Kabanata 23

3.2K 132 4
                                    

RAFFIELLA

NAGING ABALA ako pagdating ng Lunes. Kinausap ko si Captain Pablo Abad kahapon sa kanyang opisina para magpaalam na hindi ako makapupunta sa baryo Ilat ngayong umaga para asikasuhin ang overall report ng mga sundalong kasama ko sa duty.

Bukod doon, may iba pa akong agenda.

"Kailan kayo kinausap ng mga sundalong tinutukoy ninyo?" tanong ko kay Clara.

Nandito ako ngayon sa kanila, hindi naka-uniporme. Kailangan kong magmukhang sibilyan para walang makahalata sa ginagawa ko. Inayos ko rin ang itsura ko na hango sa pananamit at postura ng mga taong nakatira rito. Naka-bistida, medyo magulo ang buhok, at walang kahit anong kolorete sa mukha.

"Dalawang linggo na ang nakararaan," sagot niya.

Tumango ako at inalala maigi ang detalyeng iyon. Kailangan kong malaman kung sino-sino ang mga sundalong humawak sa kasong iyon last two weeks.

"Naaalala mo ba ang mga mukha nila?"

Umiling si Clara. "Hindi na. Ang naaalala ko na lang ay 'yong sundalong nag-record sa sinabi namin. Isang beses lang siya nagpunta rito pero hindi ko malilimutan ang mukha niya."

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Nakita mo ba ang pangalan niya sa unipormeng suot niya?

"Hindi siya naka-uniporme noong nagpunta siya rito. Naka-itim siya na sumbrero at jacket. Noong una nga'y akala ko hindi siya sundalo pero nang marinig kong ginalang siya ng mga sundalong kasama niya'y roon ko nalaman na sundalo pala siya."

Hindi naka-uniporme? Hindi kami maaaring magtrabaho nang hindi naka-uniporme. Maliit man o malaking trabaho, hindi ito puwede! At isa pa, alam ito ng mga sundalong kasama niya! Bakit wala manlang nagsabi nito sa opisina? Bakit...

Kumuyom ang aking kamao sa matinding frustration. Ang dami-daming nangyaring paglabag na hindi nabigyan ng aksyon! Alam ba ito ni... Captain Pablo Abad?

Hindi na ako nakatiis. Kahit labag sa loob, kinuha ko sa aking bag ang litrato ni Captain Pablo Abad. Ayaw ko sana itong gawin dahil hindi ako handa sa sagot, ngunit dahil sa mga narinig ko, ayaw ko nang patagalin pa ito.

Binigay ko kay Clara ang picture na agad naman niyang tinanggap. Tiningnan niya ito habang nakakunot ang noo.

"S-Siya ba ang sundalong tinutukoy mo?" hirap pa akong itanong iyon dahil sa kaba. Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin ang sagot kung sakaling sabihin ni Clara na si Captain Pablo Abad nga ang lalaking nang-abuso sa kanila.

Matagal tiningnan ni Clara ang picture bago isauli sa akin. Kabado ako habang nakatitig sa kanya ngunit mas lalo akong kinabahan nang umiling siya. Ano ang ibig sabihin no'n? Gusto kong marinig ang sagot!

"Hindi siya ang sundalong iyon."

Hindi ko alam na matagal pala akong hindi huminga para roon. Napapikit ako nang mariin nang maramdaman ang ginhawa sa narinig. Bumalik lang ulit ang kaba ko nang may negatibo na namang sumagi sa aking isipan.

Hindi nga si Captain Pablo Abad ang nakausap nina Clara ngunit hindi ibig-sabihin no'n ay wala na siyang kinalaman dito. Paano nakagalaw ang mga sundalo nang walang utos galing sa kanya? Imposibleng hindi niya ito alam! Lahat ng aksyon namin ay dadaan muna sa kanya. Lahat ng ginagawa namin ay dapat alam niya.

Kaya hindi pa rin dapat ako makampante. Kailangan kong malaman kung sino ang lalaking nakausap nina Clara upang alamin kung may nag-utos ba sa kanyang gawin iyon. Well, alam kong may nag-utos, ngunit sino? Sino ang tao sa likod ng lahat ng ito.

"Bakit hindi mo kasama 'yong teacher magpunta rito?" Napatingin ako kay Clara na ngayo'y nagsasalin ng tubig sa baso. Inabot niya ito sa akin na agad ko namang tinanggap.

Stars On Her ShoulderWhere stories live. Discover now