CHAPTER 28 - ?

823 34 3
                                    

Ang Halos buong parte ng Quezon City ay naging isang napakalaking dumpsite. Yung tinatawag nilang Fairview noon ay isang napakalaking parte na lamang kung saan tinatapon ang mga basura. Sa katunayan nga ay hindi na makadaan ang mga Truck at tanging mga Helicopter at Hover Plane na lamang ang nakakapagtapon ng basura doon. Isa lamang yan sa naging masamang epekto ng korupsyon sa bansa. Napakarami pang pagbabago ang nangyari simula nang ipatupad ang Martial Law dito sa Pilipinas. Hindi ko na mabilang kung anu-ano pa ba ang pagbabagong nangyari sa bansa matapos ipatupad nito dahil sobrang dami na ng mga pangyayaring nakasira sa buong Pilipinas.

Halos lahat na ata ng lugar sa siyudad ay napuntahan ko na pero wala pa rin talaga akong nakikitang pagbabagong nangyayari. Matapos pasabugin ang Quezon Memorial Shrine sa circle ay kaagad akong nagtungo dito upang malaman kung ano ba ang buong nangyari. Nasa kalagitnaan ako ng paglalakad sa Commonwealth Avenue nang bigla akong nakarinig ng napakalakas na pagsabog sa di kalayuan at nang paglingon ko sa napakataas na tore sa circle ay bigla akong nagulat sa nakita ko dahil unti-unting gumuguho ang kawawang landmark.

Nagmadali akong tumakbo patungo sa lugar na 'yon kahit na gutom na gutom na ako. Nagbabakasakali kasi ako na makakapulot ng mga makakain. Habang nasa kalagitnaan ako ng pagtakbo ay napansin ko na walang bumbero o ambulansya ang papunta sa Circle. Hindi ko na ito ikinagulat dahil ang halos lahat ng mga sangay ng Pamahalaan ay nagsasara na rin.

Pagkalipas ng limampung minuto ay matagumpay na rin akong nakarating sa lugar na pupuntahan ko. Hindi ko ininda ang pagod at gutom dahil gustong-gusto ko nang makahanap ng makakain. Habang papalapit naman ako sa gumuhong gusali ay mas lalong kumakapal ang usok na nanggagaling dito. Karamihan ng mga taong nakikita ko ay sugatan at ang mga iba naman ay walang malay o hindi kaya patay na. Kaagad akong nagtaka at gustong gusto ko nang malaman kung ano ba ang nangyari.

Pagkarating ko sa mismong lugar kung saan gumuho ang Shrine ay bigla akong natulala sa mga nakita ko. Tumambad sa aking harapan ang mas marami pang mga wala nang buhay na mga tao. Hindi ko sila mabilang dahil sobrang dami nila. May mga bata rin akong nakikita na kasama sa mga namatay. At nang paglingon ko naman sa kaliwa ay natanaw ko ang isang nasusunog na stage kung saan ay may mga nasusunog na karatula. Siguro ay may nagsasagawa ng isang rally sa lugar na 'to bago gumuho ang shrine.

Naglakad ako patungo sa fountain at nakita ko ang nangingitim na tubig na may halong dugo. Kaagad akong napa-urong dahil sa napakasangsang na amoy na nanggagaling dito. Muli akong napalingon sa mga patay na nakahandusay sa sahig at nakita ko ang mga iilan na palaboy na katulad ko na tinutulungan ang iba pang mga sugatan. Pero nakakalungot din dahil may mga iilan pa na ninanakawan ang mga wala nang buhay na katawan.

Bigla kong naalala ang dahilan kung bakit ako nagtungo sa lugar na 'to. Iyon ay dahil gusto kong makahanap ng mga makakain. Sa isang sulok naman ng fountain ay may isang nakahandusay na batang babae na may hawak na isang pandesal. Kaagad akong naglakad patungo sa kanya upang kunin ang kanyang pagkain. Pero habang humahakbang ako papalapit sa kanya ay natatapakan ko naman ang iba pang mga katawan. Ang batang babae na nakita ko ay wala na rin namang buhay at masasayang lamang ang pag-kain kung hindi ko ito kukunin mula sa kanya. Mas lalong kumakalam ang sikmura ko at mas lalo na rin akong nagugutom.

Paglapit ko sa kanya ay kaagad akong umupo upang kunin na ang pandesal at nang hahawakan ko na ito ay saka ko lang nalaman na ang batang babae pala sa harapan ko ay humihinga at buhay pa. Unti-unti siyang dumilat at napansin kong may tama ng baril ang kanyang sikmura. Nagsasalita siya ng mahina pero hindi ko iyon maintindihan. Ang kanyang bibig ay punong-puno na rin ng kanyang dugo hanggang sa muli siyang nagsalita. Pero sa pagkakataon ngayon ay naintindihan ko na ang sinasabi niya.

"Tulong..." Nanginginig ang kanyang mga kamay at muli pa siyang nagsalita. "Nasaan na po ang... nanay ko..." Matapos niyang mag-salita ay napalingon ako sa kanyang likuran. Nakita ko naman ang isang matandang babae na nakasuot ng pulang damit na wala nang buhay pero ang kanyang mga mata ay nakadilat pa. May tama siya ng baril sa kanyang noo at ang dugo mula doon ay kasalukuyang tumutulo.

Camp Horizon (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now