Chapter 34: Two Meters Away

212 8 0
                                    

"Miniks! A-anong ginawa mo?!"

Napanganga si Jaeson nang makita si Minikki na biglang lumitaw sa harap niya. Kumakain pa naman siya ng turon kung kaya't nabilaukan siya sa gulat.

Hindi lang si Jaeson ang nakasaksi sa ginawa niya kundi pati ang iba niya pang kaklase. Tiningnan ni Minikki kung naroon din ba si Gellie at nakita niya itong kausap si Haylan. Pareho itong lumingon sa kaniya. Si Gellie ay nakanganga samantalang si Haylan naman ay nakangisi.

Mabuti na lamang at dumating na si Professor Gener at nakaligtas si Minikki sa tanong ng mga mapang-usyoso niyang kaklase.

Umupo na siya sa kaniyang upuan at ganoon din si Jaeson. "Miniks, kumusta 'yong practice ng prod kahapon? Na-pick up mo ba agad 'yong steps?"

Maganda na sana ang araw ni Minikki nang maalala niya ang nangyaring kahihiyan kahapon. At ang isiping ituturo niya ito kay Jaeson ay parang mas lalo niyang ikipinangamba. Napakamot na lamang sa ulo ang dalaga. "M-medyo," nahihiyang sagot ni Minikki.

"Sige, ituro mo sa 'kin mamaya ha? Pagkatapos ng klase natin kay Professor Gener."

Wala nang nagawa si Minikki kundi sumang-ayon. Wala naman siyang naiisip na iba pang solusyon. Bukod sa hindi niya kabisado ay siguradong mali ang maituturo niya rito. Kung pagkanta lang sana ay kaya niya pa, ngunit ang pagsayaw? Walang maaasahan sa kaniya.

Binati ni Professor Gener ang klase at sandaling sumulyap kay Minikki na ngayo'y nakayuko dahil sa hiya na nararamdaman. Hindi rin ito makatingin kay Professor Gener dahil sa nangyari doon sa Cerulean Sea noong nakaraang araw.

"Today, we are going to the archery field."

Hindi maganda ang reaksyon ng mga bata nang marinig iyon. Halatang hindi interesado sa archery ngunit ganunpaman ay naghanda na silang lumabas para pumunta sa field. Nagpaalala lang si Professor Gener tungkol sa mga kailangang ihanda sa paghawak ng archery bow.

"Prof. nagteleport si Minikki kanina!" sabat ng isang kaklase ni Minikki hindi pa man sila nakakalabas sa classroom. Napatigil si Minikki sa pag-aayos ng kaniyang gamit at napatingin sa propesor.

"Oo nga, prof! Nagulat na lang kami bigla siyang lumitaw sa pintuan!"

Iniwas ni Minikki ang tingin mula sa propesor at sumunod na lamang kina Gellie at Jaeson na ngayo'y lumabas na sa classroom. Akala niya'y hindi interesado ang mga kaibigan niya tungkol sa kaniyang kakayahan ngunit nang mauna silang makarating sa archery field ay hindi na pinalagpas nila Gellie at Jaeson ang pagkakataon na usisain si Minikki.

"Minikki, when did you discover your ability?" tanong ni Gellie na mababakasan ng tuwa sa kaniyang mukha. "Can you do it again?"

"Oo nga, Miniks! Nagulat talaga ako sa 'yo kanina! Palitan mo 'yong turon ko. Bumili ka ngayon sa canteen at bumalik ka kaagad dito," pabirong utos ni Jaeson sa kaniya.

"Oh sige, habang wala pa ang iba," natatawang sagot ni Minikki. Agad siyang nagpalitaw ng lagusan bago siya pumasok doon at ilang sandali lang ay nakabalik muli siya na may dalang turon.

"Walastek! Binilhan mo nga ako ng turon!" sigaw ni Jaeson habang humahagalpak sa tawa sabay kuha naman ng turon at nilantakan na.

"Minikki! I'm so proud of you!" sambit ni Gellie na parang maiiyak pa. Niyakap niya si Minikki habang tumatalon-talon. Hindi naman mapigilan ni Minikki ang mapangiti. Hindi naman niya maitatanggi sa kaniyang kalooban na nagagalak siya sa kakayahang mayroon siya. Akala niya ay hindi siya magkakaroon nito. Umusbong ang pag-asa ni Minikki dahil maaaring sa pamamagitan nito ay makita niyang muli ang kaniyang ina ngunit tila ba hindi pangmatagalan ang kasiyahang iyon dahil dumugo ang ilong niya at nakaramdam siya ng panghihina.

The Lady in the Chronicles (OU:LNMEH #1)Where stories live. Discover now