Chapter 35

24 7 0
                                    

“Talaga bang nobya mo ito, Marvin? Mahabagin! Hindi ka ba gumagamit ng itim na mahika?” Napa-sign of the cross pa ang ina ni Marvin habang nakatingin kay Laica. Wala ngayon ang mga kapatid ni Marvin, dahil ang sabi ng ina ng binata ay may feeding program na pinuntahan ang mga ito tapos ang mag-asawa naman ay bumili ng mga gamit para sa baby.

“Grabe ka naman sa akin, nay. Mukha bang nanggagayuma ang gwapo ninyong anak?” Pinagmamalaki pa ng binta ang kaniyang bagong gupit na buhok.

Umiling ang ginang. “Hindi naman sa gano’n. Ang pinagtataka ko lang, paano nangyari 'to? Para siyang prinsesa sa isang kaharian tapos isa ka lang lata na sinisipa.”

Ngumisi si Laica matapos na marinig ito, ngunit kaagad naman din niyang inalis upang hindi mapansin ng binata. Sa dami nang joke na narinig niya ito na ang pinakamalala.

“Bakit palagi n’yong sinasabi na gwapo ako?”

“G'wapo ka sa paningin ko. Gwapo ba siya sa paningin mo, ija?” Ibinaling nila ang tingin kay Laica. Mahinahon namang ibinaling ng dalaga ang kaniyang tingin sa nobyo.

“Para po sa akin ay napalaki niyo nang maayos ang anak niyo,” sagot nito na dahilan upang mapatampal si Marvin sa kaniyang noo.

“Mabait talaga 'to. Maraming salamat at napagt’yagaan mo ang anak ko.” Kung umasta ang ginang para bang maging siya ay hindi alam kung anong klaseng hangin ang nasinghot ni Laica para lang mahalin nito ang binata.

“Sandali lang at ikukuha ko kayo ng maiinom,” paalam ng ginang. Hindi na rin niya hinintay pa ang dalaga na sumagot bago ito dali-daling umalis.

Ang mga mata ni Laica ay gumala sa loob ng bahay. Napansin niya ang iilang mga agiw na tinirhan na rin ng mga nakaraang kaluluwa. Mukhang ang mga lamat sa kahoy na pader ay kayang maging saksi sa tunay na kasaysayan ng bansang Pilipinas. May mga bungi rin ang ilang upuan at mga palamuti sa bahay. Ang isang telebisyon na hindi nakabukas ay may tinidor sa itaas. Iisa lang ang kayang ipaliwanag. May kahirapan ang buhay ni Marvin. Pero wala naman itong magiging mali sa kung ano ba ang nararamdaman niya para sa lalaking ito.

“Sorry ah. Ito ang dahilan kaya ayaw kitang dalhin dito. Gusto ko sana na maayos na muna ang buhay ko at ang bahay namin bago kita dalhin dito,” paliwanag ng binata na hindi naman din hinihingi ni Laica.

“Wala ka naman dapat na ikahiya sa ganitong buhay. Ang mahalaga ay may pamilya ka at masaya kayo,” sagot ni Laica.

Kumunot ang noo ni Marvin. “Alam mo may napapansin na ako sa ‘yo kanina pa.”

Saglit na tumalon ang puso ng dalaga matapos niyang marinig ang mga salita na ito.

“Huh?” Pilit na ibinabalik ni Laica ang sarili niya sa kung ano ang unang nakilala ni marvin.

“Parang may sakit ka. Alam ko naman na tahimik ka talaga, pero may kakaiba talaga.” Sinuri pa ng binata ang mukha ni Laica.

“Baka naman sa ‘yo lang ang tingin na ‘yan? Wala namang naging bago sa akin.”

Ilang segndong katahimikan bago sumagot si Marvin. “Siguro nga. Hayaan mo na.”

“Hindi pa ba babalik ang mga kapatid mo para naman makilala ko sila?”

“Hindi pa ‘yan. Baka nga si nanay aabutin pa siya ng gabi sa labas,” may mahinang pagtawa sa boses ni Marvin habang sinasabi niya ito.

“Ang sabi niya bibili lang siya, 'di ba?”

“Naku, ganyan ‘yan. Pero ipagkakalat na n’ya 'yan sa mga kapit-bahay na nagdala ako ng babae rito sa bahay at gan’yan pa kaganda sa ‘yo.”

Lumingon si Laica upang tumingin sa labas. Mukhang tama nga si Marvin, dahil para siya isang artista na pinagkakaguluhan ng mga tao.

“Bakit? Anong mga babae ba ang dinadala mo noon? Baka kaya ganyan sila dahil iba-ibang babae ang dinadala mo sa bahay niyo?” Ibinalik ang tingin kay Marvin.

“Grabe ka naman sa akin. Alam mo kahit na sobrang pogi ko, hindi ako nagdadala ng ibang babae sa bahay. Sa katunayan nga…” Hahawak sa batok si Marvin. “Ikaw lang ang masuwerteng babae na nakapunta sa bahay namin.”

“Halata nga, e. Wala naman din atang sasama sa ‘yo kasi mukha kang holdaper.” Ito ang bagay na hindi mawawala kay Laica. Tagos sa apdo ni Marvin ang mga salita na ito.

“Sobra naman.”

Tunay naman ang sinabi ni Marvin, tanging si Laica lang ang babaeng kaya niyang ipakilala sa kaniyang ina, dahil ito ang babae na nakikita niyang kaya niyang mahalin hanggang sa huling hininga niya. Wala pa naman siyang balak na magkaroon ng karelasyon, sadyang naging biglaan na lang din ang lahat. Ang pagpayag niya noon kay Laica ay para na rin masubukan niya ang magkaroon ng nobya, hindi lang din nila parehas na akalaing magkakaroon na rin pala ng totohanan. Para kay Marvin mahirap ito, dahil iisa lang naman talaga ang hangad ni Laica, ito ay ang maging normal na siyang tao na marunong makaramdam.

“Ano palang gagawin mo bukas?” tanong ni Marvin. Wala na silang mapag-usapan, ayaw naman niya na tumahimik lang silang dalawa.

“Wala naman akong ibang gagawin. Wala naman kaming live selling bukas at 'yong mga parcel ay naipadala ko na kanina,” sagot ng dalaga. Ito ang maganda sa kaniyang trabaho, na kahit na mahirap ay kaya niya pa rin hawakan ang oras niya.

“Ayon pala, sakto. Sunduin kita bukas ng alas tres ng hapon."

“Bakit?”

Hindi muna sumagot si Marvin. May itinago siya sa mga ngiti niya. Pinipigilan ang sarili na huwag munang sabihin kung ano ba ang kaniyang tunay na balak.

“Gusto lang kitang maka-date. Alam mo na, miss na miss naman kita palagi.”

“Iyon lang?”

“Oo naman. Bakit? May iba ka pa bang inaasahan? Hindi pa ako handa. Hindi ko pa kayang ibigay ang katawan ko.” Niyakap ni Marvin ang katawan niya na para bang siya pa ang pinagnanasahan.

“Wala naman akong ibang inaasahan. Isa pa, hindi naman ako nagbebenta ng lamang loob para magkaroon ako ng interes sa katawan mo.” Dahil sa sinabi ni Laica, ang tumawa ay iyong mga tao na nakikinig sa kanila sa labas. Naging isang comedy movie na ang bawat eksena. Mas naging kaabang-abang pa ang love story nila kaysa sa mga loveteam na nasa telebisyon. Dapat na bang kabahan ang Kathniel?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Onde as histórias ganham vida. Descobre agora