KABANATA 38

456 88 33
                                    

#38: Pagtalsik ng Puwesto

Mahal kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Ngayong araw na ako susugod sa bayan upang ipaalam na inosente ang aking Ama. Sa katunayan, hindi naman talaga sila inosente, ang aking sinasabi dito ay hindi sila miyembro ng aming samahan. Naiintindihan niyo? Hindi? Bahala kayo diyan ang hirap niyong kausapin. Nakakapagod kayang magpaliwanag lalo kung hindi rin talaga akong naniniwalang inosente ang aking ama. Hindi naman kasi talaga!

Napapagod magpaliwanag, Hermosa

"Hermosa!" Napatayo si Leonardo, tila ba ako'y sinasaway sa kabastusang aking ginagawa. Tiningnan din ako nang masama nina Ama at Gabrielo. Tinaasan ko lang sila ng kilay na para bang sinasabing 'Alam ko ang aking ginagawa. Kayo'y manood na lamang.'

"Anong kailangan mo, Señorita?" Tanong ng hukom na si Hukom Hidalgo. Binigyan ko siya ng matamis na ngiti at lumapit pa sa kaniya. Nagugulat pa rin ang kaniyang ekspresyon.

"Narinig mo ang aking sinabi, Hukom." Ngumiti ulit ako sa kaniya. "Ako'y nanghihingi ng matibay na ebidensya na nagsasabing kasapi sa rebelyon ang aking ama at kuya." Pag-uulit ko. Napasapo naman siya sa noo.

"Ilabas ang testigo." Utos niya. Aba at may testigo pa ha? Sino naman ang hampaslupang taong ito? Tumingin ako sa biglaang pinasok ng mga guardia civil na nakaposas at napangisi ako ng makita ko kung sino ito. Siya ay walang iba kung hindi si Julio. Duguan ang kaniyang suot na pang-itaas at ang kaniyang pantalon naman ay putikan. Ang dugyot kung titingnan.

"Kasama namin sa rebelyon ang gobernadorcillo at ang heneral ng bayang ito. Paumanhin Señorita ngunit nagka-ipitan na at kinakailangan ko nang sabihin kung sino ang pinuno ng aming samahan." Nakakaawa ang mukha ni Julio ngunit alam kong nagpapanggap lamang siya.

Sarkastiko akong natawa sa kaniyang sinabi. Muli, ako'y tumingin kay Hukom Hidalgo. "Dahil lamang sa kaniyang sinabi? Siya'y iyong pinaniwalaan na?" Nakakaawang hukom. Naniniwala sa sabi-sabi. Mayroon nga tayong kasabihan na ang taong naniniwala sa sabi-sabi ay may sayad? Ako'y tama ba?

Nakita ko ang pagbubulung-bulungan ng mga tao sa loob ng hukoman. Ako'y kanilang pinanigan sapagkat tama naman ang aking sinabi hindi ba? Marami pa rin naman ang nagmamahal sa aming pamilya. Naglakad-lakad ako sa harapan upang ako'y sundan nila ng tingin.

"Paano kung aking sabihin na ako ay kasapi sa isang samahan at ang aming pinuno ay walang iba kung hindi si..." humarap ako sa pamilya Montealegre na ngayon ay nasa kabilang panig. Ang sama ng tingin nila sa akin ngayon at kung nakamamatay lamang ang tingin ay kanina pa ako dito nakahandusay. Ngumisi ako sa matandang Montealegre "Paano kung sabihin kong si Don Padrino?" Nakangiting saad ko. Mas lalong lumakas ang bulung-bulungan ng mga tao.

Nasa kaliwang bahagi kasi ang pamilya Montealegre. Natitiyak kong sila ang nag-akusa sa aking ama at kuya. Sina Señor Nataniel, Señor Rodrigo, Doña Leonora at Don Padrino lamang ang nandito. Wala sa kanila si Gallardo.

"Paninirang puri ang iyong ginagawa at binabalaan kitang maaari kang maaresto dahil sa iyong ginagawa!" Napatayo pa si Nataniel at ako'y kaniyang dinuro. Bakas ang galit sa kaniyang mukha dahil namumula ito at ang ugat sa kaniyang mga mukha ay lumalabas.

"Siyang tunay!" Masayang sabi ko pa. Mas lalo silang naguluhan sa aking iniasta. Tinuro ko pa siya upang malaman niyang may punto ang sinabi niya. "Paninirang puri..." tumango-tango ako sa aking sarili. Kunwari, mayroon akong naintindihan. "Ibig sabihin, kayo," tinuro ko isa-isa ang pamilya Montealegre at pati na rin si Julio. "Kayo ay naninira sa aming pamilya. Kayo ang dapat na kasuhan ng paninirang puri."

Narinig ko ang pagsang-ayon ng mga tao na nasa loob ng hukuman. "Siyang tunay!" Rinig kong pagsasang-ayon nila. Mas lalo pang umingay ang hukuman dahilan upang patahimikin na ni Hukom Hidalgo ang lahat.

Mi AmoreWhere stories live. Discover now