KABANATA 20

868 208 71
                                    

#20: Pagputol ng ugnayan

Mahal kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Mahalin mo naman na ako oh! Ako ay mamatay na dito. Ang lamig ng ihip ng hangin at nakatali ako ngayon dito sa puno ng mangga kung saan ako tinali ng magkaibigang kamag-anak ni Kurimaw. Pakiramdam ko ngayon na ako na ay si Laura dahil itinali nila ako dito sa puno. Sandali, si Laura ba iyon? Si Florante ang itinali eh, nahihilo na talaga ako. Gagawin ko na lang si Laura dahil siya ang binibini at ako ay binibini. Pakiramdam ko tuloy ay babangon ngayon sa hukay si Balagtas at hihilahin ang paa ko dahil sa aking pagkakamali.

Lumulutang ang pag-iisip, Hermosa

Nagising ako na nakatali sa isang puno ng mangga dito kung saan ako pinaghahampas ng dos por dos ng dalawang kamag-anak ni Kurimaw. Ako ay nakararamdam pa ng hilo

Bumalik tayo sa aking sinasabi, ang lamig na ngayon dito at malamok pa. Walang makakatulong sa akin dahil wala namang masyadong napapadaan sa bakanteng lupa dito. Isa pa, anong oras na rin! Madilim na ang kalangitan at humuhuni na ang ibon.

Takot. Iyan ang aking nararamdaman ngayon. Hindi ko na mapigilang tumulo ang kanina ko pang tinatagong luha dahil ayaw kong makita nila na ako ay natatakot na. Ganito pala ang pakiramdam noon ni Florante?

Tumingin ako sa bituin sa mga langit. Pinagmasdan ko itong nagniningning sa gitna ng kadiliman. Sana ay ganito rin ako. Sumilay ang ngiti sa aking labi. Sana ay kaya ko ring magningning sa gitna ng kadiliman.

Kumulog aking tiyan senyales na ako'y nagugutom na. Hindi pa pala ako naghahapunan at ang huling kinain ko pa ay agahan. "Diyos ko, ako'y tulungan ninyo." Nanghihinang saad ko.

Nanlalabo ang aking paningin dahil sa luhang humaharang sa aking mga mata ngunit aking nakikita pa rin ang liwanag ng buwan at ningning ng mga bituin.

"Hermosa! Nariyan ka ba?" Narinig ko ang boses ni Leonardo. Sana ay totoo ito at hindi ako nag-iilusyon dahil ayaw ko na dito.

"O-oo. T-tulong." Mahinang saad ko. Hindi ko na kayang sumigaw dahil ako'y paos na at pagod na. Gutom na rin, lahat na.

"Sigurado ka bang nandito siya Graciano? Baka mamaya ay nag-aaksaya lang tayo ng panahon dito!" Nawawalan na ng pag-asa ang boses ni Leonardo. "Mag ikot-ikot kayo!" Utos niya.

May naramdaman naman akong liwanag mula sa kalayuan at yapak ng mga tao. Talagang pinakinggan ng Diyos ang kahilingan ko.

"Walang sigurado, Señor Leo, minsan kailangan mo lamang maniwala." Ang pamilyar na linyang iyon ang narinig ko bago muli akong mawalan ng malay. Kanina pa ako nawawalan ng malay ha, kagabi pa!

"Nahanap na namin siya!" Gamit ang wikang Espanyol, sinabi ng isang guardia civil. Naramdaman ko na lang na lumuwag na ang aking paghinga dahil kinalas na ang lubid na nakatali sa aking katawan.

Nagising ako na may pumapaypay sa akin ng napakarami. Narito din si Ina at Leonardo pati na si Nana Selda, Graciano at mga guardia civil. Nakahinga naman nang maluwag si Ina dahil nagising na ako.

Nandito din pala si Gallardo at kasalukuyan niyang tiningnan ang aking kalagayan. Kaniyang hinawakan ang palapulsuhan ko. "Mabuti na po ang kaniyang kalagayan." Magalang na saad niya kay Ina.

"Salamat naman, Diyos ko. Ano ba ang nangyari sa iyo, anak?" Hindi agad ako nakasagot sapagkat hindi ko pa kayang pag-usapan ang nangyari kanina. Isa pa, mapapahamak ang anak ni Nana Selda.

"Ayos lamang po ako. Wala na po kayong dapat na ipag-alala." Ngumiti ako sa kanila upang iparating sa kanila na maayos lang ang aking kalagayan ngunit hindi sila naniniwala.

Mi AmoreWhere stories live. Discover now