Capitulo Veinte-Ocho

2.3K 105 5
                                    



Capitulo Veinte-Ocho



"Manuel?"

"Ate Victoria, ikaw nga!"

Napangiti ako dahil kapatid ko nga ang nakikita ko ngayon. Nang tangka kong lapitan si Manuel biglang may humawak sa aking baywang upang pigilan ako.

"Victoria no!"

Sabay ng pagsigaw na iyon ang pagbago muli ng paligid ko. Nasa loob na ulit ako ng bahay namin ni Alejandro. Nilibot ko ang aking paningin. "A-Anong nangyari? Nasaan si Manuel?" Palinga-linga kong tanong.

"Wala dito si Manuel, Victoria."

"Nandito siya. Nasa harapan ko na siya at nandoon ako sa bahay namin kanina."

"Victoria, nandito ka sa bahay natin."

"Pero nasa harapan ko na ang kapatid ko."

"Hindi mo siya kapatid."

"Kapatid ko siya! Kahit anong mangyari, siya pa rin ang bunso kong kapatid. Mayayakap ko na si—"

"Tumigil ka na, Victoria!" biglang sigaw niya na ikinatigil ko. Mariin niya akong hinawakan sa balikat. "Hindi ba napagkasunduan natin na hindi mo na iisipin ang pamilya mo doon dahil ayaw nating masira ang magiging pamilya natin? Bakit mo pa rin sila iniisip? Bakit binubuksan mo ang topic tungkol sa kanila?" Puno ng galit ang kanyang mga mata na ngayon ko lamang nakita.

"Hindi ko sila iniisip ngayon!"

"Kung hindi mo sila iniisip, bakit halos maglaho ka na kanina?"

"Hindi ko alam!" Napangiwi ako nang mas dumiin ang pagkakahawak niya sa akin. "N-Nasasaktan ako!"

Lumambot ang kanyang mukha at unti-unti niya akong binitawan. "I'm sorry."

"Bakit ka ba nagagalit sa akin? Hindi ko naman ginusto na mangyari iyon kanina."

"Victoria, hindi ko—"

Tinalikuran ko siya at hindi ko na tinapos ang kanyang sasabihin. Nagmadali akong umakyat ng hagdanan. Bumalik ang inis ko kay Alejandro at sa mga oras na ito, mas nadagdagan ang inis ko sa kanya na may halong pagtatampo. Bakit niya pinagpipilitan na iniisip ko sila Manuel kanina kaya muntik na akong bumalik sa pinanggalingan kong panahon?

"Nakakasama ng loob." bulong ko bago pumasok ng aming silid. Humiga ako sa kama at hindi ko na napigilang umiyak. Sobra talagang nakakasama ng loob si Alejandro. Pwede naman na mag-usap kami ng hindi ako pinagtataasan ng boses. Oo, gusto kong makita ang aking kapatid ngunit mas pipiliin ko na lang na hindi ito makita kaysa hindi mabuo ang magiging pamilya namin ni Alejandro. Mariin akong pumikit nang narinig kong bumukas ang pintuan ng kwarto.

Alam kong si Alejandro ang pumasok. Mayamaya'y lumubog sa tabi ko at hinawakan niya ang aking balikat. "Victoria, I'm so sorry." Hindi ko siya pinansin at umiwas ako ng tingin sa kanya. "Victoria, mag-usap tayo," Mahina niyang pinisil ang balikat ko. "Hindi ko sinasadyang pagtaasan ka ng boses. Hindi ako nagagalit sa iyo."

"Nagagalit ka sa akin. Hindi mo naman ako pagtataasan ng boses kung hindi ka galit sa akin."

"I'm sorry kung napagtaasan kita ng boses. Kahit kailan hindi ko magagawang magalit sa iyo."

Nilingon ko siya. Parang nawala ng parang bula ang pagtatampong nararamdaman ko sa kanya. "T-Talaga?"

Sunud-sunod siyang tumango. "Kaya lang ako nagkaganoon kanina dahil natakot. Natakot ako dahil halos mawala ka sa akin kanina. Halos hindi na kita makita. Para akong mababaliw sa tuwing nakikita kitang naglalaho, paano pa kaya kapag tuluyang kang mawala sa akin. Baka sa pagbalik mo dito, naka-confined na ako sa mental hospital."

La Señora desde el EspejoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon