KABANATA 39

472 89 27
                                    

#39: Kuya Leonardo

Mahal kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Si Ama ay muli nilang inaresto. Kung sabagay, marami naman kasi talagang kasalanan itong si Ama kaya lamang ay ako'y nasasaktan at sa aking palagay ay ganoon talaga kapag mahal mo ang isang tao. Ama ko pa rin naman siya at muli, ako'y gagawa ng paraan upang siya'y matulungan.

Handang tumulong, Hermosa

PINUNASAN KO ang aking luha at sumunod kanila Ama. Narinig ko ang pagtawag ni Natalia ngunit hindi ko siya pinansin. Si Leonardo at Gabrielo ay sumunod upang maipagtanggol si Ama kahit papaano at ako'y kanilang iniwan at nais kong sumama.

"Ama!" Sigaw ko at lumabas na. Nakita kong umiling muna si Ama bago pumasok sa kalesa ng mga guardia civil. Nakita ko rin si Leonardo na ako'y sinenyasang pumasok muli sa mansyon. Tumakbo na ang kalesa at naiwan ako sa labas ng aming mansyon. "Ama!" Ulit ko kahit hindi naman na ako papansinin nito.

Hindi ko na ininda ang pagpatak sa akin ng ulan sapagkat ako'y masiyadong nasasaktan sa mga nangyayari. Tunay na kapag nawala na sa aming mundo ang mga Montealegre ay doon pa lamang kami magiging payapa. Nakakasuklam sila, nais ko sila patayin isa-isa.

"Señorita!" Ako'y dinaluhan ni Graciano dala ang Victorian parasol, ito ay payong. Hindi ko namalayang basang-basa na pala ako sapagkat ang buong atensyon ko ay na kay Ama. "Halina't pumasok ka sa loob. Basang-basa na ang iyong baro't saya."

Unti-unti akong humarap sa kaniya. Siya'y nakasuot ng puting camiso de tsino na nabasa na rin ng kaunti sapagkat hindi sapat ang iisang parasol sa amin. Ayaw ko na sanang makita niya akong lumuluha ngunit ako'y nakita na niya. Ano ang aking magagawa?

Nanginginig akong humarap sa kaniya. Una dahil sa lamig ng ulan, pangalawa ay dahil sa galit na nararamdaman. "Papatayin ko sila!" Bulong ko ngunit madiin. Niyakap niya ako, hindi alintana kahit ako'y basang-basa na.

"Huwag kang magsasalita ng ganiyan, Señorita. Hayaan mong ako ang gumawa ng ganoon." Napatingin ako sa kaniya. Animo'y may mas malaking kasalanan ang Montealegre kaysa sa akin.

"Bakit? Ano ba ang kasalanan nila sa iyo? Graciano, alam kong wala na tayo ngunit sana'y magsabi ka ng totoo." Pakiusap ko sa kaniya. Nag-iwas siya ng tingin at bumuntong hininga. Mahirap sa kaniya sabihin kung ano man ang katotohanang iyon.

"Si Don Padrino Montealegre ang pumatay sa aking tunay na ina." Naramdaman ko ang sakit sa kaniyang sinabi. Pakiramdam ko'y maluluha na siya ngunit hindi niya iyon pinapakita. Sa halip, siya'y nag-iwas na lamang ng tingin. "Kay sakit na mawalan ng pangalawang ina, Hermosa."

Nararamdaman ko ang sakit na pinanggagalingan niya. Nasasaktan siya dahil pinatay na nga ang tunay niyang ina, pinatay pa ang ina na sa kaniya'y nagpalaki at nagmahal. Magkapareho lamang kami ng pinanggagalingan ngunit sa tingin ko ay mas doble ang sakit sa kaniya.

Bumitaw na siya sa pagkakayakap niya sa akin. Malabo man ang aking mga mata, dahil sa luha ay nagawa ko pa ding tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata. "Ano na ang balak mong gawin ngayon?"

Natagalan bago siya nakasagot. Marahil ay dahil nahihirapan siyang magsalita sa kadahalinang kaniyang binalikan ang mga mapapait na alaala sa kaniya na nadagdagan na naman.

"Gaya ng nararapat, gaya ng gusto ni Pinunong Luisito. Aking gagawin na ang tama." Paliwanag niya. May nais sana akong tanungin sa kaniya ngunit hindi ko alam kung alam niya ang kasagutan. Gayon pa man, itatanong ko na lamang ito.

"Graciano, hindi ba at may bago na kayong pinuno? Ang orihinal mong samahan noon? Iyong kabilang sina Julio?" Tanong ko sa kaniya. Napakunot man ang kaniyang noo ay tumango pa rin siya.

Mi AmoreWhere stories live. Discover now