Chapter 45: Death Ceremony

198 4 0
                                    

"Kapag mahal mo, palagi mong pipiliin, ano man ang mangyari," paulit-ulit ni wika sa kaniyang sarili. Tila ba pinaalalahanan na pigilan ang damdaming nararamdaman niya para kay Haylan dahil alam niya na ngayong hindi siya pipiliin ng taong ito.

Umiling si Minikki. "Asa ka pa? Hindi naman ikaw ang tinutukoy niya. At kung maganda ang babaeng mahal niya, siguradong pipiliin niya iyon," bulong ng dalaga sa kaniyang sarili.

"Minikki! Kanina pa kita hinahanap! Mag-uumpisa na ang death ceremony para sa pagkamatay ni ate Alondra," sambit ni Gellie nang makita ang kaniyang kaibigan na naglalakad palabas ng library. Hinila niya na si Minikki papunta sa Blue Graveyard kung saan naroon ang iba pang mga estudyante ng Occoii University.

Nagsitayuan ang mga balahibo ni Minikki nang makarating doon sa Blue Graveyard. Muli niyang naalala ang daan na tinahak nila ng kaniyang ina papunta sa Buried Emporium. Mabuti na lang kasama ni Minikki ang kaniyang kaibigan kung kaya't hindi siya ganoong natatakot kahit na napapaligiran siya ng mga lapida. Idagdag pa ang asul na hamog na lumilibot sa kawalan. Bawat pagdampi nito sa balat ni Minikki ay may dalang lamig na nagpapakaba sa kaniya.

Nakatipon ang mga estudyanteng gustong makiramay sa pagkamatay ni Alondra. Kapwa nakatingin sa kabaong na naglalaman ng katawan ng kawawang dalaga na maya-maya rin ay ililibing na sa parisukat na hukay sa lupa.

Lumapit si Jaeson kina Minikki nang masilayan niyang paparating ang mga ito. "Mabuti naman nandito na kayo. Kanina pa ako walang makausap," bulong nito.

"Bakit? Ano bang sasabihin mo?" tanong naman ni Gellie.

Pinagmasdan ni Minikki ang mga umaawit sa unahan. May ibang mga estudyanteng umiiyak sa may unahan. Marahil mga kaklase ni Alondra. Kalungkutan ang bumalot sa paaralang iyon. Isang alaala ng gerang nangyari sa kanila kamakailan lang.

"May mga nagsasabing hindi na raw dapat pang paglamayan ang katawan ni Ate Alondra dito sa Occoii University kasi tinalikuran naman niya ang lugar na ito para lang sa isang lalaki."

Naalala ni Minikki ang huling araw na makita niya si Alondra. Hinanap niya si Theo ngunit wala ito sa paligid.

"Pero dahil nga wala na siyang pamilya sa labas, kaya dito na lamang siya ililibing."

Napasinghap si Minikki sa kaniyang narinig. Hindi niya maiwasang maluha muli lalo't naiisip niya na kaya ganoon na lang siguro ang paghawak ni Alondra kay Theo dahil wala na itong pamilya sa labas ng Occoii University.

"Kaya pala si kuya Theo ang pinili niya," komento ni Gellie. "Hindi rin natin masisisi si ate Alondra kung 'yon ang naging desisyon niya. Pinili niya lang ang sa tingin niya'y mas mahalaga. 'Yon nga lang, hindi siya ganoon kahalaga doon sa taong pinili niya," maungkot na sambit ni Gellie habang hinihimas ang kamay ni Minikki.

"Tsk. Hindi rin naman natin masisisi si kuya Theo. Naging mas matalino lang siya dahil ayaw niyang mapahamak si ate Alondra kung ipipilit pa nila ang bawal na relasyon," sagot naman ni Jaeson. Muli na namang bumalik sa alaala ang naging pag-uusap nila ni Haylan. Bakit ganoon mag-isip ang mga lalaki? Wala ba silang puso?

"Sana kasi hindi nalang sinimulan 'di ba? Kung hindi naman kayang panindigan sa huli. Anong klaseng lalaki 'yong nang-iiwan sa ere? Tumatakas sa responsabilidad," giit pa ni Gellie at ngayo'y nagsisimula nang tumaas ang boses sa inis sa pakikipagtalo kay Jaeson.

"Hindi naman niya tinakasan 'yong responsabilidad. Kaya niya nga ginawa 'yong pag-iisantabi ng relasyon nilang dalawa kasi responsabilidad niyang isipin ang kapakanan ng taong mahal niya. Para rin mapabuti sila, ititigil muna sandali, at kapag pwede na, pwede na."

"Ano? Kapag ayaw niyo, ititigil? Tapos kapag gusto niya na ulit, tsaka itutuloy? Pinaglalaruan niyo ba kami? Anong akala niyo sa 'min, switch? May on and off?"

The Lady in the Chronicles (OU:LNMEH #1)Where stories live. Discover now