Chapter 11: Viridescent Card

372 13 0
                                    

"Halika na," sambit ng lalaki sabay kuha sa mga gamit ni Minikki at nilagay sa cart.

"S-sandali. Sino ka? B-bakit ako sasama sa 'yo?"

"Ako si Kieffer, ako ang magdadala sa 'yo sa Occoii University."

Hindi agad nakapagsalita si Minikki nang mauna itong maglakad sa kaniya.

"Malapit nang magsara ang daan papuntang Great Wall. Kailangan na nating magmadali."

"G-great wall?"

Sumunod lang si Minikki sa lalaki. Dumaan sila sa isang eskinita kung saan may mga ilan ding taong nakakasalubong at kapwa nagmamadali. Ang iba naman ay tinitingnan si Minikki at pinagbubulungan.

"Nandito na tayo sa Great Wall."

Napatingin si Minikki sa mataas na pader sa harap niya. May arch sa gitna nito na tila ba doon nila kailangang tumawid. Napansin niya ang ilang mga kalalakihang dumaan doon at biglang nawala. Nanlaki ang mga mata niya nang masaksihan ang bagay na 'yon.

"Iyon naman ang Arch of Utopia," pagtutukoy ni Kieffer sa isang arko sa gitna ng Great Wall.

"Iyon ang pinakamabilis at pinakaligtas na paraan para makapunta ka sa isang lugar ngunit kailangan mo ng matinding konsentrasyon kapag tatawid ka sa Arch of Utopia dahil kung anong lugar ang unang pumasok sa iyong isipan ay doon ka mapupunta," paliwanag ng lalaki na sumundo sa kaniya. "Huminga ka nang malalim at isipin mo ang lugar ng Occoii University upang doon ka mapadpad."

"Pero hindi pa ako nakakapunta roon," sagot ni Minikki.

"It doesn't matter. You just have to think about it."

Pinagmasdan ni Minikki ang mataas na pader. Hindi niya maisip kung gaano kalaki ang pader na ito at kung hanggang saan ang dulo nito.

Pumwesto na si Minikki sa tapat ng Arch of Utopia. Huminga siya nang malalim at pumikit bago unti-unting tumawid sa Arch of Utopia. Minulat niya ang kaniyang mga mata at napangiti siya sa kaniyang nakita.

"Minikki?"

"Ina!" Tumakbo si Minikki at niyakap nang mahigpit ang kaniyang ina.

"A-anong ginagawa mo rito?" tanong ni Kireina sabay palo nang mahina.

"Hindi ako nakapagpaalam nang maayos sa inyo, ina."

"Hindi naman natin kailangang magpaalam sa isa't isa dahil hindi naman ako mawawala. Nandito ako palagi." Itinuro ng ina ang puso ng dalaga.

"Magkakalayo lang tayo pansamantala pero hinding-hindi tayo magkakahiwalay. Ang puso ay sumasagot sa puso," nakangiting saad ng ina.

***

Kinabukasan, maagang pumunta si Minikki sa mall upang dumaan sa Forbidden Chamber. Hindi niya na kasi gustong pumunta sa sementeryo at magtulak na naman ng lapida para mapunta sa Buried Emporium at dumaan sa Arch of Utopia.

Katulad ng payo ng kaniyang ina, pinindot niya ang 040697 ng limang beses sa videoke at saka niya binuksan ang pinto. Sinara niya ito bago tuluyang lumabas at makapunta sa Prohibited Garden. Sinigurado niyang walang nakakita sa kaniyang taga-labas.

Sumalubong sa kaniya si Kieffer na parang may binabasa sa hangin.

"Anong ginagawa mo?" tanong ni Minikki.

"Pinadadalhan ng significa ang iyong ina na narito ka na."

"Significa?"

"Mensahe sa hangin."

Napanganga si Minikki.

"Bilisan na natin upang hindi ka mahuli sa iyong pagsusulit."

"Pagsusulit? Akala ko sa isang linggo pa?"

The Lady in the Chronicles (OU:LNMEH #1)On viuen les histories. Descobreix ara