Kabanata 13

3.6K 169 4
                                    

RAFFIELLA

HINDI MATANGGAL ang tingin ko sa tulalang si Stefan. Hindi nga niya yata alam na dinadamitan na siya ngayon ni Billie. Nakatingin lang siya kay Gorio na puno ng pagkabahala ang mukha.

"Ma'am, wala na pong tao sa paligid. Mukhang nakatakas ang rebelde," sambit ni Nico Alarcon nang makabalik kasama ang dalawang sundalo.

Napapikit ako sa pagkadismaya. Ang galit na naramdaman ko kanina'y mas lalong lumala. Nagagalit ako sa ginawa ni Stefan ngunit mas nagagalit ako sa sarili ko. Hindi ito mangyayari kung naging mas alerto ako sa paligid. Hindi ito mangyayari kung mas tinutukan ko ang pagbabantay sa mga sibilyan.

"Umalis na tayo rito," ani Billie habang hawak ang mga braso ni Stefan. Tumayo silang dalawa habang buhat ni Stefan si Gorio. "Alarcon, ikaw na muna ang magbitbit sa bata."

Hindi na nakalapit si Alarcon dahil nagsalita si Stefan, "Ako na."

Ginamit ko ang pagkakataong 'yon upang lapitan siya. Dinungaw niya ako gamit ang mga matang puno ng takot, pagkalito, at pagkabahala.

"Raffi, mamaya na.." tinig ni Billie na hindi ko pinansin.

"Ano'ng nangyari sa inyo? Sinaktan ba kayo ng rebelde?" malamig kong tanong.

Umiwas siya ng tingin dahilan upang mas lalong dumiin ang hawak ko sa aking baril. Bakit hindi niya ako matingnan nang maayos? Nasaktan ba siya?

"Puwede bang dalhin muna natin si Gorio sa ospital?" aniya kay Billie. "Tara na, please.."

Tumango agad si Billie. "Sige, tara na."

Walang tingin akong nilagpasan ni Stefan. Sinulyapan naman ako ni Billie na tumango lang hudyat na sumunod ako sa kanila. Walang akong nagawa kundi sumunod at pagmasdan ang likod ni Stefan.

Nanginginig ang kanyang mga braso habang buhat ang maliit na katawan ni Gorio. Ang mga paa niya'y nagmamadali, tila may hinahabol na oras na kung hindi siya agad makararating sa paroroonan ay labis niya itong ikawawasak. Ang balikat niya'y naka-angat upang mas mailapit pa ang mukha ni Gorio sa kanya. May mga binubulong siya sa bata na hindi ko marinig.

Paglabas ng kagubatan ay iginiya agad siya ni Billie patungo sa armored vehicle.

"Stefan!" sigaw ni Lilian habang tumatakbo palapit sa sasakyan. Sumunod na rin ang ibang volunteer teachers na ngayo'y nababalutan ng kaba ang mga mukha.

Napatingin si Stefan sa kanila. Hinawakan ni Lilian ang kanyang braso habang nagpapapalit-palit ang tingin sa binata at kay Gorio. Si Andres nama'y mas lumapit pa sa kaibigan at mapanuri itong tiningnan mula ulo hanggang paa. Si Tessa nama'y mas tinuon ang pansin sa bata. Hinawakan niya ang pulso nito at pinakiramdaman ang paglabas-pasok ng hangin sa ilong.

"Ano'ng nangyari? Bakit walang malay si Gorio?" nag-aalalang tanong ni Lilian.

"Nahimatay lang siya," ani Tessa dahilan upang mapatingin kaming lahat sa kanya. "Pero kailangan pa rin siyang dalhin sa ospital. May maliit na pagamutan sa bayan ng San Jose. Maaari ko kayong samahan."

"Sasama rin kami," tinig nina Elias at Mac.

"Umuwi na kayong lahat," utos ko dahilan upang sa akin naman mapunta ang kanilang atensyon. "Dadalhin namin sina Stefan at Gorio sa pagamutan. Umuwi na kayo dahil magroronda ang mga sundalo sa buong lugar. Hindi namin kayo mababantayan."

"Pero—"

"Pakiusap," pagputol ko sa sinasabi ni Tessa. "Sumunod na lang kayo at para rin ito sa kaligtasan ninyo."

Napatingin ako kay Lilian nang mas lumapit pa siya kay Stefan.

"Gusto kong sumama sa 'yo.." aniya dahilan upang kumunot ang aking noo.

Stars On Her ShoulderOnde histórias criam vida. Descubra agora