CHAPTER 14 - Mylene

957 52 9
                                    

"Pumikit ka! Diyos ko! Wag kang titingin sa kanan." Kaagad ko itong sinabi kay Kenneth habang naglalakad kami patungo sa Drug Store. Kaya ko siya pinapapikit dahil habang naglalakad kami papasok sa entrance ng mall ay may isang lalaking nakahandusay sa harapan ng National Bookstore. Mukhang binaril siya at sa sobrang lakas nito ay nabasag na din ang mga salamin na nagsisilbing pader sa book store.

Napakahigpit ng hawak ko sa Machine Gun dahil alam kong may iba pang mga tao dito ang handang pumatay kapalit ng malaking premyo. Sinusundan ko lang si Kenneth sa paglalakad dahil mas kabisado niya ang lugar na 'to kaysa sa akin. "Malapit na ba tayo?" Tanong ko. Agad naman siyang tumingin sa akin at sumagot. "Hindi pa po. Medyo malayo-layo pa. Kailangan muna nating umakyat ng isang escalator. Liliko pa tayo papunta sa kanan, madadaanan muna natin yung mga sinehan bago..."

"Ok... Ok... Wag ka nang magsalita, basta dalhin mo ako sa drug store. Kailangan ko makuha kaagad yung Pain Killer." Tuluyan nang nanahimik si Kenneth.

Noong 2021, naimbento ng mga scientist ang isang napakabisang gamot na nakapagsalba na ng milyong milyong buhay hanggang sa mga kasalukuyan. Pero ang mga doktor na gumawa ng gamot na 'yon ay hindi mga Pilipino kundi ang mga Amerikano. Iyon ay ang Eldex Pain Killer kung saan ay nakakapagtanggal ng kahit anong sakit sa katawan at tumatagal ang bisa ng gamot na iyon ng mahigit dalawang araw. Ang gamot din na 'yon ang kukunin namin at siguradong tatalab ito kay Arianne.

Alam kong medyo mahaba pa ang lalakarin namin ni Kenneth. Hindi pa kasi namin nadadaanan ang escalator na sinasabi niya kaya naisipan ko kuna siyang tanungin.

"Ilang taon ka na ba?" Sumagot siya sa akin nang hindi tumitingin. "Nine... Nine years old na po ako." Bigla namang pumasok sa isip ko ang anak kong si Jester dahil magkasing edad lang sila ni Kenneth. Ang bunsong anak ko naman na si Marianne ay 6 years old palang.

"Bakit mo po pala natanong?" Muling nagsalita si Kenneth pero sa pagkakataong ito ay tumingin na siya sa akin. "Wala... ang boring lang kasi." Tumango nalang si Kenneth at hindi na siya muling nagsalita pa.

Habang nasa kalagitnaan kami ng pag-lalakad ay bigla akong napatingin sa kisame ng mall. Napakaraming camera ang nakadikit at mukhang nasusundan kami ng mga lente nito dahil hindi mawawalan ng mga camera kahit sa isang sulok lang. Lumipas pa ang ilang minuto at tuluyan na naming nadaanan ang escalator. Biglang nanibago ang pakiramdam ko matapos tumungtong sa escalator dahil ang huling beses na nakasakay ako dito ay noong ako ay 26 years old pa lamang.

Habang naglalakad pa rin ay biglang pumasok sa isip ko ang mga pangyayari bago palang ako mapunta sa lugar na 'to. Sa sobrang pagtataka ko ay itinanong ko si Kenneth. "Paano ka ba napunta dito?"

Bigla siyang natawa at agad siyang tumingin sa akin kasabay ng kanyang sagot. "Bakit po ba sa tuwing mag-sasalita ka ay puro patanong. Hahaha!" Hindi ko naisip na nagiging palatanong na pala ako pero agad naman itong sinagot ni Kenneth matapos niya akong tawanan.

"Inutusan po kasi ako ni Kuya na ibenta sa Junk Shop yung mga napulot niyang bote. Tapos habang naglalakad ako, biglang may nagdikit ng panyo sa bibig ko. Hindi ko po talaga kinaya yung tindi ng amoy ng panyo kaya nabitawan ko ang mga bote hanggang sa nawalan ako ng malay. Tapos nung paggising ko. Nasa harapan na ako ng Ice Skating Rink." Napahinto siya sa pagsasalita pero muli niya itong itinuloy matapos niyang huminga ng napakalalim. "Yung mga bote... Siguro, nakuha na 'yon ng mga lalaking nam-bu bully sa'kin sa tuwing dumadaan ako sa lugar nila." Biglang tumulo ang luha niya habang nag-ku kwento pero ipinagpatuloy pa rin niya ito. "Si kuya... Nag aalala na siguro siya sa'kin. Ako nalang po kasi yung kasama niya matapos ikulong ang mga magulang namin dahil sa pagnanakaw ng kuryente. Nami-miss ko na po sila. Na mi-miss ko na ang mga magulan..."

Hindi ko na pinatapos pa si Kenneth sa pag ku-kwento at kaagad akong lumuhod upang yakapin siya. Napatigil kami sa paglalakad dahil sa pagyakap ko sa kanya. Bigla akong nakaramdam ng napakatinding awa at hindi ko masikmura kung bakit naimbento pa ang larong 'to. Inilapit ko ang aking bibig sa kanyang tenga at binulungan ko siya upang palakasin ang kanyang loob. "Wag kang mang-alala. Makakatakas tayo dito. At kapag nakatakas na tayo, mag-kikita na ulit kayo ng kuya mo. Pangako yan. Kaya wag ka nang umiyak."

Camp Horizon (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon