Kabanata 9

4.5K 197 0
                                    

RAFFIELLA

TINUPAD NI Stefan ang pangako niya. Sa mga sumunod na araw, hindi siya nagtangkang lumakad mag-isa nang hindi ko nalalaman o ng kahit na sinong sundalo sa baryo. Gano'n din ang ginawa ng kanyang mga kasamahan. 

Ang totoo'y ayos lang naman kung aalis sila nang walang sinasabi, basta hindi pa sila nakatatapak sa lugar kung saan sakop namin ang kanilang kapakanan.

Kung sa kalagitnaan ng trabaho'y maisipan nila umalis, kailangan alam namin iyon. Ngunit kung walang pasok at hindi naman magkikita, wala kaming pakialam kung saan nila gusto pumunta. Huwag lang silang lalagpas sa curfew.

"Good morning, Miss Soldier!" bati ni Stefan habang tsine-check namin ang kanilang ID.

Tumango ako at seryosong tumitig sa kanya. "Good morning, Sir Carreon."

Araw-araw kaming ganito. Palaging matamis na ngiti ang binubungad niya sa akin samantalang ako'y wala namang reaksyon. Napagod na ako mainis sa kanya kaya hinayaan ko na lang. Sa tuwing inaasar niya ako'y hindi ko na lang siya pinapansin. Pakiramdam ko nga'y nasanay na ako kaya wala na akong pakialam.

"Tent, guys!" sigaw ni Mac.

"Smile, Miss Soldier! Natatakot na sa 'yo ang mga bata," pang-aasar ni Stefan bago umalis sa harap ko.

Umiling na lang ako at pinagmasdan siyang tumakbo papunta sa mga kasamahang lalaki. Pinagtulungan nila ang pag assemble ng tent, lamesa, at upuan. Sina Lilian at Tessa nama'y gumawa ng diskarte kung paano magiging steady ang mga visuals nila. Masyado kasing mahangin kaya nililipad ang manila paper.

Muling napunta ang tingin ko kay Stefan. Nakikipagtawanan siya habang kinakabit ang mga bakal sa tent. Nag-uumpisa pa lang ang araw ngunit basang-basa na siya sa pawis. Hinahawi lang ng daliri niya ang kanyang noo papunta sa buhok upang pigilan ang pagtulo ng pawis.

Nang mapatingin siya sa puwesto ko'y agad akong umiwas ng tingin. Nilapitan ko na lang ang mga bata na maagang nagsilabasan sa kani-kanilang tahanan para sa klase.

Kaunti lang ang mga bata ngayon dahil sa pista na gaganapin mamayang gabi sa bayan ng San Jose. Wala ang mga teenagers dahil abala sila sa palengke. Mas marami kasing tao ngayon doon dahil bagsak ang presyo ng bilihin sa araw lang na ito.

"Ma'am Raffi," Nilingon ko si Nico Alarcon. Sumaludo muna siya sa akin bago muling nagsalita, "Nakatanggap po ako ng report galing sa mga tropa natin na nagbabantay sa palengke. May isang sibilyan na nagsumbong na nilapitan daw siya ng isang grupo ng mga rebelde upang kunin ang kanyang paninda. Hindi po nila nahuli ang mga 'yon dahil sa dami ng tao kaya nag request po sila sa atin ng back-up upang paigtingin ang seguridad doon."

Napatuwid ako ng tindig. Kung magpapadala ako ng sundalo roon ay kailangan kong kausapin si Captain Pablo Abad para humiram sa kanya. 

Kaunti lang kaming mga officers na nandito sa San Jose kaya siguradong mga trainees ang ipadadala niya roon. Ayos lang sana kung tapos na ang training ngunit hanggang ngayo'y wala pa sila sa kalahati. Hindi sila puwedeng lumaktaw ng course kaya hindi pa sila maaaring isabak sa isang misyon.

Napatingin ako kay Billie na ngayo'y tumutulong sa mga volunteer teachers na igiya ang mga bata papunta sa loob ng tent. Hindi sinasadyang mahagip ng kanyang mata ang aking tingin kaya napatuwid siya ng tindig. Tumango ako dahilan upang iwan niya ang ginagawa at humakbang palapit sa akin.

"May problema ba?" bungad niya.

"Ikaw muna ang mamuno rito," sabi ko sa isang matigas na tinig kaya kumunot ang noo niya. "Pupunta ako sa palengke at tutulong sa mga tropa natin na nandoon. Isasama ko si Alarcon."

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon