Kabanata 37

2.7K 109 10
                                    

RAFFIELLA

NABABAGOT NA ako rito sa mall dahil kanina pa kami lakad nang lakad ni Mommy. Ang sakit na ng paa ko samantalang siya'y parang gawa sa bakal ang mga paa. Hindi ba siya napapagod?

"Let's go there! Hindi ko pa nakikita ang mga damit doon!" aniya sabay hila sa akin patungo sa loob ng isang kilalang store.

Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko para marinig niya ngunit hindi niya ako pinansin.

Dalawang araw na ang nakalipas simula nang umalis ako sa Elena. Sa loob ng dalawang araw, pinasyal ako ni Mommy kung saan-saan. Hindi niya muna ako pinagtrabaho, at nagawa niya iyon dahil kay Daddy. Gusto ko sana kumontra pero pabor din si Daddy sa gustong mangyari ni Mommy kaya wala akong choice.

Dahil doon ay tinuon ko na lang ang atensyon sa paghahanap kay Stefan. Sa tulong ni Billie, nalaman ko na namamahala siya ngayon ng isang resort sa Cavite. Nagulat nga ako roon dahil akala ko'y nagtuturo siya sa isa sa mga school dito sa Maynila. Pero dahil pala sa nangyari sa mommy niya, hindi niya tinuloy ang pagtuturo upang asikasuhin ang kanilang negosyo.

Alam ko na kung saan pupuntahan si Stefan ngunit hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makahanap ng tiyempo dahil kay Mommy. Palagi niya akong sinasama kung saan-saan kaya hindi ako makaalis.

"Raffi, sukatin mo ito!" sabi ni Mommy sabay kuha ng kulay dilaw na dress. "For sure, bagay ito sa 'yo! Dali na, sukatin mo roon sa fitting room!"

Wala akong nagawa nang bahagya niya akong itulak kasama ang naka-hanger pa na dress. Huminga ako nang malalim habang iniisip kung pang-ilan na bang damit ito sa nasukat ko ngayong araw. At lahat ng sinusukat ko, gusto ni Mommy kaya binibili niya agad!

Gaya ng inasahan, binili rin niya ang dilaw na dress dahil bagay raw sa akin. Saan ko naman kaya iyon gagamitin? Hindi ko naman puwedeng suotin 'yon habang nakikipaglaban ako sa mga rebelde.

Gabi na nang nag desisyon si Mommy na umuwi. Gusto kong magpasalamat sa lahat ng engkantong puwede pasalamatan dahil doon. Sa wakas ay uuwi na rin kami at makapagpapahinga na ako.

"Bukas ay maaga ulit tayo, ha."

Napadilat ako nang marinig iyon kay Mommy. Parehas kaming nasa backseat kasama ang mga malalaking paper bag na naglalaman ng mga binili niya. Sumulyap ako rear view mirror at nakita kong napatingin ang driver kay Mommy.

Yes, kuya, naiintindihan kita. Alam kong pagod ka na rin sa mga lakad ni Mommy.

"Bakit? Saan naman tayo pupunta?" tamad kong tanong bago tumingin sa bintana. Napangiti ako nang makita ang iba't ibang kulay ng ilaw na nadadaanan namin. Hindi ko maitatanggi na na-miss ko rin ang lugar na ito kahit papaano.

"Pupunta tayo sa Tita Cecil mo sa Makati. Nalaman kasi niyang umuwi ka na kaya excited siyang makita ka."

"Sino si Tita Cecil?"

"Iyong best friend ko noong college. Huli ka niyang nakita noong twelve years old ka pa lang. Hindi mo na siya naaalala?"

"Hindi."

"Eh 'yong anak niya, naaalala mo pa?"

Nilingon ko siya dahil nahimigan ko ng kakaibigang tinig ang kanyang boses. Tama nga ang hinala ko dahil ngising-ngisi na siya ngayon na animo'y may masamang balak.

"Hindi ko nga naaalala si Tita Cecil, 'yong anak pa kaya niya?"

Lumapit siya sa akin upang ilagay sa likod ng tainga ang takas kong buhok. "Oh, Raffi, tingnan mo ang ginawa sa 'yo ng trabaho mo. Sa sobrang dami mong iniisip, ang dami mo nang nalilimutan."

Stars On Her ShoulderWhere stories live. Discover now