KABANATA 31

632 124 99
                                    

#31: Sigaw ng Balintawak

Mahal Kong Talaarawan,

Ako ba ay iyong mahal? Hindi na kami magkaintindihan ni Graciano dahil mas pinipili niyang panigan sila Tatiana. Aking nakukuha naman na dahil si Ama ang may kasalanan no'n at tunay na kaawa-awa ang sinapit ng magkapatid. Kami pala ngayon ay lalaban na at handa na ako dito. Sunod na kakalabanin namin ay ang mga Montealegre kaya dapat talaga masanay na ako. Kailangan kong mabuhay sa labanang ito para makalaban sa mga Montealegre. Desidido na ako.

Desidido, Hermosa

MADALING ARAW kami lumisan sa bayan ng San Jose upang magtungong Maynila. Hulaan ninyo kung sino ang aking mga kasama? Bukod kina Leonardo at Graciano, aming kasama din si Don Ramon at Natalia. Napag-alaman kong silang dalawa ay kasapi rin pala sa samahan at ngayon ay lalaban din sila.

Seryosong nag-uusap ang tatlong mga ginoo habang kami ay nasa barko samantalang kami naman ni Natalia ay nagpapakiramdaman kung sino ang unang magsasalita. Dahil hindi ko naman kayang mamahimik nang matagalan ay nagtanong na ako sa kaniya.

"Pumapayag ka bang ikasal kay Leonardo?" Tanong ko. Tumingin naman siya sa akin kaya nakaramdam ako ng biglaang hiya. Itinali ko ang buhok ko dahil sa init na nararamdaman. Mainit talaga sa Las Islas Filipinas ano?

"Kung iyon ang nais ni Ama, bakit hindi?" Tanong din ang kaniyang naging sagot sa akin. Nag-iwas na siya ng tingin na para bang ayaw na niyang dugtungan pa ang sasabihin. Panibagong katahimikan na naman ang naghari sa amin.

"Eh paano na si Gallardo? Hindi ba't siya'y iyong mahal pa rin?" Pang-uusisa ko. Tiningnan niya si Don Ramon kung narinig ba ang tanong ko ngunit sadyang mukha silang mga abala sa kanilang pag-uusap. Sadyang kay seryoso ng kanilang pinag-uusapan.

"Hindi na siya mahalaga ngayon. Ang mahalaga sa akin ay ang kagustuhan ni Ama." Tumingin siya sa akin at tinaasan ako ng kilay. "Hindi ba at mabait naman ang iyong kuya? Tiyak na siya'y aking iibigin din, huwag kang mag-alala." Nginitian niya na ako ngayon.

Bakit ganoon ang ibang tao? Nakakaya nilang magmahal muli ng iba? Eh bakit ako, si Graciano pa rin? Tiningnan ko si Graciano na seryosong nakikinig kay Don Ramon na biglang napatingin sa akin nang tumingin ako sa kaniya kaya napaiwas ako ng tingin. Panibagong kahihiyan na naman, Hermosa.

"Sayang naman. Bakit hindi mo ilaban si Gallardo sa iyong ama gaya ng dapat na gagawin ni Gallardo sa iyo? Tayo ngayon ay pupuntang Maynila, hindi ba? Ano kaya kung siya'y ating puntahan, tiyak na matutuwa iyong makita ka!" Nakangiting saad ko.

Bumuntong-hininga siya aking naisip. Bakit? Ang ganda kaya ng aking naisip! Hindi ba at nakakatuwang makita mo ang taong tunay mong iniibig. "Sa tingin mo ba na porque't hindi na kayo ikakasal ay maaari ng maging kami? Sa tingin mo ba ay matatanggap siya ni Ama?"

Kumunot naman ang noo ko sa kaniya. Siya na nga itong pinakitaan ko ng magandang loob siya pa itong may ayaw, eh 'di huwag! Akala ba niya ay mabait ako. Inirapan ko siya at iniwan siyang nakaupo doon. Hindi talagang magandang ideya na makipag-usap sa kaniyang maarte. Porque't maganda, ang arte na.

"Hermosa!" Tawag sa akin ni Graciano ng makitang tumayo ako. Sinundan niya ako kung saan man ako pupunta. "Kailangan ba talagang ganito?"

"Anong ganito?" Tanong ko at sumilip sa magandang karagatan. Napangiti ako nang makalanghap ng preskong hangin. Kay init sa loob ng barko eh, kaya mabuti na rin palang lumabas ako.

"Kailangan mo ba talagang lumaban? Maaari namang hindi, Hermosa. May pagpipilian ka." May diin ang kaniyang boses. Umiling ako sa kaniya at seryoso siyang tiningnan.

"Ito'y aking sinimulan na kaya tatapusin ko rin ito." Bumuntong-hininga ako bago nagsalitang muli. "Isipin mo, kay dami kong hinarap na mga paghihirap, pagkatapos ay susuko na lamang ako?"

Mi AmoreWhere stories live. Discover now