Kabanata 7

5.1K 226 15
                                    

RAFFIELLA

ANG MAINGAY na Billie ang parusa ko nang tanggapin ko ang bigay ni Stefan. Buong maghapon lang naman niya ako hindi tinantanan sa mga pang-aasar niya. Kahit ngayong nagpapahinga na kami sa barracks ay hindi niya ako nilubayan.

"Confirmed na talaga! Crush ka niya, Raffi. I can feel it. I can sense it!"

Hindi ko alam kung pang ilang beses na niya sinabi 'yon. Sa totoo lang ay naririndi na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil sa tuwing pinagsasabihan ko siyang manahimik ay kabaligtaran ang ginagawa niya.

"Hindi mo ba nakita ang kaba niya kanina habang lumalapit at nagsasalita siya? Parang buhay niya ang iaalay niya sa 'yo!"

That's it.

Binaba ko ang nililinis kong baril upang harapin siya nang maayos. Nakahiga siya ngayon sa kanyang kama habang yakap ang kumot.

"Huwag mong bigyan ng malisya ang mga simpleng bagay, Billie. Baka nalilimutan mong kaya gawin 'yon ng kahit na sino. At hindi ka ba nakikinig sa sinabi niya? Peace offering daw."

Ngumuso siya. "Okay, fine. Pero hindi ko pa rin nalilimutan ang asal mo kanina. Hindi ka manlang nagpasalamat doon sa tao! Ikaw na nga ang nagsabi, peace offering. Paano niya malalaman kung napatawad mo na siya kung tinanggap mo ang bigay niya nang walang ibang sinasabi."

Tumayo ako at nagtungo sa banyo. Pinanatili kong bukas ang pinto upang hindi maputol ang pag-uusap namin.

"Okay na 'yon. Ang sabi niya'y huwag ko raw siyang i-reject. Ginawa ko lang ang sinabi niya," tugon ko.

Sa totoo lang, sa tuwing nakikita ko siya, bumabalik sa alaala ko ang nangyari sa isla. Hindi mawala sa isipan ko ang napakaraming posibilidad kung sakaling hindi ako dumating. Nakagagalit ang pangyayaring 'yon. Nagagalit ako sa kanya. Nagagalit ako sa sarili ko.

Kaya nang lumapit siya sa akin kanina, mas lalo akong nakaramdam ng galit. Bakit pa siya lumalapit sa taong nagpabaya sa kanya? Hindi ba siya nagagalit sa akin dahil nasaktan siya? 

Sabagay, hindi nga siya nagalit sa nanakit sa kanya, sa akin pa kaya? 

Iyon ang hindi ko matanggap. Kahit kailan hindi ko maiintindihan kung bakit gano'n ang pananaw niya sa buhay.

Madaling-araw na nang matapos kami ni Billie sa kuwentuhan. Mali, siya lang pala ang nag kuwento. Ngunit kahit inumaga na ng tulog, maaga pa rin kami nagising kinabukasan. Mabilis kaming naghanda para sa pagpunta sa baryo Ilat.

Maaga rin dumating ang mga volunteer teachers. Sa gilid ng mata ko'y nakita ko na si Stefan na palapit sa akin. Nang tuluyang makalapit ay binagsak ko agad ang tingin sa katawan niya upang hanapin ang nakasabit na ID. Nang makita ang hinahanap ay tumango ako bago siya tiningnan sa mata. Kumunot ang noo ko nang makita ang ngiti niyang abot hanggang tainga.

"Magandang umaga, Miss Soldier!" bati niya.

Hindi ako nagsalita. Pinanatili ko ang matapang kong mukha ngunit parang wala lang 'yon sa kanya. Kung tingnan niya ako ay parang sanay na siya sa akin.

Ngumuso siya. "Ang aga-aga para maging masungit, Miss Soldier. Mamalasin tayo niyan! Ngiti naman diyan, oh!"

Tumagilid ang ulo ko bago humalukipkip. Hindi pa rin ako nagsasalita dahil pinakikiramdaman ko ang aking sarili. Baka kung ano pa'ng masabi ko dahil nag-uumpisa na naman akong mainis.

May kinuha siya sa kanyang bag. Nang ilahad niya sa akin 'yon, kumunot agad ang noo ko. Bakit niya pinakikita sa akin ang letter ng girlfriend niya na kinuha ko sa headquarters?

Stars On Her ShoulderTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang