Chapter 28

37 10 2
                                    

"Ang kapal talaga ng mukha ni Deputa no? Ang sarap n'yang balatan ng buhay tapos isampay.” May halong panggigigil sa boses ni Leizl habang halos durugin na rin niya ang talong na binibili nila.

“Tangina, wag mo namang pigain 'yan. Mukha bang ano ng jowa mo 'yan? Nilalamog mo lang 'yan ate,” saway ng tindera. Umiiling pa ito habang nagkakamot sa ulo.

“Bibilhin ko na 'yan. Magkano ba lahat?” Malamig ang tingin ng dalaga. Dahil na rin sa ganitong asta, parang natatakot ang babaeng tindera sa kaniya. Paano ba naman kung tumingin si Laica sa kaniya parang bigla na lang siyang gigilitan sa leeg. Pero suwerte pa rin ang tindera, wala nga pala siyang leeg.

“Maganda panahog sa gulay, baboy no?” Si Leizl na ang nagtanong.

“Oo. Masarap isahog ang taba ng baboy,” sagot ng dalaga, ngunit ang tingin niya ay deretsyo lang sa tindera.

“Ito na; 235 lahat 'yan. Umalis na kayo, parang mas gusto niyo pa akong ipanahog sa ulam niyo,” saad ng tindera na may panginginig pa ng kamay na inabot nag plastik.

“Fresh na baboy kailangan namin, mukha kang maasim.”

Naiwang tameme ang tindera nang sabihin ito ni Laica. Hindi naman na rin nag-abala pa ang dalaga na magdagdag ng sasabihin, dahil si Leizl naman na ang nagpatuloy. Bida-bida kasi mas'yado ang babaeng 'to, kailangan kapag may sasabihin si Laica, may sasabihin din siya.

Hindi gano'n karami ang tao sa palengke. Mas marami ang tao nito bandang alas-kuwatro at uwian ng mga empleyado. Kaya nga ngayong tanghali naisipan ng ni Laica na mamalengke para sa pagkain nilang magkaibigan.

Wala ngayon ang mga kapatid ni Laica at ang mga magulang nito. Nagpunta ang mga 'to sa family gathering na ginanap sa kabilang lalawigan. Dahil hindi naman mahilig makipagplastikan si Laica sa mga kamag-anak niya, hindi na siya sumama. Dalawa o tatlong araw na silang magkaibigan lang ang magkasama. Kung si Laica lang sana sa bahay, kahit na lutong ulam lang sa labas ang bibilhin, pero dahil kasama niya ang hampas-lupang sampid na si Leizl, at ubod ng arte na wala namang ambag. Kailangan niyang paglutuan ito.

“Parang masarap mag-ulam ng sinigang na baboy kapag umaga no? Luto ka naman no'n. Ay, hindi, alam ko na kung anong pagkain natin. Paano kaya kung—“

“Mag-aral ka magluto?” Putol ni Laica sa dapat na sasabihin ng kaibigan niya.

“Saka na 'yan kapag mag-aasawa na ako. Hindi pa naman kami magsasama ni Joshua. Madali lang pag-aralan 'yan,” katwiran ng dalaga. Hindi na talaga siya nauubusan nang katwiran sa katawan. Kung ilang beses siyang niloko ng nobyo niya, gano'n naman din karaming beses niyang kinakatwiran ito sa kaibigan, kapag gusto siyang turuan na magluto.

“Edi wag ka maghanap ng ibang pagkain kung di ka naman nagluluto.”

Humalukimkip si Leizl. “Oh, edi don't.”

Sa pananalita pa lamang ni Leizl ay mapapansin na nagpapasuyo ito, lalo pa ngayon na hindi na rin siya nagtutuloy na magdaldal. Ngunit wala namang pakialam sa kaniya ang kaibigan niya kahit na mamatay pa siyang nagtatampo. May iisang paninindigan at prinsipyong pinanghahawakan si Laica. Hindi raw siya pinanganak para lang manuyo. Well, tama naman din siya.

Say no to suyo. Mamatay na lahat ng nagtatampo.

“Ate magkano isang kilo rito sa liyempo?” tanong ni Laica.

“450 pesos na lang ganda.”

“Ang mahal pala.”

“Kaya nga ganda. Sana all mahal no? Ikaw, mahal ka ba niya?”

“Hindi ako nakikipagbiruan ate.”

Dahil sa sinagot ng dalaga, natahimik na lang ang tindera. Halata naman din sa mukha ni Laica na hindi uso sa kaniya ang pagbibiro.

Magbiro ka na sa lasing at bagong gising, wag lang sa taong hindi minahal.

“Ate pabili akong kalahating kilo po rito.” Isang babae ang sumingit sa pagbili ni Laica, dahil dito agad siyang napalingon sa gawing kanan. Nang makita niya ito, napatingin siya sa kaibigan niya.

Hindi nila maaaring makalimutana ang mukha ng babae na ito. Halata ngang bata pa masyado para lang maging asawa ni Marvin.

Ika nga ni Leizl; Matinik ang bangkay na Deputa.

“Miss, ilang taon ka na?” tanong ni Leizl, nais pa sana siyang pigilan ng kaibigan pero intermitida siya mas'yado.

“Po? 18 years old po. Bakit, ate?” Mababakas ang pagtataka sa mukha ng dalaga.

Saglit na napatingin si Leizl sa kaibigan niya na walang imik sa gilid. “Ang bata mo pa pala. Mukhang manganganak ka na no? Kamusta naman kayo ng asawa mo?” intriga ni Leizl. Para talaga siyang kalahi ng mga Marites. May future ito. Future chismosa.

“Okay naman po?” May pagtataka sa sagot niya. “Bakit niyo naman po naitanong? Kilala niyo po ba ang asawa ko? May nagawa ba siya?”

“Ang mga lalaki talaga mga manloloko, pero sana maging masaya na kayo. May mga hindi talaga akalain na magaganap.” Siniko na ni Laica ang kaibigan, ngunit hindi pa rin ito nagpapatinag.

“Ano po bang sinasabi niyo?”

“Sa asawa mo na lang itan—“

“Babe, bakit ang tagal mo? Kanina pa ako nag-aabang sa tricycle.” Isang boses ng maton na lalaki ang nagpatigil kay Leizl sa dapat nitong sabihin. Sa sitwasyon na ganito, lahat sila ay napatingin sa lalaki. Parang kapag ginalit itong lalaki kaya silang ibalibag  balikan mula kisame hanggang kailaliman ng impyerno. Gano'n ang nakikita ni Leizl sa wild imagination niya. Utak talaga nito.

“Kinausap kasi ako nina ate. Kilala mo ba sila?” tanong ng babae at itinuro pa silang dalawa.

“Hindi. Sino ba mga 'yan? Hoy, sino ba kayo?”

“H-ha? Ah...ano.” Napalingon si Leizl sa kaibigan niya na mukhang wala rin namang alam sa nangyayari.

“Parang kilala niyo siya kanina. Di ba tinutukoy niyo ang asawa ko?” Nagsalita muli ang babae, dahil mukhang nagbuhol na ang dila ni Leizl.

"Siya ang asawa mo? Hindi si Marvin?” Deretsyo at wala na ring ligoy-ligoy pa na tinanong ito ni Laica.

Umalog ang balikta ng lalaki. Kahit na tumatawa ito, bakas naman din na may parteng nakakatakot sa kaniya.

“Si Kuya Marvin? Kapatid ko lang po 'yon.”

Tila ba isang bomba na sumabog sa harapan nila ang mga salitang narinig nila. Halos sumayad na sa sahig ang bibig ni Leizl dahil sa laki ng buka nito.

Isa nanamang maling hinala ng mga babae ang naitala sa kasaysayan. 

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon