na rin ang lumipas nang mangyari 'yong kaguluhan sa party ng Hotel McBride. Dalawang linggo nang tanggalin na ako si Sir Miguel sa hotel na 'yon.. Kaya dalawang linggo na akong walang trabaho, dalawang linggo na akong nagmumukmok sa apartment ko, dalawang linggo nang nakakulong dito.. At dalawang linggo ko na rin hindi nakakakita at nakakausap si George.

Ngayong alam na nga ng lahat, alam niyo 'yong bawat galaw ko ay naging limitado na. Bawat galaw ko, nakaabang na ang mga mata ng iba. Alam niyo 'yong parang sa isang iglap, isa na akong artista?

Nakakatawa, nakakatawa dahil hindi lang naman ang mga taong nandoon sa okasyon na 'yon ang nakakita, nakarinig at nakaalam ng pangyayari. Hindi lang ang mga nandoon, ang mga katrabaho ko, kundi halos lahat na. Ni ultimo pati mga kapitbahay ko, alam nila eh. Pati mga kapamilya ko, nakarating sa kanila ang gulong iyon. At ang inaalala ko, 'yong mga Lolo at 'yong nag-iisa kong Lola, na siyang ayaw kong maging apektado sa akin..

Hindi na rin ako magtataka kasi malabong hindi lumabas ang pangyayari na 'yon eh. May mga media roon, at magtataka pa ba ako kung ma-dyaryo ako, eh sikat pa man din ang Hotel McBride? Na ano, ako nga pala ang kabit ng asawa ni Miguel Carbonel.

'Yung sinabi ni Bruce sa akin, baka sinadya ni Sir Miguel ang nangyari. Na siraan ako sa lahat, na siraan ang pangalan ko. Pero teka lang, sino ba ako? May pangalan ba ako? Dahil wala akong pakialam kung nasira man ako sa mga mata ng lahat. Wala akong pakialam. Matagal nang sira ang pangalan ko, bakit ko pa kailangang isipin 'yon?

Totoo nga sigurong nagka-affair kami ni George, na kabit niya ako. Maski ang sarili ko, hindi ko maisip kung ayun ba talaga ang tawag sa akin. Alam na rin ng mga kaibigan ko ang tungkol sa amin ni George, sila ang tinanong ko, pero hindi nila ako sinagot. Dahil sila talaga ang nakakakilala sa akin, dahil alam nila kung gaano ko kamahal si George.

Kung batas ang pinag-uusapan, oo, maaaring kabit nga kung tawagin ako. Pero kung batas ng pagmamahal? Binubura ang batas dahil bugso ng damdamin ang dapat sundin. At 'yong ginawang pananakit ni Sir Miguel kay George? Ano ang tawag doon?

At isa pa, mukhang pinlano talaga ni Sir Miguel ang gabing iyon dahil naalala ko, sinabi niya sa lahat na nagdadalang-tao si George kahit sinabi sa akin ni George na hindi. Hindi buntis si George.

"Primo, paano ka na ngayon?" Tanong sa akin ni Bruce at napatingin ako sa kanya. "'Yung trabaho mo, saan mo balak magtrabaho? Pumasok?"

Parang bumalik sa akin 'yong panahon na namomroblema ako dahil inalis ako sa trabaho nang walang dahilan. Pero ngayon? May dahilan. Hindi pala, kasi noon, may dahilan din eh, 'yong tatay ni George. At ngayon, si Sir Miguel.

"Tara, mag-Italy na ulit tayo, Primo. Magre-resign na ako--"

"Huwag." Pagputol ko kay Jude. "Huwag kang aalis doon sa dahilan na tinanggal ako. Huwag mong personalin." Sabi ko.

MagbalikWhere stories live. Discover now