Capitulo Trece

3.1K 131 40
                                    



Capitulo Trece



Hindi ko mapigilang humanga sa aking mga nakikita. Para akong bumalik kahit papaano sa aking panahon. Nandito pa rin ang mga lugar na makikita ko noon sa Intramuros. May modernong mga establisimiento ngunit nandito pa rin ang pakiramdam noong panahon ng Español.

Ayon kay Alejandro ay dinadayo daw ito ng mga banyaga at Pilipino. Halos nasira din daw ito dahil sa ikalawang digmaan na sadyang nakakalungkot talaga.

"Ito naman ang Manila Cathedral. Based sa research ko, nag-exist pa ito noong Spanish colonial pero nagiba ito noong around 1880 dahil sa lindol. Nakita mo ba ang dating mukha ng simbahang ito noon, Victoria?"

Marahan akong tumango at tiningnan ang simbahan. "Oo. Napakaganda nito noon." naglakad ako papasok sa simbahan at sumunod naman sa akin si Alejandro. May mga nagdadasal sa loob at hindi naman karamihan ang mga tao dahil hindi naman araw ng linggo.

"Dito kami nagsisimba ni Mama tuwing linggo noong hindi pa ako masyadong busy sa trabaho. Minsan kasabay namin sila Senator Cervantes kasama nila ang inalagaan nilang pamangkin."

May tinuring palang anak sila Tita Natalia. Kahit papaano ay napawi ang kalungkutan nila dahil sa pamangkin nila. Ngumiti ako. "Nasaan ang pamangkin nila?"

"Nasa America ngayon si Erica. Doon siya nag-aral ng law. Si Senator Cervantes ang nagpapaaral sa kanya. Kababata ko rin si Erica."

Nawala ang ngiti sa labi ko. Ibig sabihin babae ang pamangkin nila Tita Natalia at kababata pa ito ni Alejandro. Tumikhim ako bago naglakad palabas ng simbahan. Hindi ko dapat ito nararamdaman ngunit hindi ko mapigilang mainis.

"Victoria!"

Hindi ko pinansin si Alejandro at sumakay na ako ng kalesa. Tumabi siya sa akin at kinakalabit ako. Hindi ko siya nililingon dahil naiinis ako.

"Victoria—"

"Ilang taon na iyang pamangkin ni Tita Natalia?"

"Twenty-six years old na siya. May picture ako niya. Sandali lang." may kung ano-ano siyang pinindot sa hawak niyang cellphone bago pinakita sa akin ang isang larawan na may katabi siyang isang babae. "Ito siya."

Lalo akong napasimangot. Isang magandang binibini itong kababata ni Alejandro. Lalo akong nainis. Hindi ito nakakatuwa.

"Anong masasabi mo? Maganda ba?"

"Pangit siya. Hindi siya kagandahang binibini." tinulak ko palayo sa akin ang kamay ni Alejandro. "Nakakasira ng araw ang kanyang pagmumukha. Iminumungkahi ko na dapat ay ialis mo na iyan sa iyong cellphone dahil baka ito'y masira pa."

"Bakit naman masisira ang cellphone ko dahil sa lang sa picture na ito? Huling picture namin ito bago siya umalis ng Pilipinas. At bakit ko kailangang i-delete ito?"

"Mungkahi ko lang naman. Kung ayaw mong i-delete, eh, 'di bahala ka d'yan." inirapan ko siya. "Ginoo, maaari bang bumyahe na tayo? Nais ko sanang mapuntahan ang Iglesia de San Pablo de Manila—este," binasa ko ang hawak kong papel. "San Agustin Church po pala. Doon ko nais magdasal." hindi ko nililingon si Alejandro hanggang umalis na ang sinasakyan naming kalesa.

"Victoria, lumingon ka naman sa akin." Hindi ko siya pinapansin kahit ilang beses na niya akong kinalabit. "Victoria, may ginawa ba ako kaya ka naiinis sa akin?"

La Señora desde el EspejoWhere stories live. Discover now