Kabanata 48

2.6K 119 2
                                    

STEFAN

MABIGAT ANG pakiramdam ko paggising kinabukasan. Hindi ko alam kung bakit kahit alam kong malapit na matapos ang lahat, hindi pa rin ako mapalagay. Iba ang kutob ko sa mangyayari sa mga susunod na araw.

Paglabas ko ng CR galing sa pagligo, narinig ko agad ang tunog ng aking cellphone. Lumapit ako roon upang tingnan kung sino ang tumatawag. Nang makitang unregistered number iyon, kumalabog ang dibdib ko at mabilis na sinagot ang tawag.

"Hello?"

"Stefan..."

Nanuyo ang lalamunan ko. "Clara..."

Matagal ko nang hinihintay ang tawag niya dahil gusto ko na sabihin sa kanya kung saan nakalibing si Rene. Gusto ko rin malaman niya kung hanggang saan na ngayon ang ginagawa naming pag-iimbestiga.

"Wala na raw kayo sa Elena kaya hindi na kami umasang matutulungan n'yo pa kami. H-Hindi ko akalaing..." Pagtangis ang dinugtong ni Clara sa sinasabi. Narinig ko pa sa kabilang linya ang pagpapatahan sa kanya ng mga magulang. "M-Maraming salamat at hindi mo kami nakalimutan."

Nanikip ang dibdib ko. Nilabanan ko ang nag-uumapaw na emosyon upang makausap siya nang maayos. "Alam na namin kung saan nakalibing si Rene. Nilibing siya sa public cemetery sa San Juan dito sa Maynila. Kaya lang, iba ang pangalan na nakalagay sa puntod niya dahil t-tinatago ito ng mga sundalong nang-abuso sa pamilya n'yo. I'm sorry..."

Sinubukan kong tibayan ang aking mga binti ngunit hindi ko iyon nagawa kaya napaupo na lang ako sa kama. Nanlalambot ako sa tuwing naiisip na kasama ang tatay ko sa mga mapang-abusong sundalo. Hanggang ngayo'y hindi ko pa rin matanggap na wala siyang nagawang mabuti para sa pamilya ni Rene. Hindi siya tumayo sa tama. Mas pinili pa niya ang reputasyon kaysa gumawa ng mabuti.

"H-Hindi pa namin maaaring bisitahin si Kuya Rene. Hindi pa kami makaalis dito sa Elena."

"Alam ko. Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat. Mapupuntahan n'yo rin ng mga magulang mo ang puntod ni Rene."

"P-Paano ang mga sundalong nang-abuso sa amin? K-Kapag nakita nila kami riyan—"

"Huwag n'yo silang alalahanin. Hindi nila kayo mahahawakan," mariin kong sambit.

"Kung gano'n ay gagawa na kami ng paraan para makaalis dito sa Elena. Gusto na rin namin umalis dito dahil natatakot na kami. Hindi na kami makatulog nang mahimbing."

"Paano kayo makakaalis diyan? Mas lalo nilang pinahigpit ang seguridad dahil ngayon sasalakay ang mga sundalo sa kuta ng mga rebelde."

Hindi ko alam kung puwede ko bang sabihin iyon kay Clara pero dahil sa halo-halong emosyon, hindi ko na iyon napag-isipan nang mabuti.

"Alam ko. Tinawagan kami ni Tatay Andoy kagabi."

Hindi ako nagsalita. Wala akong alam kung ano ang relasyon ng pamilya ni Clara at Tatay Andoy ngunit base sa nakikita ko, malalim iyon. Malakas ang kutob ko na matagal na silang makakilala, o magkaibigan.

"Ano 'yon? Bomba ba iyon?" rinig kong boses ng tatay ni Clara.

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Ano 'yon, Clara?"

"Tatawagan ka na lang namin mamaya!" aniya bago patayin ang tawag.

Kinabahan ako kaya tatawag sana ako ulit ngunit biglang tumawag si Elias. Agad ko namang sinagot ang tawag.

"Stefan, nawawala si Tatay Andoy!" natatarantang boses ni Mac. "Hahanapin sana namin siya ni Elias ngayon pero wala kaming idea kung saan siya pumunta. Hindi rin kami makalabas dahil sa sunod-sunod na putok ng baril at bomba sa labas!"

Stars On Her ShoulderOù les histoires vivent. Découvrez maintenant