Kabanata 50

4K 137 18
                                    

STEFAN

PAGKATAPOS NG ilang sandaling paghihintay sa sagot sa halos hindi mabilang na tawag, binitawan ko na ang cellphone ko at iritadong umupo sa study table.

Dalawang araw na akong hindi kinakausap ni Raffi, at sa bawat oras na dumaraan, mas lalo lang akong nafu-frustrate.

Laman siya ng balita ngayon. Kahit saan ako magpunta, pangalan niya ang naririnig ko. Gusto kong malaman ang buong nangyari ngunit hindi niya ako kinakausap. Nagbigay lang ng statement ang nanay niya tungkol sa kasong isasampa sa mga taong kasabwat ng mga rebelde, at pagkatapos ay wala na.

Hindi humaharap si Raffi sa media. Ang nanay lang niya ang sumasagot at humaharap sa mga tanong. Ang ibang tanong doon ay tanging si Raffi lang ang makasasagot kaya tinatalikuran na lang ito ng nanay niya.

Gustong-gusto ko na puntahan si Raffi kaya lang natatakot ako na baka mas lalo siyang magalit sa akin. Iyon ang dahilan kung bakit ako tawag nang tawag sa kanya. Iniisip ko na kung ayaw niya akong makita, kahit sa telepono lang ay makapag-usap kami. Gusto ko lang malaman kung kumusta na siya dahil nag-aalala ako. Gusto kong malaman ang buong detalye ng kaso.

"Stefan..." boses ni Mama bago buksan ang pinto ng kuwarto ko. Pagpasok niya, agad akong tumayo at nagtungo sa closet upang kumuha ng shirt at pants. Katatapos ko lang kasi maligo. "Tumawag sa akin si Mandy. Hindi mo raw sinasagot ang tawag niya?"

"Pupunta naman siya sa resort. Doon kami magkikita, Ma."

Gray polo shirt at jeans ang sinuot ko. Walang event ngayong araw sa resort kaya ayos lang kung hindi gaanong formal ang suot.

"Hindi lang si Mandy, pati na rin sina Andres at Lilian ay tawag nang tawag dito sa bahay dahil hindi mo sinasagot ang mga tawag nila."

Pagkatapos kong magsuot ng sapatos ay nilingon ko siya. "Yes, dahil magkikita-kita naman kami sa resort."

Humalukipkip siya at nagtaas ng kilay. "Tell me. What's going on?"

Kinuha ko ang cellphone sa study table at binulsa ito bago lumapit sa kanya. Ngumiti ako at marahan siyang hinalikan sa noo. "Nothing, Ma. May lakad ka ngayon with Tita Milena?"

Naningkit ang mata niya sa pagbago ko sa usapan. Sinadya ko talagang baguhin iyon para hindi na siya magtanong. Ayaw kong iniisip pa niya ang problema ko. I can solve this on my own.

"Yes, pupunta kami sa mall ngayong araw. Nagpapasama siya sa akin bumili ng regalo para sa nalalapit na kasal nina Mandy at Ryan."

Hindi ko naitago ang gulat sa narinig. Mas lalong tumaas ang kilay ni Mama dahil sa inakto ko.

"Hindi mo alam na ikakasal na ang kaibigan mo?"

Oh.

Pilit akong tumawa. "Yeah, right! Nasabi nga ni Mandy sa akin noong isang araw. Nalimutan ko lang."

Ang totoo niyan ay wala naman talagang sinabi sa akin si Mandy. Wala pa akong nakakausap ni isa sa mga kaibigan ko dahil masyado akong abala kay Raffi at sa nangyayari sa Elena. Kung hindi lang tumawag sa akin si Andres kanina na balak nilang magpunta nina Lilian at Mandy sa resort ngayong araw, hindi ko pa sila makakausap.

Wala na rin akong kawala sa kanila dahil lantad na sa lahat ang ginawa ni Raffi. Alam nilang may nalalaman ako kaya kailangan ko na sabihin sa kanila ang ginagawa namin.

"Aalis na ako, Ma. I'll call you kapag maaga ako nakauwi ngayon."

Sumimangot si Mama kaya ngumiti ako bago siya hinalikan sa pisngi. Ilang sandali pa'y lumabas na kami ng kuwarto. Sinamahan niya ako hanggang sa labas ng bahay.

Stars On Her ShoulderWhere stories live. Discover now