Kabanata 46

2.7K 130 8
                                    

STEFAN

HUMIWALAY SA akin si Raffi upang lapitan ang lalaking nakahandusay sa sahig. Naging abala naman ang mata ko sa pagmasid sa buong bahay.

Tatlong monobloc chair, plastic na lamesa, isang unan, banig, kumot, at kulambo lang ang tanging makikita rito sa loob. Walang second floor, pero may isang pintuan naman na sa tingin ko'y papunta sa kusina. Hula ko'y nandoon na rin ang CR.

"Ano'ng ginawa mo kay Barcenal?" Napatingin ako kay Raffi na nakaluhod na sa harap ng lalaki. Pinagmamasdan niya ang katawan nitong puno ng sugat.

"Hindi ba't gusto mong malaman kung sino ang mga sundalong sumusuporta sa mga rebelde?" sabi ni Nico Alarcon sabay hila ng isang monobloc chair at umupo roon. "Siya ang hinahanap mo, Ma'am Raffi. Siya ang nagnanakaw ng mga armas natin upang ibigay sa mga kasamahan niyang rebelde."

Nanlaki ang mata ni Raffi. Agad naman akong gumalaw upang lapitan siya at tingnan ang lalaking walang malay.

Sinubukan kong kilalanin ang mukha nito pero hindi ko talaga makilala. Wala akong natatandaan na nakita ko siya noon sa baryo Ilat.

Tumayo si Raffi upang tingnan nang diretso si Nico Alarcon. "Paano mo nalaman na may mga sundalong sumusuporta sa mga rebelde?"

Hindi ko inasahan ang tanong na iyon. Ang nasa isip ko, tatanungin niya si Alarcon kung paano nito nasabi na si Barcenal ang sundalong sumusuporta sa mga rebelde. Hindi ko naisip na iba pala ang tanong na bumabagabag sa kanya.

"Sinabi ba sa 'yo ni Captain Pablo Abad?" tanong pa ni Raffi.

Umiling si Nico Alarcon at tinukod ang siko sa tuhod bago binaba ang tingin sa lalaking nakahandusay sa sahig. "Noong sinabi sa akin ni Captain Pablo Abad na hindi isang rebelde si Rene, hindi ako pinatulog ng konsensya ko. Alam kong kasalanan ko kung bakit siya namatay. Wala kang kasalanan, Ma'am Raffi. Ako 'yon. Kung hindi ako nagpadala sa galit ko noong araw na 'yon, sana buhay pa si Rene."

Napatingin ako kay Raffi. Seryoso lang ang mukha niya habang nakatingin kay Alarcon.

"Kaya naman nangako ako sa sariling pagbabayaran ko ang kasalanan ko sa 'yo at sa pamilya ni Rene. Noong nalaman ko na nag-iimbestiga ka, gustong-gusto ko na sabihin sa 'yo na isa ako sa mga inutusan ni Captain Pablo Abad para iligpit ang bangkay ni Rene. Kaya lang, natakot ako. Sinabihan ako ni Brigadier General Rowan Española na huwag na huwag akong magsasalita lalo na sa 'yo tungkol sa ginawa niyang pagbayad kina Clara kapalit ng maling impormasyon tungkol sa katauhan ni Rene."

Hinawakan ko ang nakakuyom na kamao ni Raffi. Ramdam ko ang panginginig no'n dahil sa matinding galit.

"Natakot ako na baka tanggalin ako sa serbisyo ni Brigadier General Rowan Española kaya nanahimik na lang ako. Wala akong nagawa kundi panoorin kayong dalawa na nag-iimbestiga." Nagkatinginan kami ni Raffi bago muling balingan si Alarcon na ngayo'y nakatingin na sa amin. "Kaya lang, nagbago ang lahat nang bumalik kayo sa Maynila. Naisip ko, baka puntiryahin ni Brigadier General Rowan Española sina Tatay Andoy at ang pamilya ni Rene dahil wala na kayo sa Elena. Kaya nagdesisyon na akong gumalaw. Kailangan ko silang bantayan para sa inyo."

Nalaglag ang panga ko.

Alam niya ang tungkol kay Tatay Andoy? Paano nangyari 'yon?

Tumingin sa akin si Alarcon. "Pasensya na kung sinundan kita sa covered court noong nakipagkita ka kay Tatay Andoy. Nagduda kasi ako sa mga galaw ninyo ng kaibigan mong guro."

Hindi ako nakapagsalita.

All this time, alam ni Alarcon ang ginagawa ko? Minamanmanan niya ako? Minamanman niya kami ni Raffi? Hindi ako makapaniwala!

Stars On Her ShoulderWhere stories live. Discover now