Capitulo Catorce

2.8K 122 12
                                    



Capitulo Catorce



"Ma'am Victoria, pwede na daw po kayong umuwi sabi ni Senator Navarroza."

Umangat ako ng tingin kay Don at nilingon ko ang gawi nila Alejandro. Nakatayo siya doon at nakatingin sa akin. "Pakisabi kay Alejandro na ayos lamang ako dito."

"Sige po, Ma'am." iniwan na ako ni Don para lapitan si Alejandro.

Tinakpan ko ang akin bibig upang makahikab ako. Halos anim na oras akong naghihintay kay Alejandro. Hindi ko magawang pumasok sa loob kahit pa sinasabi ng tiya niya na pumunta ako sa loob. Hindi naman ako kamag-anak ng pasyente. Hindi pa nagigising ang pinsan niya na galing sa operasyon para matanggal ang bala ng baril sa balikat nito. Unti-unti akong pumikit dahil bumibigat na ang talukap ng aking mata. Dala ng sobrang pagod.

"Victoria."

Bigla akong dumilat at nasa harapan ko na si Alejandro. "B-Bakit?"

"Nagpaalam ako kina Tito Dan na uuwi na tayo. Alam kong pagod ka na rin."

"Ngunit hindi pa nagigising ang iyong pinsan."

"Tatawagin na lang daw nila ako kapag nagising na si Celestine." marahan niya akong hinila patayo. "Kailangan mo na ring magpahinga." inakbayan niya ako at naglakad na kami papalayo sa hospital room ng pinsan niya. Halata sa mukha ni Alejandro ang pagod. Alanganin na rin ang oras at maaga pa siyang papasok bukas.

"Hindi muna ako papasok sa trabaho. Kailangan ako dito bukas."

Napilitan akong tumango. Sobrang mahalaga si Señorita Celestine kay Alejandro. Napakaswerte nito sa kanya. Kailangan ko na sigurong ayusin ang aking mga gamit para sa oras na magising ang binibini, handa na akong umalis ng bahay. Ayoko naman na ako ang maging dahilan ng away nila. Tatanggapin ko na lamang ang alok ni Senator Cervantes na doon ako tumira sa kanila.

Inalalayan ako ni Alejandro na sumakay ng kotse. Tahimik kaming dalawa. Nakatingin lang ako sa labas habang bumabyahe kami pauwi ng bahay niya. Wala nang masyadong tao sa labas dahil gabi na. Nagulat ako nang biglang humilig sa balikat ko si Alejandro. Tulog na siya. Marahil dala ng sobrang pagod kaya mabilis siyang nakatulog dito. Napangiti ako at umti-unting umangat ang aking kamay para haplusin ang kanyang mukha. "Alejandro..." inabot ko ang kanyang kamay at unti-unti kong pinikit ang aking mga mata.

Ang biglang nagpagising ng diwa ko ang pagbuhat sa akin ng isang tao. Pagdilat ko ang mukha ni Alejandro ang bumungad sa akin.

Napatingin siya sa akin at gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. "Hindi na kita ginising dahil masarap na ang tulog mo. Kaya kinarga na lang kita."

"Maaari mo na ba akong ibaba? Nakakahiya dahil alam kong pagod ka at kinakarga mo pa ako ngayon."

"Sanay na ako, Victoria. Palagi mo akong hinihintay na dumating at nakakatulog ka na lang sa sofa. Hayaan mong gawin ko ito sa iyo." nagsimula na siyang pumanhik ng hagdanan.

Hindi na ako umimik at pinagmasdan ko na lamang ang kanyang mukha.

"Hindi ka pa nagdi-dinner, gusto mo bang kumain muna?"

"Ikaw? Gusto mo bang kumain muna?" Tumango siya kaya bumaba kami ng hagdanan at dumeretso sa komedor. Dahan-dahan niya akong inupo sa upuan. Tumayo ako. "Ipagluluto kita—"

"Huwag na. May pagkain naman sa ref, ima-microwave oven ko na lang."

Iniwan na niya ako bago pa ako makapagsalita. Tinuon ko na lamang ang aking atensyon sa bulaklak na nasa plorera. Kumuha ako ng isang tangkay ng pulang rosas at inumpisahang pitasin ang talulot nito. Aalisin ko na lamang ang mga ito sa mesa sa oras na bumalik si Alejandro. Bumuntong hininga ako at bigla kong naalala ang aking Kuya Matias. Si kuya ang mahilig pumitas ng talulot ng rosas sa tuwing naglalagay ako ng bulaklak sa plorera doon sa kwarto nito.

La Señora desde el EspejoWhere stories live. Discover now