Kabanata 39

2.5K 117 5
                                    

RAFFIELLA

KUNG TATANUNGIN ako ngayon kung ano ang nararamdaman ko, siguradong matatapos ang araw nang hindi ko napapaliwanag o nasasagot nang maayos ang tanong. Hindi kaya sa isa o dalawang salita kung paano ipapaliwanag ang emosyong nag-uumapaw sa akin sa mga sandaling ito. Hindi ko alam na maaari pala maging ganito kasaya ang isang tao.

"Are you sure na ayaw mo pa muna umuwi?" tanong ni Stefan.

Nandito kami ngayon sa gilid ng pool, nakaupo at nakalublob ang mga paa sa tubig. Medyo nababasa na nga ang aming pantalon pero ayos lang. May extra akong damit sa sasakyan at siguradong mayroon din si Stefan sa kanya.

"Bakit, gusto mo na ba ako umuwi?"

Napalunok siya at umiwas ng tingin. "Iniisip ko lang naman kung bakit ayaw mo pang umuwi.."

Nanatili ang mata ko sa kanya. Hindi ko alam na makirot pala sa dibdib ang sobrang saya. Mukhang hindi pa siya nakuntento noong sinabi ko ang tunay kong nararamdaman. Gusto pa niyang ipaintindi ko sa kanya nang maigi kung ano nga ba talaga ito.

Hindi ko siya masisisi dahil hindi ko naman nilinaw sa kanya ang lahat. Marami pa akong hindi nasasabi sa kanya.

Hinawakan ko ang kamay niya kaya nilingon niya ako. Seryoso ang mukha niya na animo'y napakaraming tanong sa isip na hindi masabi dahil sa takot.

"Ayaw ko pang umuwi kasi gusto kong makasama ka pa nang mas matagal," pag-amin ko.

Humigpit ang kapit niya sa akin. "I don't understand.."

"Ano ang hindi mo maintindihan sa gusto kita?"

Sa katunayan ay hindi ito simpleng gusto lang. Alam kong mas malalim pa. At habang tumatagal, mas lalo itong lumalalim.

"Paano si Leo.." mahina niyang sambit na para bang ayaw pang itanong sa akin.

Mas lalong kumirot ang dibdib ko. Masakit isipin na simula nang magkahiwalay kami sa Elena, hindi nawala sa isip niya ang mga sinabi ko. Binaon niya lahat 'yon hanggang sa pag-uwi niya rito sa Maynila, at kahit ngayon na sinabi ko na sa kanya na gusto ko siya, hindi pa rin niya nalilimutan ang lahat.

"Nevermind," aniya kaya kumunot ang noo ko. "You don't need to answer. Masaya na ako sa kung ano'ng nararamdaman mo para sa akin."

Umiling ako. "Pinagsisisihan kong sinabi ko sa 'yo iyon, Stefan..."

Kumurap ang mga mata niya. Naramdaman kong medyo lumuwag ang kapit niya sa kamay ko dahil sa gulat.

"Maraming nagbago simula nang dumating ka sa buhay ko. Isa na roon ang tanggapin na wala na si Leo at puwede ako maging masaya sa piling ng iba." Mas lumapit pa ako sa kanya upang hawakan ang pisngi niya. Hinabol niya ang kamay ko at mas diniin pa ito sa kanyang pisngi bago tumitig sa akin. "Sorry kung sinabi ko sa 'yong mahal ko pa rin si Leo hanggang ngayon. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para umuwi ka rito sa Maynila."

"At sinabi mo rin 'yon para kalimutan kita?"

Tumango ako. "I'm sorry..."

Tinanggal niya ang kamay ko sa kanyang pisngi nang hindi pinuputol ang tingin sa akin. "So, you like me?"

Ngumiti ako at tumango. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ko kanina?"

Binago niya ang pagkakahawak sa kamay ko. Pinagsalikop niya ang aming mga daliri, tila isang pahiwatig na kahit kailan ay hindi na kami magkakahiwalay.

"Hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat na sinabi mo 'yon o hindi," wika niya habang nakatingin sa mga kamay namin. "Oo, masakit, pero mas naging malinaw sa akin kung ano talaga ang nararamdaman ko para sa 'yo. Nalaman ko na kaya ko palang maghintay at manatili kahit hanggang kaibigan muna hanggang sa dumating ang araw na kaya mo nang magmahal ng iba at mahalin ng iba."

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon