Chapter 15

46 11 1
                                    

“Buntis ako? Bakit hindi ko alam?”

Nang makapasok si Leizl sa loob ng bahay, ang tungkol sa pagbubuntis ni Laica ang naging bungad na tanong. Ang tanong na maging si Laica ay hindi alam kung paano ba nabuo. Dapat nga ay palabas na si Laica ng bahay, dahil nga kinuha lang nito ang wallet, pero ngayon ay hindi na ata nakaramdam ng gutom si Leizl, dahil sa mga balita na narinig niya.

“Sigurado ka bang hindi ka buntis? Kailan ka huling dinatnan? Ang lupit talaga ng Depogi na 'yon. Gusto agad ikalat ang lahi na dapat tinatago na lang,” saad ng dalaga.

“Hindi ko alam kung anong sinasabi mo. Bakit naman ako mabubuntis? Paano nila nalaman, kung ako mismo hindi ko alam? Sila ba ang nakakaramdam ng pagbubuntis ko?” tanong ni Laica. Hindi niya sukat akalain na may lalaganap na gano'ng kwento tungkol sa kaniya, samantalang hindi niya nga kilala ang mga kapit-bahay nila kahit na matagal na siyang nakatira dito.

“Wala akong kahit na anong senyales na buntis. Mayro'n din ako ngayon. Isa pa, hindi naman namin ginawa 'yon ni Marvin. Ni ayaw nga niyang hawakan ang kamay ko, nanginginig pa siya na akala mo mahihimatay na,” kwento ng dalaga.

Hindi niya alam kung bakit gano'n na lang din ang inisip ng mga kapit-bahay. Wala naman kahit na anong maramdaman si Laica. Hindi siya nagagalit, hindi rin natatawa, ang alam niya lang ay maaaring may sakit sa utak ang mga taong gano'n mag-isip. Naririnig niya kasi 'yon sa mga kapatid niya, lalo na kapag nagagalit ang mga ito sa kapit-bahay nilang mahilig pakialaman ang buhay nila. Mukhang sa pamilya nila, hindi naman din nakalampas ang dalaga sa panghuhusga ng mga taong feeling perpekto.

“Tanginang mga 'yon, pinakaba nila ako. Ang akala ko talaga malalahian ka na ng gano'ng mukha. Wag ah? Maawa ka naman sa mukha ng magiging anak mo, kawawa naman kung gano'ng mukha kay Marvin ang makukuha.” Mas pinag-alala pa ni Leizl ang mukha ng bata kaysa sa katotohanan.

“Saan kaya nila nakuha ang kwento na 'yon? Lupit talaga ng mga chismosa na 'yan,” dagdag pa nito.

“Hayaan mo na. Magluluto na lang ako,” saad ni Laica. Hindi naman na rin niya sasayangin ang oras niya para lang pakinggan ang sasabihin ng kaibigan niya tungkol sa mga taong nasa labas ng bahay nila. Masasayang lang ang panahon na dapat ilalaan ng dalaga sa usapan nila ni Marvin at sa negosyo niya. Hindi na siya magkakaro'n pa ng oras na patunayan na mali ang iniisip ng iba.

“Marunong ka bang magluto?” tanong ni Leizl habang naglalakad sila patungo sa kusina.

“Nagluto na ako noon di ba? Sarap na sarap ka pa nga,” sagot ni Laica na ang kaniyang tingin ay nasa nilalakaran nila.

“Noon 'yon. Ngayon kasi parang may iba.” Kumamot pa ito sa likod ng kaniyang tainga. Hindi lang maderetsyo ng dalaga ang nais niyang sabihin.

“Anong may iba? Mas masarap lang talaga ang luto ni mama,” sagot ni Laica. Walang alinlangan sa mga salita na binitawan niya.

Hanggang sa makarating sila sa loob ng kusina, nakasunod lang din si Leizl. Tagasunod lang talaga siya, hanggang ngayon kasi ay hindi niya pa rin kayang mabuo ang pula sa gitna ng itlog, kapag nagpiprito ito. Ang alam lang ata na lutuin ni Leizl ay nilagang tubig. Mabuti na lang at may mga katulad na pamilya ni Laica, na binubuhay siya kahit walang dulot. Isa rin ito sa dahilan kaya hindi pa ila nagsasama ng boyfriend niya, magugutom lang silang dalawa. Baka nga mamulubi na rin siya sa kabibili ng pagkain sa labas, para lang maibigay ang kailangan ng nobyo niya. Kawawang nilalang din itong si Leizl. Maganda nga, tanga naman sa pag-ibig.

“Sigurado ka na ba talaga sa gusto mong lutuin?” tanong muli ni Leizl. Hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili na magtanong.

“Marunong ako magluto. Hindi naman ako baldado,” sagot ni Laica. Mabuti na lang talaga at hindi ito makaramdam nang inis, baka naipalo na niya kay Leizl ang kawali kung nagkataon man.

“Baka kasi wala kang panlasa?” Nakakunot ang noo ng dalaga habang nakatingin sa kaibigan niya.

Dahil sa sinabi nito, agad na kumuha ng asin si Laica para lang tikman ito. Napagtanto niyang maayos naman ang panlasa niya.

“Maayos naman.”

“Parang hindi eh. Kasi napili mo si Marvin, wala kang taste.” Ito lang pala ang nais niyang sabihin, pinatikim niya pa ng asin ang kaibigan.

“Kung anu-ano na naman ang sinasabi mo. Maayos na ang usapan namin ni Marvin, hindi na magbabago ang isip ko,” buwelta ng dalaga.

Dahil magkasama na rin silang dalawa, sinabi na ni Laica ang naging usapan nilang dalawa ni Marvin. Kinuwento na ng dalaga sa hibang niyang kaibigana ang lahat, at kung kailan na nga ba sila magsisimula. Hindi pa rin talaga kumbinsido ang dalaga sa nagiging desisyon ng kaibigan niyang, si Marvin pa ang piliin. Muling nagbigay ng payo si Leizl. Kung magbigay naman din siya ng payo, ang akal mo ay gano'n siya kagaling, samantalang hindi naman din niya magawa ang mga payo na naibibigay niya sa iba.

“Hindi na magbabago ang isip ko. Siya na ang napili ko at napag-usapan na namin ito. Mukhang may alam na rin siya tungkol sa sakit ko. Mukhang mabait naman din siya. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw mo sa kaniya.”

“Dehado ka kasi masyado sa kaniya. Baka nga kapag magkasama kayo, mapagkamalan pa siyang holdaper. Concern lang ako sa 'yo,” sagot ni Leizl. Hindi siya magiging kumbinsido kahit na anong mangyari. Pakiramdam kasi niya, mas kadiri pa sa yuck kapag nagbibitaw ng matamis na salita si Marvin. Maganda sana ang mga linya na binabato nito, masagwa lang talaga ang mukha, kaya hindi nakakakilig.

“Makikita mo rin kung anong nakikita ko,” ani Laica.

“Mararamdaman mo rin ang nararamdaman ko.” Hindi talaga nagapatalo itong si Leizl.

“Sana nga maramdaman ko ang nararamdaman mo. Pero hanggat hindi pa, pakitunguhan mo na lang si Marvin, malalaman mo rin na hindi lahat ng bagay, ikukumpara sa panlabas na anyo ng isang tao. Kilalanin mo muna siya bago mo sabihing hindi siya karapat-dapat.” Binitawan ni Laica ang mga salitang maging siya mismo, hindi inakalang mabibigkas ito.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now