Chapter 6

72 10 0
                                    

"Ang dami mong orders ngayon." Hindi maalis ang pamamangha sa mukha ni Leizl, habang tinutulungan ang kaibigan sa mga pa-order nito. "Halos araw-araw ganito karami ang pinapadala mo. Wala ka bang natatanggap na award?" dagdag nito at natawa pa.

Sa tuwing narito siya sa bahay ng kaibigan, palagi na lamang silang nag-aayos ng mga pa-order nito. Palagi ring tambak ang kaibigan na halos daganan na ng mga parcel. Ang shop ni Laica sa isang online shop ay talagang sikat. Dahil bukod sa maganda ang quality ng mga tinda niya ay mura pa. Nagpapaulan din ito ng freebies na dahilan upang dagsain siya ng mga customers. May pinagkukuhanan ng items si Laica, kaya sa mababang halaga niya ibinibigay ang mga tinda.

Maliit lang ang pinapatong ni Laica sa mga tinda nito. Dahil mas naniniwala siyang sa paunti-unti niyang kita, kapag dumami ito at pinagsama-sama mas malaki ang kalalabasan.

"Sino kaya ang kukuha ng parcels mo? Sana 'yong lalaki na tinutukoy mo. Para naman makita ko kung gaano ito kagwapo." Patuloy na pagsasalita si Leizl. Panay ang kuda, habang ang kaibigan niya ay patuloy din naman sa paglilista at pag-check kung tama ba ang mga ipapadala niya ngayon.

Ilang saglit pa. Tumunog na ang cellphone ni Laica. Dahil abala ang dalaga, ang pakialamera nitong marupok na kaibigan ang sumagot.

"Yesh, hello?" Maarte nitong tugon sa kausap.

"Nasha labash ka na? Wait lang po, palabash na kami. Ehe!" Dahil sa pag-iinarte nito, kumunot ang noo ng kaniyang kaibigan at ibinaba ang papel na hawak.

"Bakit gano'n ka magsalita?" tanong ng dalaga.

Pinatay muna ni Leizl ang tawag, inayos ang buhok bago ito sumagot. "Gano'n dapat ang salita mo kapag nakita mo na ang lalaking gusto mong warakin ka. I mean warakin ang puso mo."

Mukhang naniniwala na si Laica sa kaniyang hibang na kaibigan. Tinuturuan kung paano lumandi ang dalaga.

"Paano ba iyon?" Parang isang bata na nais matuto ng mga bagong bagay si Laica.

"Sabihin mo lang muna na. Enebe, eng pege mo kyaa. Bilis, sabihin mo." Nawiwirduhan na si Laica sa pinaggawa ng kaniyang kaibigan.

"May epekto ba 'yan para magustuhan ng isang lalaki?"

"Oo. Kaya bilisan mo na. Subukan mo na. Andyan na ang rider, para kapag siya 'yon, push na push na tayo," ani Leizl.

"Paano ulit? Enebe, eng pege–ano ba 'yan. Parang na stroke naman ang bibig ko. Tara na nga, ang pangit ng pinapagawa mo sa akin." Dahil sa sinabi ng dalaga, hindi na napigilan ni Leizl ang matawa.

"Bakit kapag sa 'yo, para kang tanga? Ang pangit mong ka bonding, hindi marunong lumandi."

Hindi na natigil si Leizl sa pagtawa. Kahit pa man marami na silang bitbit na parcel palabas ng bahay. Pero pinabayaan na lamang ito ng kaibigan, may pagkakataon talagang baliw itong kaniyang kaibigan. Siguro nasa panahon ito ngayon na pinapairal ang kahibangan.

Naunang lumabas si Leizl, habang siya ang nag-aabot sa rider; si Laica naman ang nasa loob upang iabot sa kaibigan ang mga parcels. Kapit-bisig lang para sa ekonomiya.

"Kuya, bakit wala iyong delivery rider na pogi?" Deretsyong tanong ni Leizel sa lalaki.

"Ma'am, ako na po ang pinakapogi sa J&BC Express. Nasaan na pala 'yong magandang babae sa bahay na 'yan? Bakit ikaw ang nag-aabot? Parang sumasama tuloy ang panahon." Pabiro lang itong sinabi ni Marvin, pero mukhang sineryoso ni Leizl.

"Che! Maganda kaming magkaibigan. Excited pa naman akong lumabas dahil akala ko ikaw 'yong–"

"Leizl, hindi ka na pumasok sa loob. Kanina ko pa dapat ito naiabot sa 'yo." Isang salita ang nagpatigil kay Leizl sa dapat niyang sasabihin.

Dahil sa pagsasalita ni Laica, isang malamig na hangin ang pumagitna sa kanila. Habang bitbit nito ang mga parcel, tila nagliliwanag ang ganda niya sa harapan ni Marvin. Ang paligid ay may isang magandang awitin na kay sarap pakinggan sa puso. Ang langit ay tila nagbabagsak ng mga magagandang bulaklak habang palapit ang dalaga sa kaniya.

"Akin na po, baka mahirapan kayo. Ang mga gwapo, dapat gentleman." Dali-daling lumapit si Marvin sa dalaga upang kuhanin ang parcel. Si Laica naman ay lumakad palapit sa kaibigan nitong parang binagsakan ng langit at lupa.

"Wala, hindi pa rin ang lalaking hanap mo ang dumating." Dismayadong wika ni Leizl.

"Anong hindi? Siya kaya 'yan."

Ang mga salitang binitawan ni Laica ay tila isang bombang sumabog sa harapan ng kaibigan. Agad na napauwang ang bibig nito at halos mabali na ang leeg sa paglingon.

"Ito? Itong lalaki na ito ang gusto mong maging boyfriend? Mahabagin! Sa dami ba naman ng babalakin mong wawarak sa puso mo, isang engkanto pa na naapakan ng kapre ang mukha? Hustisya naman, Laica." Malakas ang pagkakasabi ni Leizl nito, dahilan upang mapatigil si Marvin sa kaniyang ginagawa.

"Grabe ka namang magsalita. Ang gwapo ko tapos gan'yan ka? Dahil ba hindi kita mapansin? Sorry miss, pero I'm busy. A damn busy handsome." Habang sinasabi ito ng binata, hinahagod din niya ang kaniyang buhok. Kinindatan pa nito si Laica.

Ito na nga ba ang lumabas sa hula, noong ipinatak ang kandila sa tubig. May isang nilalang na lalakas na naman ang kumpyansa sa kagwapuhan niyang taglay.

"Kadiri. Hanap ka na lang ng iba, Laica. Bakit sa lalaking 'yan pa?" Umirap si Leizl.

"Bakit? Wala namang masama ah? Ano naman kung mukha siyang engkanto na naapakan ng kapre? Kahit na mukha pa siyang utot na may mukha? Kung makakatulong naman siya sa akin." Walang kahit na anong emosyon ang mababakas sa mukha ni Laica, habang itinuturo ang binata.

"Grabe naman. Mas masakit pa ang utot na may mukha. It really hurts. It really freaking hurt. My damn feeling right now. Ouch!"  Umiiling-iling ang binata at agad na pinaandar ang kaniyang motor.

"Akala ko lahat ng lalaking nagsasalita ng English ay gwapo, mali na naman pala ako," ani Leizel, habang patuloy din ng pag-iling.

"Umalis na agad siya. Siguro dapat sa trabaho nila ako magpunta? Ano ba sa tingin mo?"

"Ang sa tingin ko? Hindi talaga maganda ang plano mo. Ang pangit nang gusto mo, kasing pangit ng rider na 'yon." Tinapik lamang ni Leizl ang balikat ng kaibigan bago pumasok sa loob ng bahay.

Sa mga bagay na nangyari ngayon. Paano pa magagawan ng paraan ni Laica na maisakatuparan ang kaniyang pangarap na breakup? Sayang naman ang mga eksena na nabuo sa kaniyang utak kung hindi naman ito mangyayari.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now