Chapter 31: Just Like Then

201 9 0
                                    

"Baka dahil alam kong ililigtas ako ni professor kaya hindi lumabas ang lagusan kagabi."

Abala sa pag-iisip si Minikki ng tungkol sa nangyari kagabi. Kasalukuyan siyang nasa kaniyang upuan at nagsusulat ng mga posibleng makatutulong sa kaniya para makapagpalabas muli ng liwanag. Wala pa si Mrs. Ruby na siyang susunod na guro sa kanilang klase.

"Kailangan kong subukang muli," sambit ni Minikki sa kaniyang sarili. "Tatlong beses nang may lumabas na lagusan nang tatlong beses ding malagay ako sa alanganin."

Tumango-tango si Minikki habang naglilista ng mga nangyari sa kaniya na para bang pinagkukumpara niya ang mga ito. Hinahanapan ng pagkakapareho at pagkakaiba-iba.

"What are you scribbling about?"

Nagulat si Minikki nang tanungin siya ni Haylan. Sinilip din nito ang sinusulat ng dalaga. Napatakip naman si Minikki nang maalala ang mga bagay na isinulat niya dahil baka mapagkamalan siyang magpapakamatay. "W-wala. Wala ito." Agad na binura ni Minikki ang nakasulat at laking gulat niya nang makiyang pangalan ni Haylan ang naroon na siyang naisulat pala nang hindi nag-iisip.

"Private? Alright."

Nilampasan na siya ni Haylan at muling umupo roon sa dulo. Mabuti na lang at hindi na siya inusisa pa ng lalaki.

Hindi namalayan ni Minikki na ilang klase na ang lumipas pagka't nakalipad lang ang kaniyang utak at kung ano-ano ang iniisip tungkol sa abilidad niya. Naglalakad siya ngayon sa labas dahil muli na namang nawala na parang bula ang mga kaibigan niya.

Napadaan si Minikki sa archery field. Maraming mga estudyante mula sa ibang section ang naroon. Kapwa nag-e-ensayo.

"Ano kaya kung humarang ako at saluhin ko ang pana? Baka sakaling makapagpalabas ako ng lagusan sa paraan na 'yon."

Tumango-tango siya sa kaniyang sarili at naglakad patuloy sa archery field nang makita si Professor Gener. Agad siyang napaatras at mabilis na nagtago. "Oo nga pala, si Prof. Gener ang nandito."

Nakabusangot ang mukha ni Minikki nang umalis siya sa lugar na iyon at patuloy na lamang na naglakad habang kausap ang sarili.

Naalala niyang muli ang nangyari kagabi—ang mga sinabi ng propesor na ipagkatiwala na lamang sa Alpha Team ang kaligtasan ng kaniyang ina.

"Bakit kung kailan may kakayahan na ako, hindi pa rin pwede?"

Paulit-ulit siyang umiling. Pinagmasdan ni Minikki ang Occoii University na para bang naghahanap pa siya ng maaaring pagmulan ng aksidente na maaaring makatulong sa kaniya. Desperada na siyang alamin kung paano makapagpapalitaw muli ng liwanag.

"Kung pupunta naman ako sa River of Wendigos, wala rin, dahil hindi ako kinakagat ng mga isda. Eh, kung kumain kaya ako nang marami?" tanong niya sa kaniyang sarili habang nakahalukipkip na para bang isang detective na may nilulutas na kaso.

"Hmmm... Pero mukhang mahapdi kung kakagatin ako ng isda. Ayoko pala ro'n."

Napadaan siya sa grupo ng mga estudyanteng may mga malalaking katawan, mapababae man o lalaki. Mukhang miyembro ng Defenders.

"Eh, kung hamunin ko kaya sila ng suntukan? Tutal sanay naman akong masaktan noon pa."

Tumango-tango siya at lumapit sa mga ito. Napatigil siya nang makita ang mga babaeng nagsisitawanan at nagpapaluan na para bang tipikal lang sa kanila ang maghampasan nang ganoon kalakas. Kitang-kita ni Minikki ang puwersa at lakas ng mga hampasan habang nagkukwentuhan ang mga ito pagka't umiihip ang hangin sa mga buhok nila. Talagang napapapikit si Minikki sa tuwing aamba ng palo ang babae sa katabi niya.

Napanganga na lamang si Minikki at napaatras. Siguradong durog siya sa mga iyon kapag nagkataon. Tiningnan niya ang kaniyang sarili. Sa payat niyang ito, siguradong hindi siya makakapaglikha ng lagusang dahil isang hampas lang ay siguradong tulog siya.

The Lady in the Chronicles (OU:LNMEH #1)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin