Kabanata 18

3.7K 158 13
                                    

STEFAN

MAAGA AKO nagising kinabukasan kaya nagpasama sa akin si Tessa mamalengke. Naabutan kasi niya ako sa kusina, naghahanap ng maaaring "iluto" para sa umagahan.

"Ano'ng oras ka pala nakauwi kagabi? Sorry hindi na kita nahintay. Si Lilian na lang ang inutusan kong maghintay sa 'yo." Sinasabi niya sa akin iyon pero sa mga gulay siya nakatingin. Ako ang may hawak ng bayong habang siya naman ang lumalapit sa mga paninda.

"Mga 12 na yata?"

Napangiti ako nang maalala ang nangyari kagabi. Kahit medyo nairita ako dahil doon ako dinala ni Raffi, masaya pa rin ako dahil narinig ko ang tawa niya.

Walang idea si Raffi kung paano ko pinigilan ang sarili ko matulala sa kanya habang nakikita siyang nakangiti. Daig ko pa yata ang nanalo sa lotto noong gabing 'yon. Lihim ko ring hiniling sa mga bituin na sana hindi na matapos ang oras, o kahit huminto manlang sandali. Gusto ko lang magtagal ang ngiti sa labi niya. Gusto ko lang marinig ang mga tawa niya.

Kaya hirap na hirap talaga ako umuwi kagabi. Kung nasa Maynila kami, baka hindi ko na siya pinauwi. Kidding!

"12? Masyadong late na 'yon, ah! Napatagal ka sa headquarters?" aniya sabay tingin sa tindera ng gulay. "Ate, dalawang tali nga po ng Kangkong."

"Hindi naman.." tipid kong sagot habang kagat ang aking ibabang labi.

"Hindi naman? Saan pa kayo nagpunta?"

"May dinaanan lang.."

Nilapitan niya ako para ilagay sa loob ng bayong na hawak ko ang binili niya.

"Salamat po!" paalam ni Tessa sa tindera bago kami lumipat sa kabilang tindahan.

Patingin-tingin siya sa paligid habang naglalakad. Iniisip niya siguro kung ano pa ang mga kailangan niyang bilhin bago kami umuwi.

"Tinanong ka ni Lilian kung bakit ka ginabi?" tanong niya, hindi pa rin nakatingin sa akin.

"Oo. Gano'n din ang sinagot ko sa kanya."

Tumawa siya sabay tingin sa akin. "Iritado ba?"

Inalala ko ang mukha ni Lilian kagabi pagdating ko. Hindi naman siya mukhang iritado kahit kitang-kita ko kung paano siya naalimpungatan nang maglikha ako ng ingay sa pagbukas ng pinto. Nakatulog na siya sa sofa kahihintay sa akin.

"Hindi naman siya mukhang iritado kahit nagising ko siya."

"Hmm, may tanong pala ako."

Inayos ko ang pagbitbit sa mga bayong na dala ko nang maramdaman ang kaunting ngalay. "Ano 'yon?"

"Ano'ng pinag-usapan ninyo nina Mandy at Andres kahapon sa loob ng kuwarto n'yo?"

Hindi ako nakatugon dahil hindi ko matandaan ang tinutukoy niya. Nakatingin lang ako sa kanya gamit ang mga nalilitong mata.

"Hmm, 'di ba pag-uwi natin galing sa baryo Ilat, hinila ka ni Mandy patungo sa kuwarto n'yo ni Andres. Pipigilan ko nga sana kayo kasi bawal iyon. Mabuti na lang nakasunod agad si Andres at sinabihan ako na siya na raw ang bahala."

Ah, naalala ko na! Pinag-usapan namin doon ang kalokohan ni Mandy. Pero bakit gustong malaman iyon ni Tessa? Hindi naman sila close ni Mandy.

"Wala naman. Kalokohan lang.." maikling paliwanag ko.

"Bakit hindi n'yo sinama si Lilian sa loob? Hindi ba kaibigan n'yo rin naman siya sa Maynila?"

Hindi ako nakapagsalita. Mukhang alam ko na kung saan papunta ang usapang ito. Iniisip siguro niya na may secret kami na hindi puwede malaman ni Lilian.

Stars On Her ShoulderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon