Chapter 1

406 40 26
                                    

"Bakit kasi hindi mo pa siya hiwalayan?" Marahan na tinapik ni Laica Labio ang likod ng kaniyang kabigan.

Malapit na ang paglubog ng araw at naritong muli ang dalawang magkaibigan sa abandunadong gusali, sa likod ng palengke. Hindi naman kalayuan sa tabing-dagat.

Dito ang tambayan ng magkaibigan, kahit pa nakakasulasok ang amoy ng malansang isda, na tila sa tuwing hahangin ay lasap na lasap ng baga nila. Pero tila kapag nasasaktan ang puso ay wala na itong pakialam sa paligid.

"Hindi naman 'yan ganiyan kadali. Mahal ko siya kaya paano ako makikipaghiwalay? Hindi ko kayang mabuhay na wala siya sa piling ko." Kahit pa hirap sa pagsasalita si Leizl, nagawa pa rin niyang banggitin ang mga salita na ito. "Hindi mo kasi alam ang pakiramdam nang mawarak at madurog ang puso. Wala ka naman kasing pakiramdam," dagdag nito habang ang mga palad niya ay nakatakip sa kaniyang mukha.

Dahil sa sinabi ng kaibigan ni Laica, may kung anong bagay ang pumasok sa isip ng dalaga. Hindi naman niya magawang magalit, dahil paano nga naman siya magagalit kung wala nga siyang damdamin? Paano niya masasabi ang isang bagay na hindi pa naman niya nararamdaman?

Si Laica Labio, isang simpleng dalaga at isang online seller. Sa hinaba nang buhay niya sa mundo, hindi pa niya naranasan na magkaroon ng nobyo. Hindi niya pa naranasan ang maghugas ng plato nang nakangiti dahil kinikilig. Hindi niya pa nasubukan na kumain na ang ulam ay tuyo, pero hindi maalis ang matamis na ngiti sa labi.

Maging siya ay nagtataka kung bakit nga ba? Bakit nga ba hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nararamdaman ang pag-ibig na nararamdaman ng mga taong nasa paligid niya? Marami ang nanliligaw sa kaniya, pero kahit na anong gawin niya, hindi nito maramdaman ang sinasabi nilang kilig. May mali ba sa sarili niya? Oo, alam niyang maraming mali sa kaniya.

Hindi namalayan ng dalaga na nakatulala na pala siya sa kawalan. Bumalik lamang ito sa kaniyang sarili matapos na kalabitin siya ng kaniyang kaibigan.

"Tara na," aya sa kaniya. Kahit na hindi alam ni Laica kung saan sila pupunta, tumayo pa rin siya.

"Saan ba tayo pupunta?" Hindi na niya napigilan ang sarili na magtanong.

"Pupunta ako sa jowa ko. Miss ko na siya," sagot ni Leizl. Halos mabali ang leeg ng dalaga nang lumingon ito sa kaniyang kaibigan. Kumunot pa ang noo ni Laica. Hindi pa rin maabot ng kaniyang isipan ang ginagawa ng kaibigan niya. Kanina lang ay umiiyak ito dahil nahuli niyang may ka-chat na ibang babae ang jowa niya, tapos ngayon ay atat na makita ulit ang jowa? Weird.

"Akala ko ba galit ka sa kaniya? Ang gulo mo rin kamo."

"Ganito talaga kapag nagmamahal. Kapag nasubukan mo nang magmahal, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko."

Napakamot na lamang si Laica sa kaniyang ulo, dahil sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Bakit ba sa tuwing ganito ang kanilang usapan, hindi na natitigil si Leizl, na sabihing hindi niya maiintindihan ang mga ganitong bagay? Sa kasasabi niya nito, lalo lang tuloy hindi maintindihan ng dalaga ang nais niyang iparating.

"Kapag nagmahal ka at nalaman mo na kung paano masaktan, malalaman mo na rin kung ano ang buhay." Mga salitang tila bumaon sa isipan ni Laica.

Kailangan niyang masaktan upang malaman ang tunay na buhay? Ano naman ang kinalaman ng pagkawarak ng puso sa mga ganitong bagay? Hindi pa ba tunay na buhay ang nasa harapan niya? Mukhang sa mga oras na ito, lalong lumalalim ang isipan ng dalaga, patungkol sa pag-ibig at pagkasawi.

Mabilis na lumilipas ang oras. Hanggang sa makauwi si Laica sa kanilang bahay, iniisip pa rin nito ang sinabi ng kaniyang kaibigan. Tila wala na naman ito sa sarili, para siyang isang bulak na hinahangin patungo sa kung saang mundo na hindi pamilyar sa kaniya.

Pabagsak itong umupo sa sofa. Wala kahit na anong emosyon ang mukha niya. Normal lang ito sa kaniya. Sa totoo lang, kahit nga anong sabihin sa kaniya, walang nagbabago sa itsyura nito.

Mukhang ang anesthesia na itinurok sa kaniyang ina noong ipinanganak siya, sa puso niya nailagay, kaya kahit na anong masasakit na salita ang marinig ng dalaga, walang kahit na anong kirot sa puso nito. Mukhang isa ito sa dahilan kung bakit hindi siya marunong magmahal.

"Anong pinapanood niyo?" Pilit niyang inilihis ang sarili sa tanong na paulit-ulit tumatakbo sa kaniyang utak.

"Nakakaiyak." Mabilis na sagot ng kaniyang ate.

Apat silang magkakapatid at lahat sila ay mga babae. Pangalawa siya at ang lahat ng kapatid niya ay may mga jowa. Tanging siya lang ang ni minsan hindi pa naranasan ang kilig na dulot ng hibang na pag-ibig.

"Ayan na ang nakakaiyak na eksena. Makikipaghiwalay na si Gina kay Marco," saad ni Myla, ang bunso nilang kapatid habang yakap nito ang unan.

Dahil hindi naman naumpisahan ni Laica ang palabas, hindi niya alam kung patungkol ba saan ang pinapanood ng mga kapatid niya. Pero isang bagay lang ang alam niya, love story ito.

Pinilit na lamang ng dalaga na panoorin ang nakakaiyak daw na eksena. Habang tamad na nakasandal at nakahalukipkip. Walang kahit na anong lungkot ang makikita sa mukha nito, habang pinapanod ang hiwalayan ng dalawang karakter. Para sa kaniya boring ang mga ganitong palabas. Bakit ba sila iiyak sa mga ganitong bagay?

"Hindi ka manlang ba naiyak doon, Laica?" tanong ng panganay nila. Dahil sa pagpuna nito sa walang emosyon na dalaga, agad ding napatingin dito ang iba nilang kapatid.

Ang mga mata ni Laica, ay puno ng pagtataka habang nakatingin sa mga kapatid niyang namamaga na ang mga mata sa pag-iyak. Humihikbi rin ang mga ito, na tila nasaktan nang maigi sa kanilang napanod.

"Para namang hindi ka na nasanay kay ate, hindi naman iyan marunong masaktan," saad ng bunso habang nagpupunas ito ng luha. "Manhid naman ang puso niyan. Himala na lang kapag may pumatak na luha sa mga mata niya," dagdag nito.

"Hindi naman kasi nakakaiyak. Malay ko sa inyo kung bakit naiiyak kayo kapag may breakup sa palabas. Hindi naman 'yan dapat iyakan," apila ng dalaga.

Madalas na ganito ang sinasabi niya, kaya hindi na rin nagtataka ang mga kapatid niya. Kahit naman anong gawing paliwanag nila sa kaniya, kung hindi ito nararamdaman ng puso niya, hindi rin nito maiintindihan ang lahat.

Sa mga oras na ito, muling bumalik sa isipan ni Laica ang sinabi ng kaibigan niya. Kailangan niyang masaktan upang lumabas ang tunay niyang damdamin. Paano niya magagawa iyon? Kailangan ba niyang magmahal nang todo?

Mukhang sa dami ng pangarap niya sa buhay, nadagdag pa ang bagay na ito. Ang sakit na ayaw maramdaaman ng iba, mukhang pinapangarap na niyang maranasan ngayon. Ang iniiiwasan ng iba na mangyari sa kanila, nais na maramdaman ng dalaga.

Anong unang hakbang ang gagawin nito? Upang matupad ang pangarap niyang breakup?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now