Kabanata 44

2.7K 110 3
                                    

STEFAN

HINDI KO nilubayan ng tingin ang mga mata niyang naguguluhan at nagugulat habang nakatingin sa akin. Hindi ko rin siya binitawan. Sa katunayan, mas humigpit pa ang kapit ko sa kanya dahil sa takot at kaba.

"Noong nalaman ko ang nangyaring pagsabog sa Elena, si Papa agad ang naisip kong puwede pagtanungan tungkol sa nangyari. Ngunit nang marinig ko siyang may kausap sa telepono, nawala na sa isip ko ang tunay kong sadya. Narinig ko siyang sinabi ang tungkol sa pagtago sa publiko ng tungkol sa mga nangyayari sa Elena."

Nanatiling tikom ang bibig niya sa gulat, tila pilit pinoproseso ang mga impormasyong narinig.

"Dahil doon, tinanong ko na rin siya kung may kinalaman siya sa pagsabi ng kasinungalingan sa media tungkol sa katauhan ni Rene at ang pang-aabuso kina Clara. Inamin niya sa 'kin na..."

Nanginig ang boses ko kaya kinailangan kong huminto para pakalmahin ang sarili. Ayaw kong makita niyang mahina ako sa mga oras na 'to. Ayaw kong makita niya na hanggang ngayon, nasasaktan pa rin ako sa ginawa ni Papa.

"Stefan..." aniya sa isang malumanay na tinig. Hindi iyon nakatulong sa akin dahil mas lalo lang napaso ang puso ko.

"Inamin niya sa 'kin na nagawa niyang magsinungaling sa publiko upang protektahan ka at ang hukbong sandatahan—"

Natigilan ako nang bigla siyang lumapit sa akin upang yakapin ako nang mahigpit. Ito ang unang beses na niyakap niya ako sa ganitong paraan kaya hindi ako nakagalaw. Imbes na tuwa, mas lalo lang kumirot ang dibdib ko.

"I'm sorry..." bulong niya. "Alam ko, Stefan. A-Alam ko na may kinalaman si Captain Simeon Carreon sa kaso ni Rene. S-Sorry kung hindi ko agad nasabi sa 'yo..."

Ngumiti ako at maingat na tinanggal ang kamay niyang nakapulupot sa akin. Nagkatinginan kami. Nalukot ang puso ko nang makita ang nanunubig niyang mga mata habang nakatitig sa akin. She's blaming herself again...

"Shh..." Kinulong ko ang pisngi niya sa aking palad. Marahan ko ring pinalis ang luhang lumandas sa maganda niyang mukha. "Yes, I know. Alam kong alam mong may kinalaman ang tatay ko rito. I understand kung bakit hindi mo nagawang sabihin sa 'kin. It's okay, Raffi..."

Umiling siya. "No. Dapat sinabi ko agad sa 'yo—"

"Stop blaming yourself, please. Hindi dapat tayo ang umaako sa kasalanan ng mga magulang natin. We're hurting because of them. Dahil sa mga maling solusyon nila sa problema, nasasaktan tayo."

Nagsalubong ang dalawang kilay niya. Namilog ang mata ko nang mapagtanto ang nasabi. Napalunok ako nang makita ang naguguluhang mukha ni Raffi. She's looking at me like I'm the most difficult puzzle she wants to understand. She's staring at me with confused eyes.

"Magulang natin?" ulit niya na para bang iyon lang ang tumatak sa isip niya. "Ano ang ibig mong sabihin?"

Ang magaan at malambot niyang boses ay mabilis napalitan ng nakapapanindig-balahibo dahil sa tapang. Parang kapag nagsalita siya, dapat may sagot ka agad. Walang oras para mag-isip.

"Hindi lang sina Captain Pablo Abad at Papa ang mga sundalong sangkot dito, Raffi..." panimula ko.

Hindi siya nagsalita.

Gumapang ang takot sa buong sistema ko kaya agad kong hinawakan ang kamay niya. She didn't move. Seryoso lang siyang naghintay sa mga sasabihin ko.

"No'ng tinanong ko si Papa kung bakit nila tinago ang bangkay, sinabi niya sa akin na iyon daw ang utos ni Brigadier General Rowan Española."

Mabilis naipon ang luha sa mga mata niya hanggang sa lumandas ito sa kanyang pisngi nang walang pag-aalinlangan. Kumawala siya sa pagkakahawak ko para hawiin iyon ngunit masyadong mabilis ang pag-agos na para bang hindi ito matatapos.

Stars On Her ShoulderWhere stories live. Discover now