KABANATA 23

829 157 76
                                    

#23: Unang Halik

Mahal Kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Ayos lamang kung hindi, dalawang ginoo na ang nagmamahal sa akin. Ang una ay si Graciano at ang pangalawa ay si Gallardo ngunit sa dalawang iyon batid kong alam mo kung sino ang tunay kong mahal. Nais kong piliin si Graciano ngunit paano naman si Gallardo? Mayroon din akong puso at ako'y naaawa kay Gallardo. Mayroon siyang mapait na nakaraan kaya ayaw kong madagdagan ang pait sa kaniyang puso ngunit paano naman si Graciano kung siya ang pipiliin ko? Ang nais ko ay maranasan ang pag-ibig at masuklian din ang pag-ibig. Sino ang pipiliin ko? Mahal ko o mahal ako?

Nalilito, Hermosa

Kinabukasan, magandang balita! Muling nagbalik na sa aming mansiyon si Leonardo. Mabuti naman at unti-unti ng nagkakaayos ang aming pamilya kahit na mayroon kaming hindi pagkakaintindihan sapagkat mayroon kaming pagkakaiba ng paniniwala.

Ngayon, kami ay payapang kumakain ng aming tanghalian gaya ng dati. Nasa gitnang muli si Ama, sa kaniyang kanan ay si Gabrielo at sa tabi nito si Leonardo. Si Ina naman ang nasa kaliwa at ako ang katabi nito.

"Mahal kong Carolina, nais kong malaman kung ano ang iyong balak gawin sa iyong kaarawan bukas?" Tanong ni Ama pagkatapos ay sinubo na ang kutsarang may lamang pagkain. Tama ba ang aking narinig? Tinawag niyang MAHAL si Ina? Sana'y ito'y totoo. Sana totoong nagkakamabutihan na sila ni Ina. Tiningnan ko si Ina.

Siya nga pala, kaniyang kaarawan na bukas. Bakit aking nakaligtaan? Makakalimutin na talaga ako, akala mo naman ay may edad na, dalawampung taong gulang pa lamang naman. Nginitian ko si Ina.

"Ah, wala. Ayos lamang sa akin ang simpleng salo-salo. Gaya na lamang ng ganito." Simpleng saad ni Ina. Ang ina ko talaga ay simple lamang kahit na kami ay mayaman. Hindi mo makikita ang pagiging mayabang at maluhong tao sa kaniya. Ang ama ko lamang ang nagbibigay sa kaniya ng mga alahas.

Nginitian naman siya ni Leonardo. "Naku Ina, dapat na ating paghandaan ang iyong kaarawan sapagkat bukas ay ika'y limampung taong gulang na. Dapat itong pinaghahandaan. Isang beses lamang sa isang taon ang iyong kaarawan." Nangungumbinsi ang kaniyang tinig.

"Isa pa, Ina..." si Gabrielo naman, nakisingit. "Dapat naman ay magsaya tayong pamilya. Kakatapos lang ng ating problema kaya dapat ngayon ay magsaya na tayo." Seryosong tugon ni Gabrielo. "Nararapat lamang na maghanda sa kaarawan ng mahal naming ina, hindi ba, Hermosa?"

"Siyang tunay, Ina!" Pagsang-ayon ko sa aking mga kapatid. Napangiti at umiling naman si Ina. "Kung iyong nais, bakit hindi natin imbitahin ang mga mahihirap na angkan, iyong mga tinutulungan mo? Para kanilang maranasan din ang kasiyahan natin, hindi ba?" Sa ganoong paraan, aking makukumbinsi si Ina kaya't aking pinasok na ang mga mahihirap.

Nakita kong napangiti naman si Ina sa aking suhestiyon. Si Leonardo naman ay napatango samantalang si Gabrielo naman ay seryoso akong tiningnan, tila ba hindi niya nagustuhan ang aking sinabi. Bakit ba, siya ba ang may kaarawan?

"Kung gayon ay ako'y papayag na. Ating imbitahin ang mga tao sa aking kaarawan upang tayong lahat naman ang maging masaya. Kahit na iyong mga dukha sana, kung iyong mamarapatin." Si Ama ang kaniyang kausap. Napangiti naman sa kaniya ngayon si Ama.

"Bueno, kung iyan ang iyong gusto ay ika'y aking pagbibigyan." Bumaling siya kay Gabrielo. "Iyong abisuhan ang mga guardia civil at ating guardia personal na maghigpit ng mabuti para sa ating kaligtasan at sila'y magtungo rito upang maprotektahan ang mga tao bukas." Seryoso ang pagkakasabi niya.

"Masusunod po, Ama. Kami ay mas lalong maghihigpat para sa seguridad ng ating pamilya at ng ating bayan." Napatango naman sa kaniya si Ama. Sunod na binalingan niya ay si Leonardo.

Mi AmoreWhere stories live. Discover now