Chapter 37

27 7 0
                                    

May biglaang kaganapan kaya nausog ang oras na dapat ay magkikita sina Marvin at Laica. Nanganak na kasi ang kapatid ni Marvin at maraming inutos sa kaniya ang kaniyang ina. Mga gamot na kailangan nitong bilhin. Kaya sa halip na tanghali ay inilipat na lamag nila ang date nila ng hapon. Hindi naman din nila ito mapapansin, dahil mabilis na gumagalaw ang kamay ng orasan.

“Aaalis ka na?” tanong ng ina ni Marvin.

“Bibili muna ako ng pagkain ninyo, tapos magkikita kami ni Laica. Pero babalik din naman ako rito para magbantay,” sagot ng binata. Naging plando na ang lahat sa kaniya, hindi niya naman nais na ipabukas pa ang magiging usapan nila ni Laica. May inihanda rin kasi siyang sorpresa para sa dalaga. Hindi man maalala ni Laica, pero ito ang unang buwan nila bilang magkasintahan. Kahit na hindi naman sila opisyal, nais pa rin ng binata na mag-celebrate lalo na at ito ang unang beses niyang makakaranas nito.

Katulad ng pangako ng binata, namili muna siya ng pagkain at ilang mga prutas. Malaki na rin ang pasalamat at naging maayos ang panganganak ng kapatid niya, nasakto pa sa isang espesyal na araw para sa kanila ni Laica. Ngayon din kasi nais ng binata na hingiin ang kamay ni Laica para maging opisyal niya itong kasintahan at hindi lamang para maging isang tauhan sa pananakit dito. Hawak na ngayon ni Marvin ang notebook na ibinigay sa kaniya ni Laica, gusto na niyang ibalik ito at hindi na ituloy kung ano man ang napagkasunduan nila noon.

Hindi maikakaila na isa ito sa matapang na desisyong gagawin ni Marvin. Nasa pagitan siya nang pagtanggap at pagtanggi. Sa kung ano man ang magiging reaksyon ni Laica, tatanggapin at irerespeto niya ito. Mukha lamang talaga siyang masamang tao, ngunit bukal naman sa kalooban niya ang nararamdaman niyang pagmamahal para sa dalaga.

Ilang sandali pa bago sumakay si Marvin sa motor niya, tumunog ang phone niya. Hindi na siya nagsayang pa ng oras at sinagot niya ito.

“Aringking-king ko, anong nangyari?” tanong ni Marvin.

“Nasaan ka na? Mag-iingat ka palagi,” saad ni Laica. Sa mga nakalipas na araw parang nagiging mas maalalahanin na si Laica sa kaniya kaya lumalakas din lalo ang loob ng mokong na umamin. Malakas ang tiwala sa kakayahan ng kaniyang mukha.

“Miss na miss mo naman ako,” pagbibiro na saad nito at may mahina pa siyang pagtawa.

“Basta mag-iingat ka. Hindi maganda ang panahon. Magdala ka palagi ng helmet, ah?”

“Hindi ako mapapahamak, ano ka ba? Naiwan ko sa hospital ang helmet, pero malapit lang naman at walang ibang mangyayari. Magkikita pa naman tayo mamaya. I love you, Aringking-king.” Kahit na maraming tao na nakakakita ay hinalikan pa rin ni Marvin ang cellphone na wari ba’y mahahalikan niya rin si Laica. Bumalik na naman tuloy sa kaniyang isipan ang pangyayari kagabi. Kung paano naging mabilis ang halik ngunit matagal matanggal ang ngiti. Hindi na pala talaga kailangan ng kahit na anong pampaganda, dahil ang pagiging in-love ay nakakaganda na ng araw. Mas lalo pa siyang nakakaramdam ng kilig kahit na wala na silang makain.

“I love you.”

Sa unang pagkakataon, ito ang unang beses na narinig ni Marvin si Laica na magsabi sa kaniya nito. Mahina man ang boses ngunit malinaw sa pandinig niya ang mga salita na iyon. Hindi na nga siya nakaapila pa dahil sa pagpatay kaagad ni Laica ng tawag.

“Narinig niyo ‘yon? Mahal niya rin ako!” sigaw ni Marvin. Ang mga nakakakitata naman sa kaniya ay napapataas na lang ang kilay. Wala namang may pakialam sa nararamdaman niya, pero sige lang sa pagsigaw. Mas lalo tuloy siyang naatat na makita si Laica.

Hinilot pa ng binata ang likod niya bago niya sinimulang paandarin ang makina. Ayaw na niyang mag-aksaya pa ng kahit na anong oras para maipagtapat kay Laica ang lahat. Ramdam niya na kahit na katiting ay kaya niyang mapasagot ito.

Ngunit hindi umaayon sa lahat ang tadhana.

Isang nakakabulabog na sigaw ang umaagaw sa pansin ng binata. Kasabay ang mabagal na tugtugin ay ang paglingon ni Marvin. Sa mga sandalling ito ay naging maikli ang bawat segundo kasabay ay ang napakabigat na pagtunog ng isang bangaan. Hindi na nagawa pang makalayo ni Marvin dahil sa kinalalagyan niya mismo rumaragasang nagtungo sa isang truck. Sa lakas ay nakaladkad siya nito at tuluyang nagpinta sa katawan niya ang kaniyang sariling dugo.

Unti-unting nagdidilim ang maliwanag na kalangitan. Ang ingay sa kapaligiran ay wala nang patutunguhan. Walang maintindihan. Bumibigay na ang mga mata ng binata, habang ang pag-asang bitbit niya na baka sakaling mahalin pa siya ni Laica ay mawawala na rin. Nakadagan ang mabigat na pasanin ng tadhana.

Marahan na inangat ng binata ang kamay niya patungo sa kaniyang dibdib, mula roon ay nakapa niya ang singsing na nakalagay sa bulsa ng damit niya. Ang mga alaala ng nakalipas na buwan kasama si Laica ay tila ba isang mabilisang bumalik sa kaniya.

Ang boses, ang mukha, ang haplos at ang halik. Sa huling pagbitaw sa salitang hindi naitanong, tuluyan na ring maninimdim ang liwanag sa puso.

Hindi manlang siya nabigyan ng pagkakataon na maamin ang lahat. Maraming pagkakataon, ngunit sa naisipan pa niyang sandali ang magiging huling beses na rin.

Tuluyan nang pipikit ang mga mata ni Marvin. Hindi ito ang klase ng sakit na nais ibigay ni Marvin para kay Laica. Paano pa niya magagawang ipadama sa babaeng mahal niya ang pakiramdam ng pag-ibig kung siya ay tuluyan nang bibitaw?

Sasakupin na ng kadiliman ang bawat pag-asa. Ang masakit na pagkawarak ng puso ay magiging isang mitya ng damdaming maibibigay.

Hanggang sa huling salitang naririnig ni Marvin, ito ay ang huling salita ring sinabi sa kaniya ni Laica.

Bibitaw na sa huling paghinga.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Место, где живут истории. Откройте их для себя