Chapter 3

160 20 23
                                    

"Seryoso ka? Bakit sa dami ng dapat mong isipin, 'yang bagay na 'yan pa?" Hindi lamang sa boses ni Leizl, bakas ang pagkagulat. Dahil maging sa mukha nito, hindi maikakaila na nabigla siya sa mga sinabi ng kaniyang kaibigan.

Narito siya ngayon sa bahay nina Laica, nakikikain. Nangungupahan lamang siya sa ikatlong kanto mula sa bahay ng kaibagan. Dahil mahina ang benta ng sabon niya, wala na itong pambili ng pagkain. Masyado ring magastos ang jowa niyang halos linggo-linggo ay gustong magpabili ng bagong damit at sapatos.

22 years old pa lang naman si Leizl, pero daig pa niya ang sugar mommy ng manloloko niyang boyfriend. Dahil sa kapapa-load niya rito, ngayon ay hindi siya makabili ng pagkain. Mabuti na lang at makapal ang mukha niya, palaging dumadalaw kay Laica, kapag malapit na ang tanghalian. Hanggang sa gabihan ay dito siya tatambay. Sanay na ang pamilya ni Laica sa karakas ni Leizl. Sa oras na hindi nila ito makita sa bahay, dalawa lang ang ibig sabihin. Una, nakabenta ito ng sabon; pangalawa, kasama ang jowa niya.

"Gusto ko lang naman magkaroon ng pakiramdam. Kung paano masaktan. Bakit, masama ba ang gusto ko?" tanong ng dalaga habang sa malayo ang tanaw.

Isang mabigat na paghinga ang binitawan ni Leizl, bago ito nagsalita. "Hind tama ang gusto mo. Bakit hindi ka magpa-therapy? Ano bang sabi ng doctor mo, tungkol sa sakit mo? Ano bang tawag ulit d'yan?"

"Alexithymia." Mabilis nitong sagot.

Ang Alexithymia ay isang rare condition. Ang sino mang may ganitong sakit ay hindi nakakaramdam ng kahit na anong emosyon. Hindi siya marunong matakot. Hindi marunong masaktan emotionally. Hindi nakakaramdam ng pag-ibig at lungkot. Ito ang kundisyon ni Laica, simula pa noong pinanganak siya.

"Ayaw mo ba ng gan'yan? Wala kang pakiramdam. Walang pakialam sa mundo. Walang kahit na anong sakit sa puso ang mararamdaman mo. Kahit na minsan, hindi ka malulungkot at makakaramdam ng takot," saad ni Leizl.

"Maganda ba ang ganito? Na naiiba ka sa lahat? Ang iba, alam ang pakiramdam ng pagmamahal, ang matakot, malungkot. Dahil ang sabi mo, iyon ang buhay. Kung wala akong nararamdamang takot, pag-ibig, lungkot at sakit. Buhay ba ako? O ang katawan ko lang ang buhay? Daig ko pa ang robot."

Dahil sa mga sinabi ni Laica, hindi na nakapagsalita ang kaibigan niya. Tila may dumaang anghel sa mga oras na ito. Dahil nasa loob ng kwarto silang dalawa, naging kulob ang katahimikan sa loob ng silid. Napaisip na lamang si Leizl. Tunay ang mga salitang lumabas sa bibig ni Laica. Ang mga bagay na nagbibigay ng pagkabuhay sa isang tao, ang mga bagay na hindi nararamdaman ng kaibigan niya.

Maganda lang isipin na ang isang tao ay hindi nakakaramdam ng kahit na anong lungkot, pero kung iisipin. Isang buhay bang maituturing ang taong walang pakiramdam? Pero paano ito maiiwasan ng isang taong ipinanganak na ganito?

Alam ni Leizl na hindi nararamdaman ng kaibigan niya ang nararamdaman niya sa mga oras na ito. Kahit nga ata umiyak siya rito, titingnan lang siya ng kaibigan niya at walang ibang makikita na awa sa mukha nito.

"Wala na bang ibang paraan? Baka may pwedeng inumin?" Ito na lamang ang unang salita na lumabas sa bibig ni Leizl.

"Kung may gamot nga rito." Malamig na tugon ng dalaga. Deretsyo lang ang mukha nito, habang nakatingin sa malayo. Humalukipkip pa siya at pabagsak na humiga. Bumungad sa mga mata niya ang blankong kisame. Ganito ang emosyon niya. Blanko.

"Ang hirap naman kasi niyan. Ano namang balak mo doon sa rider?" Mukhang hindi na matatapos ang tanong ni Leizl.

"Gusto kong paibigin niya ako, hanggang sa maramdaman ko na 'yong nararamdaman ninyong lahat."

"Kapag mahal mo na, dapat ka na niyang saktan? Makikipag-break siya sa 'yo?" Matapos na itanong ito ni Leizl, marahan siyang humiga patabi sa kaniyang kaibigan. Nakatagilid siya ngayon, kaya nakaharap siya sa kaibigan niyang deretsyo ang tingin sa kisame.

"Ayaw kong simpleng breakup," wika ng dalaga. Kumunot pa ang noo ni Leizl, habang pilit na ipinapaintindi sa kaniyang utak ang mga sinasabi ng kaibigan.

Sa totoo lamang, hirap na rin siyang intindihin si Laica. Dahil walang nararamdaman na kahit anong emosyon ang kaibigan niya, mahirap na malaman kung ano ba ang tunay nitong ugali. Hindi niya kayang malaman kung ano ba ang mga bagay na nais nito. Ang mga desisyon sa buhay ni Laica, hindi maabot ng kaniyang kamalayan.

"Ayaw ko namang unang break-up ko ay pangit. Gusto ko iyong talagang babaon sa buong pagkao ko." Maingat na lumingon si Laica sa kausap, kasabay nito ay ang pagtagilid din niya.

"May pagan'yan ka pa? Pati ba naman ang breakup ay may plano ka?" Hindi makapaniwalang tanong ng dalaga.

Bago nagsalita si Laica, tumango muna ito. "Oo at kailangan mo akong tulungan sa mga bagay na 'to. Inilista ko ang mga bagay na gusto kong maganap sa breakup namin ng lalaking magpapaibig sa akin."

"May listahan ka? What the! Ibang klase ka Laica. Ikaw lang ang nakita kong tao na pati ang masakit na parte ng buhay, inilista pa." Habang binabanggit ito ni Leizl ay umupo ito. Mukhang mahirap huminga sa mga bagay na naririnig niya.

"Ang lugar at eksena ro'n, galing sa mga napanood ko. Tinanong ko ang mga kapatid ko kung anong scene ang pinakanakakaiyak sa mga pinanood nila. Nang sabihin nila sa akin, pinanood ko iyon kagabi at isinulat. Kung iyon na ang pinakamasakit na naramdaman ng mga nakanood, baka mas effective iyon para magkaroon ako ng pakiramdam. Ano ba sa tingin mo?"

"Parang magandang idea, pero hindi?" Alanganin na sagot ni Leizl. "Magandang may plano ka, pero parang ang weird. Sabagay, weird ka naman talaga, pero iba pa rin. Ewan, hindi ko alam." Napasabunot na lamang sa kaniyang buhok ang dalaga.

Nang matapos na magsalita si Leizl, sandaling natahimik ang buong paligid. Tanging ang tunog ng orasan ang paulit-ulit nilang naririnig.

Sa mga plano na binubuo ni Laica. Alin sa mga iyon ang maaaring tumulong sa kaniya upang magkaroon ng pakiramdam? Pero mukhang bago niya planuhin ang magandang breakup, hindi ba dapat ay may lalaki munang makikipag-break sa kaniya? Hindi man sigurado si Laica, na gawing jowa ang rider, mukhang ito lang ang makakatulong sa kaniya.

Ang unang hakbang na dapat niyang gawin sa ngayon ay ang mapilit ang rider na maging-jowa siya. Kailangan siyang paibigin nito. Kapag nangyari iyon, maaari na nilang simulan ang isang break-up na tiyak ay yayanig sa kanilang mundo. Si Marvin na nga ba ang magpapayanig sa mundo ni Laica?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now