CHAPTER 1 - Mylene

8.6K 213 34
                                    

Hindi ko na mabilang. Oo! Hindi ko na talaga mabilang kung ilang beses na ba 'ko nag-lakad sa lugar na 'to. Dahil ang daanang ito ay ang nagsilbing tahanan sa halos dalawang taon ng buhay ko. Ang aking damit na napulot ko lang sa isang basurahan ay mahigit dalawang buwan ko nang suot. Tanging ang basurahan lang kasi ang lugar kung saan ako nakakahanap ng bagong damit. Oo na! Alam ko na ang nasa isip mo. At iyon ay mahirap lang ako. Pero sa panahon ngayon ay hindi ko kasalanan kung bakit nangyari sa'kin ang lahat ng mga 'to, dahil ang lahat ng mga bagay na nararanasan ko ay kasalanan ng gobyerno!

Oo! Ang gobyerno. Nang dahil sa kanila ay mahigit 70 Percent ng populasyon sa buong bansa ay sa kalsada na lamang nakatira at wala nang tahanan. Hindi na ako magdadalawang isip na sabihin ang bagay na 'to dahil ang Pilipinas ngayon ay isa na lamang napakalaking basurahan na hinding-hindi na malilinis pa!

Gabi-gabi akong natutulog sa gilid ng kalsada kasama ng dalawa ko pang mga anak. Pinagmamasdan ko sila at wala akong ibang nagagawa kundi ang umiyak na lamang dahil ayokong nararanasan nila ang ganitong klaseng pamumuhay. Siguro ay iniisip niyo na bakit hindi ako maghanap buhay. Pero matatawa lang kayo kung sasabihin 'ko na ang halos buong Pilipinas ay wala nang lugar kung saan pwedeng mag-trabaho. Karamihan kasi ng mga kompanya, factory, mall, at kung anu-ano pa ay nag-sasara at lumilipat na sa ibang bansa dahil sa sobrang laki ng tax na binabayaran nila dito taon-taon. Ang tax na ipinapatong nila ay nasa 80 Percent na! Paano ka pa kikita kung ang halos kalahati ng pinaghirapan mo ay mapupunta lang sa mga bulsa nila lalo na sa Presidente. Hindi ko rin nakikita ang pagbabago sa lugar na 'to. Kung ikaw ay ipinanganak na mahirap, asahan mong mamamatay ka ring mahirap.

Ang Roxas Boulevard ngayon ay isang napakalaking tulugan at tirahan ng mga palaboy na katulad ko. Nagkalat ang mga tarpaulin, sako, at kung anu-ano pang mga lumang kagamitan. At kada isang beses sa isang linggo ay may dumadaan na isang sasakyan ng mga City Police na may nakalagay na napakalaking speaker sa bandang itaas ng sasakyan. Pero noong isang linggo ay may hindi magandang bagay ang nangyari.

"Ito ang Metro Manila Development Authority at inuutusan namin ang lahat ng mga tao sa lugar na 'to na magsi-alisan na! Kundi ay huhulihin namin kayo at ikukulong." Bigla akong nagising sa pagkakaidlip dahil sa ingay na nanggagaling sa kalsada. Bumangon ako at sinilip kung ano ba 'yon. Ito pala ang mga City Police at mukhang pinapa-alis nanaman nila kami. Pero natatawa nalang kaming lahat at hindi na lang namin sila pinapansin. Hindi kami natatakot dahil alam naming lahat ng mga kulungan sa buong bansa ay napuno na ng mga palaboy na katulad ko. "Kasalanan na pala ang pagiging mahirap Mylene?" Bulong ni Charmaine na best friend ko. "Tayo pa pala ang may kasalanan kung bakit nangyari ang lahat ng 'to sa ating bansa." Agad ko namang itinugon sa kanya.

Si Marco naman na isang palaboy sa bandang kaliwa ko ay biglang tumayo at sumigaw ng napakalas sa mga pulis na nasa sasakyan. "WALA KAYONG KWENTA! NILOLOKO NIYO LANG ANG MGA SARILI NIYO! AT KUNG SAKALING MAPAPA-ALIS NIYO KAMI SA LUGAR NA TO, SAAN NAMAN KAMI PUPUNTA? SAAN KAMI TITIRA! SAAN KAMI..." Pero hindi pa siya tapos magsalita ay bigla kaming nakarinig ng napakalakas na putok ng baril! Pag-lingon ko kay Marco ay bigla akong nagulat! Dahil ang bala ng baril ay nakabaon na sa kanyang kaliwang mata! Agad siyang napaluhod at tuluyang napahiga! Ang napakapulang dugo ay agad na umagos sa napakaduming simento.

Sa sobrang pagka-gulat naming lahat ay bigla kaming napasigaw! Agad 'kong binuhat si Jester at Marianne na aking mga anak at mabilis kaming tumakbo papalayo sa sasakyan ng pulis na pumatay kay Marco. Ang best friend ko naman ay biglang nawala sa tabi ko! "DIYOS KO! DIYOS KO CHARMAINE! ASAN KA!" At kahit saan ako lumingon ay hindi ko na siya makita at tanging mga sigawan na lamang ng napakaraming tao ang naririnig ko. Agad akong napatingin sa sasakyan ng pulis at ang ibang mga palaboy na lalaki ay agad itong sinugod! Binasag nila ang mga bintana ng sasakyan at isa-isa nilang hinila ang paa ng pulis na bumaril kay Marco. "Mama! Mama! Umalis na tayo dito! Natatakot ako!" Wika ni Jester habang hinihila niya ang damit ko. Hinawakan ko ang kanilang mga kamay at nagmadali kaming tumakbo paalis sa lugar. Pero habang papalayo kami ay lumingon ako sa sasakyan upang makita kung ano na ang nangyayari.

Nagulat ako dahil ang pulis na pumatay kay Marco ay wala nang braso. Sa sobrang galit ng mga palaboy ay hindi na sila nagdalawang isip na patayin ang kawawang pulis. Maya-maya lang ay may isang helicopter na dumaan sa ibabaw namin. At habang papalapit ito ay may isang napakalaking speaker akong nakita habang binubuksan nila ang pintuan ng helicopter. "ITIGIL NIYO NA 'TO NGAYON DIN! KUNG HINDI AY HINDI KAMI MAGDADALAWANG ISIP NA BARILIN KAYO!"

Pero matigas pa rin ang ulo ng mga palaboy at ayaw nilang sumunod. Ipinagpatuloy parin nilang tanggalan ng iba't ibang parte ng katawan ang kawawang pulis. Nang dahil doon ay hindi na nga nagdalawang isip ang mga pulis na nasa helicopter at pinaulanan nila ng bala ang mga palaboy na sumira sa sasakyan ng kasamahan nilang pulis. Mas lalong lumakas ang mga sigawan sa buong paligid. "MAMA! MAMAMATAY NA TAYO!" Si Marianne ay agad na umiyak matapos niyang sumigaw pero imbes na patahanin ko siya ay mas lalo 'kong binilisan ang pagtakbo habang hawak-hawak ko pa rin ang kanilang mga kamay.

Sa wakas ay tuluyan kaming naka-alis sa Boulevard at napadpad kami sa isang lumang hotel. Hinihingal ako at pinipilit kong kumalma. Nagpalipas kami ng dalawang oras at matapos 'non ay muli kaming naglakad pabalik sa Boulevard. Siguro ay iniisip niyo ngayon kung bakit pa kami bumalik sa lugar na 'yon? Gustuhin man namin o hindi ay babalik at babalik pa rin kami sa lugar na 'yon dahil iyon na ang nagsisilbing tahanan namin. Nalaman ko lang na mahigit dalawampung tao pala ang namatay. Halo-halo ang emosyon ng mga taong nakita ko. Mayroong galit, mayroong umiiyak, at mayroon namang gustong gumanti. Hinding-hindi ko talaga maalis sa isipan ko ang pangyayaring 'yon. Ang mga anak ko ay na-trauma at naiiyak pa rin sila sa tuwing naaalala ang nangyari noong isang linggo.

Pero may isang bagay na agad kong ipinagtaka. Bakit wala nang sasakyan ng pulis ang dumaan kahapon upang paalisin kami? Isang beses sa isang linggo ay dumadaan sila upang itaboy kami pero nagtaka ang lahat kung bakit hindi na sila dumaan kahapon. "Baka naman natakot na sila sa'tin? Akala kasi nila, sila lang ang may ibubuga." Mayabang na sinabi ni Charmaine. "Nako! Hindi ako naniniwala. Baka bigla silang dumaan mamaya na may dala-dalang tangke para pasabugan tayo."

Pero lumipas pa ang ilang oras at wala pa ring dumadaan. Siguro nga ay itinigil na nga talaga nila ang pananakot sa'min dahil punong-puno na ang kulungan ng mga palaboy at mahihirap.

Bigla namang hinatak ni Jester ang damit ko at agad na nagsalita. "Mama! Gutom na 'ko!" Oo nga pala! Kailangan 'ko nanamang dumiskarte kung paano nanaman kami kakain ng gabihan. Siguro ay kailangan 'kong magnakaw ng pag-kain sa tindahan o mamulot ng basura para muli nanaman kaming maka-raos. "Sandali lang ah! Maghahanap ako! Dito lang kayo ni Marianne kay Tita Charmaine niyo ah. Babalik agad ako." Ngumiti naman ang dalawa 'kong mga anak at niyakap nila ako. "Opo Mama! Bumalik ka agad ah!"

Tuluyan na akong umalis at naglakad patungo sa isang tindahan. Ang damit ko ay mas lalo nang dumudumi at mukhang kailangan ko na ring maghanap ng bagong maisusuot. Pagdating ko sa tindahan na pagnanakawan ko ay bigla akong nagulat. Sarado ito at nakakapagtaka dahil hindi ito nagsasara ng ganitong oras.

Mukhang wala na akong ibang lugar na paghahanapan ng pagkain kundi ang basurahan. Agad akong nag-tungo sa pinakamalapit na basurahan upang mag-hanap ng makakain at matapos nang ilang minutong paghahanap at paghahalukay ay nakakita ako ng tira-tirang fried chicken. Siguro ay pwede na 'to. Hindi na lang siguro ako kakain at ibibigay ko nalang ang mga 'to sa anak ko. Kinuha ko ang pag-kain at naglakad na 'ko pabalik sa Boulevard.

Pero habang naglalakad ako ay may isang tao galing sa aking harapan at agad na yumakap sa'kin ng napakahigpit! Tinakpan niya ang bibig ko gamit ang isang panyo at ang pag-kain na hawak-hawak ko ay bigla 'kong nabitawan! Kahit anong klasing pag-laban ang gawin ko ay hindi ko magawa! Hindi ako makagalaw hanggang sa unti-unti na akong nanghina. Hindi ko na maramdaman ang mga kamay ko hanggang sa tuluyan nang dumilim ang buong paningin ko.

Camp Horizon (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now