Chapter 4

145 18 29
                                    

"Hindi po siya pumasok ngayon. Hindi namin alam kung nangyari sa kaniya, pero bigla siyang nilagnat kahapon. Mukhang napagod ata," saad ni Mario, ang isang rider ng J&BC. "Tapos naman na po ma'am no? Marami pa kasi akong kukunin sa ibang seller," dagdag nito. Bago pa man magsalita si Laica, agad na ring umalis ang rider.

"Mukhang nilagnat dahil sa pag-aya mo sa kaniyang maging jowa? Gwapo ba siya?" Intriga ni Leizl.

Makulimlim ang langit ngayon at may kalamigan ang hangin. Marami pa ring bata ang nagtatakbuhan sa labas. May mga bata na halos kawkawin na ang tubig-kanal, habang ang mga magulang nila ay nagkukumpulan at may pinag-uusapang isang kapit-bahay. Mukhang pinag-uusapan nila ngayon ang anak ni Susan, na kauuwi lang galing sa bahay ng kaklase.

"Ano na? Gwapo ba siya?" Parang asong naghahanap ng makakain si Leizl. Ang labi nito ay nakauwang habang ang mga mata ay nakatingin sa kaibigan at nag-aabang ng magiging sagot nito.

"Mukhang mabait naman siya at masipag." Walang buhay na sagot ni Laica at marahan na tinalikuran ang kaibigan upang pumasok sa loob ng bahay.

"Magtatanghalian na. Alam kong dito ka kakain, kaya dinamihan na ni mama ang niluto na kanin," wika ng dalaga.

"Grabe ka naman, parang sinabi mong malakas akong kumain."

"Ang sabi ko, nagdagdag lang ng kain, hindi ko sinabing malakas kang kumain." Dahil sa sinabi ng dalaga, saglit na napatigil si Leizl. Marahan pa itong umupo sa sofa, habang ang isip ay lumilipad.

Wala nga namang sinabi sa kaniyang malakas siyang kumain. Mukhang sa mga oras na ito ay nagkakaroon nang kaunting hiya si Leizl, pero kaunti lang naman, hindi pa ganoon katodo para hindi niya araw-arawin ang kaibigan na dalawin, upang makikain.

"Maliligo muna ako, nagluluto pa naman si ate ng ulam," paalam ni Laica.

Ngayong araw, lima lang silang kakain ng tanghalian. Ang dalawang kapatid ni Laica ay nasa bakasyon, kasama ang mga jowa nila. Ang tatay naman ni Laica, nasa trabaho.

Dahil isang dakilang kalyo na buhay si Leizl, binuksan pa nito ang tv at itinaas ang paa sa sofa. Nakatutok pa sa kaniya ang electric fan. Buhay prinsesa ang dakilang dukha.

Ilang sandali pa ay dumating ang nanay ni Laica. May katandaan na rin ito, pero hindi maikakaila ang gandang taglay nito noong kabataan niya.

"Hello tita, andito po ulit ako," bati ni Leizl, pero mukhang hindi manlang nakitaan ng gulat ang mukha ng nanay ni Laica.

"Paampon ka na lang kaya sa amin?" Biro ni Mayin–ang ina ni Laica.

"Si tita talaga, baka kapag 'yan tinotoo ko, lilipat na talaga ako rito." Hindi mawari kung seryoso na ba si Leizl sa biruan, dahil mukhang nag-upgrade na ang kakapalang taglay nito. Libreng pagkain at libreng tirahan na rin ang kaniyang nais.

"Kumusta na pala kayo ng boyfriend mo? Kayo pa rin ba?" Habang tinatanong ito ni Mayin, marahan din siyang umuupo sa sofa, katabi ni Leizl.

"Opo."

"Ang akala ko ay break na kayo noong isang araw?" Kumunot ang noo nito at napatingin sa kausap na hanggang ngayon ay sa telebisyon pa rin nakatingin. Kanina pa ang lipat ng channel at tila ba walang mahanap na magandang palabas. Kung humawak ng remote, ang akala mo ay may ambag siya sa bill ng kuryente.

"Nagbalikan na po ulit kami."

"Ang bilis naman ata? Hindi ba sabi mo, ayaw mo na talaga?"

"Si tita talaga, syempre joke ko lang po "yon. Pwede bang ayawan ko siya? Ang pogi niya kaya." Parang bulati na naasinan si Leizl, dahil sa likot nito sa kaniyang kinauupuan.

Bago muling magsalita si Mayin, napabuntong-hininga muna ito. "Hindi dapat ganiyan Leizl. Hindi dahil gwapo ay hahayaan mong saktan ka lang n'ya. Tingnan mo ang sarili mo. Sinasayang mo lang ang pagmamahal mo para sa isang lalaking hindi nakikita ang halaga mo. Mas kaya niya pa nga atang makita ang halaga ng sapatos, kaysa sa 'yo." Hindi naman ito ang oras para sa pagbibigay ng payo, pero hindi na napigilan ni Mayin na bigyan ang dalaga.

"Ayos na po ako tita, huwag kayong mag-alala sa akin. Makikita rin ni Peiter ang halaga ko. Bibigyan ko siya ng maraming pagkakataon, hanggang sa makita niyang karapat-dapat ako sa pag-ibig niya. Saka ayos na po iyon na gwapo ang mananakit sa akin, kaysa naman po sa pangit." Natatawang saad ni Leizl.

Hindi na mabilang sa daliri kung ilang beses na ba nilang napag-usapan ang ganito. Ilang beses na rin siyang napagsabihan, pero ang palagi niyang sinasabi ay sayang ang kagwapuhan ng kaniyag boyfriend, kung susukuan lamang niya ito. Sa gwapo ni Peiter, ayos lang na saktan siya nito. Mukhang hibang na nga si Leizl, dahil mas nanaisin pa niyang mawala ang sarili niya, kaysa ang lalaking gwapo.

"Nasaan pala si Laica?" Iniba na lamang ni Mayin ang usapan, dahil alam niyang kahit pa maubos na ang buhok niya sa ibaba, hindi siya pakikinggan ng dalaga.

Walang naririnig ang isang bingi sa katotothanan, parang isang bagay na hindi kayang makita ng nagbubulag-bulagan.

"Naliligo po siya, pero sabay na lang po kaming kumain. Luto na po ba ang ulam, tita?" Sa tanong na ito, dito lang nagawa ni Leizl na balingan ng tingin ang kaniyang kausap.

"Paluto pa lang naman," sagot ng ginang.

"Tita, saan niyo po ba pinaglihi si Laica at ganoon siya?" Biglang tanong ng dalaga at muling bumalik sa pinapanood nito.

"Anong bakit gano'n siya?" Halata sa boses ni Mayin na tila naguguluhan siya.

"Bakit wala siyang pakiramdam. Gusto ko rin po kasi ng gao'n. Hindi nasasaktan." Mahina lang ang pagkakasabi ni Leizl, ngunit sasapat upang marinig ng kausap niya.

"Hindi naman nakukuha sa paglilihi ang ganiyan. Siguro may ganyan sa lahi namin."

"Kung anu-ano na ang tinatanong ko, baka po gutom lang ito. Bakit ang tagal magluto ni ate? Kanina pa siya dapat po nagluto ng pananghalian, 'di ba?"

Heto na naman ang kakapalan ng mukha ni Leizl. Umuusbong na naman. Siya pa ang may lakas ng loob na magtanong kung bakit huli na atang nagluto ang ate ni Laica. Mabuti na lamang talaga at mabait sa kaniya ang pamilya ni Laica, na kahit dito siya makikain palagi at walang ambag, hindi siya pinapalayas.

"Paluto na rin 'yon. Puntahan mo na lang si Laica, babalik lang akong kusina. Sabihan mong bilisan niyang maligo at kakain na," saad ng ginang at marahan pa itong tumayo. Hindi na niya hinintay pang magsalita si Leizl.

"Si tita naman, inutusan pa akong tawagin si Laica. Nagugutom na nga ako," saad ng dalaga sa kaniyang sarili.

Kung may paligsahan sa pagiging makapal ang mukha, parang si Leizl na ang mananalo roon. Ang simpleng utos na pagtawag sa kaniyang kaibigan ay naging isang katamaran pa sa kaniya. Kawawang nilalang.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon