Kabanata 25

3.2K 124 1
                                    

RAFFIELLA

MAAGA AKO dumating sa palengke para kay Second Lieutenant Martin Verbo. Naabutan ko siya sa checkpoint, nagbibigay ng command sa grupo niya.

Napatingin sa akin ang mga sundalong hawak niya kaya nilingon niya ako. Sumaludo silang lahat sa akin na agad ko namang tinugon.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Raffiella?" tanong sa akin ni Martin pagkatapos niyang i-dismiss ang kanilang meeting.

Tinitigan ko siya habang inaalala ang dahilan ng pagpunta ko rito. Alam kong malaki ang posibilidad na hindi siya makipagtulungan sa akin, pero umaasa pa rin ako na sana tunay nga siyang alagad ng batas. Sana hindi siya kasama sa mga mapang-abusong sundalo na tinutukoy ng pamilya ni Rene.

"Puwede ba tayo mag-usap?"

Pinasok niya ang dalawang kamay sa bulsa habang nakatagilid ang ulo, nagtataka sa inaakto ko. "May problema ba sa baryo Ilat at kailangan mo ng tulong ko?"

Umiling ako kasabay ng paglahad ng papel na kanina ko pa hawak. Bumaba ang tingin niya ro'n ngunit hindi niya kinuha. Nanatiling kunot ang kanyang noo, nagtataka kung saan patungo ang usapang ito.

"Gusto ko sana malaman kung sino-sino sa mga sundalong hawak mo ang na-assign mag-ronda sa mga kalapit na baryo sa palengke."

Sobrang babaw na ng tanong ko na sa tingin ko'y hindi niya mahahalata ang ginagawa kong pag-iimbestiga. Kahit atat akong tanungin siya sa mas detalyadong paraan, pinigilan ko ang aking sarili. Hindi pa ako sigurado kung kakampi siya o hindi. Mas mabuti na 'yong nag-iingat.

"Nasa iyo na ang listahan, bakit kailangan mo pang malaman mismo sa akin?" kuryoso niyang tanong.

"Mga sundalong nag-ronda dalawang linggo na ang nakararaan ang tinutukoy ko. Hindi detalyado ang nakalagay rito sa listahan."

Dahil doon ay kinuha na niya ang listahan sa akin. Kunot-noo niyang pinasadahan ng tingin ang impormasyong nasa papel. Unti-unting tumaas ang kilay niya bago ito hinarap sa akin. Tinuro niya ang mga naka-cross out na pangalan.

"Ano ang ibig sabihin nito?"

"Hindi 'yan ang tanong—"

"Alam ba ito ni Captain Pablo Abad?"

Hindi ako nagsalita kaya binalik niya muli sa akin ang papel. Humalukipkip siya at tinitigan ako nang mariin.

"Kung ano man ang ginagawa mo, sorry pero hindi ako makikipagtulungan sa 'yo."

Umawang ang bibig ko sa gulat. "Para ito sa report—"

"—report na kaya ko naman gawin, Raffiella. Hindi ito sakop ng trabaho mo."

Kahit abot-langit ang inis ay kinalma ko pa rin ang aking sarili. Bakit ba ayaw niyang makipagtulungan sa akin? Mas lalo lang tuloy umiigting ang pagdududa ko sa kanya.

"May parte ito sa ginagawa kong report—" pilit kong tinatawid ang dahilan ko para sa impormasyong kailangan ko ngunit buo na talaga ang kanyang desisyon.

"Kung kailangan mo talaga, hintayin mo ang meeting natin kasama si Captain Pablo Abad."

"Bakit ba ayaw mong makipagtulungan sa akin, Martin?" hindi ko na naitago ang iritasyon sa tono ng aking boses. Nahimigan niya iyon ngunit wala siyang pakialam.

"Makipagtulungan saan? Sa report o sa sikretong imbestigasyon na ginagawa mo?"

Pinigilan ko ang gulat sa sinabi niyang iyon. Hindi ko alam kung paano niya nahalata ang ginagawa ko gayong alam ko sa sarili na maingat ang galaw ko.

Stars On Her Shoulderحيث تعيش القصص. اكتشف الآن