CHAPTER 21 - Ailee

914 37 3
                                    

"Oh my, God! Okay lang ba yang kasama mo? Dalhin mo siya dito sa kwarto para makapag-pahinga siya." Natatarantang sinabi ng babae na may suot na number 21 na damit. Kaagad na inakay ni Eddmar at nang isa pang lalaki na may suot na number 27 na damit si Mylene na wala pa ring malay patungo sa isang kwarto. "Nagugutom ka ba iha?" Tanong sa akin ng matandang lalaki na may suot na number 40 na damit. "Ay hindi po. Kakakain ko lang kanina." Ngumiti ako matapos ko siyang sagutin.

May isa namang matandang babae na kasing tangkad ko ang nakatayo at tulala mula sa di kalayuan at tila ay meron siyang malalim na iniisip. Gusto ko sana siyang kausapin kaso, medyo nahihiya rin ako dahil ngayon ko lamang sila nakilala. Ang buong akala ko ay pang habangbuhay na siyang nakatulala pero lumipas ang sampung segundo ay bigla siyang humarap sa akin at unti-unti siyang naglakad patungo sa kinatatayuan ko. Nakita ko ang kanyang damit na may naka-imprentang number 16 sa harapan nito katulad ng iba pang kasali sa Camp Horizon. Kaagad na bumilis ang pintig ng puso ko dahil hindi ko alam kung ano ba ang gagawin niya sa akin. Pagkalapit niya sa harapan ko ay bigla siyang huminto at saka siya nagsalita ng pasigaw.

"NALALAPIT NA! NALALAPIT NA ANG KATAPUSAN! YAN ANG NAKASULAT SA BIBLIYA! KAYA SUMAMA KA NA!" Nanlaki ang mga mata ko at bigla niyang hinawakan ang kanang braso ko at habang tumatagal pa ay pasikip ng pasikip ang pagkakahawak niya sa akin. "SUMAMA KA NA! PATAWARIN MO NA SILANG LAHAT! AT... AT... NAGSISIMULA NA ANG SENYALES. ANG CAMP HORIZON ANG PATUNAY NA MAS MAGIGING MAGULO ANG BUONG..."

"Tumigil ka na Clarisse! Tumahimik ka nalang. Pakiusap lang!" Tugon ng babaeng may suot na number 36 na damit. At kung tama ang pagkakaintindi ko, mukhang siya ang babaeng tinutukoy ni Eddmar kanina. Si Beatriz. "Lumayo ka sa bata. Tinatakot mo na siya." Kaagad namang sumabat ang babaeng may suot na number 45 na damit. At pagkatapos niyang magsalita ay bigla niyang hinawakan ang braso ng matandang si Clarisse at hinatak niya ito papalayo sa akin. "Wag kang mag-alala. Nababaliw lang yan si Clarisse kaya wag mo nalang pansinin yan." Ang matandang babae na si Clarisse ay muling tumayo sa di kalayuan at muli nanaman siyang natulala.

"Hay nako! Yan kasi si Clarisse ay isang dating madre at matapos pasabugin ang Quiapo Church ay tuluyan na siyang napariwara at naging palaboy. Kasama sa mga namatay sa pang bo-bomba ang kanyang kapatid na natitira nalang niyang pamilya. Kung anu-ano na rin ang mga drugs na sinubukan n'yan matapos maging isang palaboy sa daan." Wika ni Beatriz. Bigla akong nagtaka dahil mukhang napakarami na niyang alam kay Clarisse kahit na ilang oras pa lamang sila nagkakilala.

Sa sobrang pagtataka ko ay tuluyan ko na siyang tinanong tungkol sa iniisip ko. "Teka lang. Bakit mukhang marami ka atang alam tungkol sa kanya?" Napangiti si Beatriz pero kitang-kita ko sa kanyang mga labi na peke lamang ang kanyang pag-ngiti para sa akin. "Kanina. Naikuwento niya sa akin. Pero mukhang sinusumpong ata siya ngayon ng pagka-abnormal kaya ang hirap kausapin." Nang dahil sa sinabi ni Beatriz ay mas naliwanagan na ako.

Paglingon ko naman sa aking gilid ay tuluyan nang nakabalik si Eddmar at ang kasama niyang lalaki na may number 27 na damit. Ngayon na kumpleto na silang lahat ay mas nagkaroon na ako ng pagkakataon upang bilangin sila. "Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito." Pito silang lahat kabilang na si Eddmar at ang baliw na si Clarisse.

"Wag kang mag-alala number 10. Mas makakapag-pahinga na yung kasama mo. Siya nga pala. Ako si Jimmy." Ang lalaking sumama kay Eddmar kanina para ihatid si Mylene sa kwarto ay kilala ko na ngayon. "Magkape ka muna. Mukhang napagod ka." Agad na kinuha ni Eddmar ang kape sa lamesa na tinimpla kanina ng babaeng may suot na number 21 na damit.

Kaagad kong hinalo ang kape gamit ang mallit na kutsara at unti-unti ko itong hinigop hanggang sa tuluyan ko na 'tong naubos. "Salamat dito sa kape at sa pagpayag niyo na patuluyin kami ng kasama ko." Mahina kong sinabi habang nakatingin kay Beatriz. Pero bigla akong nagulat sa isinagot ni Beatriz sa akin. "Wag ka sa'kin magpasalamat dahil hindi ko talaga gusto na patuluyin kayo dito. Kay Eddmar ka magpasalamat dahil nakumbinsi niya ako." Matapos niyang magsalita na parang isang kontrabida sa isang classic na telenobela ay bigla niya akong tinaasan ng kilay. Nagulat ako at hindi ko alam kung ano ba ang magiging reaksyon ko sa kanya. Hindi na lang ako nagsalita pa pero mas mukhang naapektuhan si Clarisse sa mga sinabi ni Beatriz kesa sa akin.

Camp Horizon (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now