Chapter 5

75 15 6
                                    

"Ano, Marvin? Wala ka bang ibibigay na pera ngayon?" tanong ni Harold–ang asawa ng kapatid ni Marvin.

Si Marvin ay ang panganay sa anim na kapatid. Ang ilan ay nag-aaral pa at ang sumunod sa kaniya ay may asawa na.

"Naibigay ko na nga kay nanay, kahapon pa. Baka kasi maputulan tayo ng kuryente kapag hindi nakapagbayad," sagot ng binata habang inaayos nito ang uniporme niyang bagong kuha sa sampayan. Bukas ay papasok na itong muli sa kaniyang trabaho. Bigla lamang sumama ang kaniyang pakiramdam kahapon matapos na hindi mawala sa kaniyang isipan ang sinabi ni Laica.

"Nanghihingi ako ng pera, 'di ba? Bakit hindi mo manlang ako binigyan?" Maangas na tanong ni Harold, mula sa kaniyang maton na boses.

Malaki ang katawan ni Harold, kumpara sa binata. Ngunit kung anong kinalaki ng katawan nito, siya namang kinabatugan nito. Walang trabaho at tambay lang. Hindi ata ito sanay na magbatak ng buto, dahil mas nais pa niyang inaabutan siya ng pera, kaysa sa siya mismo ang kumikita.

Mag-isa lang na binubuhay ni Marvin ang pamilya nila. Matagal na silang iniwan ng kanilang ama, may katandaan na rin ang kaniyang ina, kaya hindi na rin niya ito pinagtatrabaho pa. Maging ang mga kapatid nito ay maliliit pa at lahat ay nag-aaral. Nais niyang makatapos ang mga ito, kaya lahat na ata ng trabaho ay nagawa na niya, para lang magkaroon ng pera para sa pamilya. Sa totoo lang, inaasahan niyang ang pangalawang kapatid niya ang makakatulong niya upang maiahon sa kahirapan ang pamilya nila. Pero nang nasa ikalawang taon sa koleiyo, ay nabuntis ng isang tamay.

Ngayon, maging ang lalaki ay dito nakatira sa kanila. Anim na buwan na ang tiyan ng kapatid niya, pero hanggang ngayon ay wala pang sapat na perang naipon, kapag dumating na ang kabuwanan nito.

"Gusto mo bang magtrabaho? Mabait naman ang boss ko, pwede ko siyang kausapin para maipasok ka. Madali lang naman ang magiging trabaho ro'n." Mahinahon na tanong ng binata. Siya ang bumubuhay sa pamilya at nagbibigay ng lahat nang pangangailangan, pero bakit ang lalaking walang ambag sa kanila, doon pa siya takot?

Parang sa tuwing kakausapin ito, siya pa ang dapat na pagbigyan. Kung hindi lamang ito naaawa sa kaniyang kapatid na walang bahay na matutuluyan, hahayaan na niyang bumukod ang mga ito. Pero kahit na pagkain lang nilang dalawa hindi pa magawa ng lalaki, paano pa kaya kapag lumabas na ang anak nila?

"Sinusumbatan mo ba ako? Ang yabang mo naman masyado. Bakit, sino ka ba sa inaakala mo? Dahil ba ikaw ang bumubuhay sa asawa ko, yayabangan mo na ako? Wala ngang kwenta 'tong bahay niyo, ang liit. Tapos ang ulam niyo paulit-ulit lang!" Habang sinasabi ito ng lalaki, tinatapik rin niya ang dibdib ni Marvin. Malakas ang pagsigaw ng lalaki na naging dahilan upang tumigil sa pagsusulat ang mga nakababatang kapatid ni Marvin.

"Hindi naman sa gano'n, baka lang naman–"

"Mukha bang pabigat kami sa buhay mo? Ang yabang mo talaga! Ikaw ang may gustong dito kami tumira ng kapatid mo, tapos hindi mo ako pakakainin ng maayos? Pati ang pera mo, ipagdadamot mo pa?" Hindi na magawang magsalita ni Marvin. Pilit na tinitimpi ang sarili sa mga bagay na maaari niyang masabi.

"Harold, ano ba naman ang ingay mo? Nag-aaral ang mga bata." Isang babae ang sumita rito–si Mayleen, ang pangalawang kapatid ni Marvin, na siyang nabuntis ni Harold.

Maganda si Mayleen. Maliit na babae, ang mukha nito ay makinis. Sayang nga lang dahil ngayon ay napabayaan ang sarili. Maraming manliligaw ito noon. May maibubuga naman pagdating sa pamumuhay, ngunit bumagsak sa isang tambay. Matalino at palaging top sa school. Kaya nga naisip ni Marvin na ito na ang makakatulong niya upang tustusan ang pangangailangan sa kanilang pamilya. Ngunit nagpadali sa pag-ibig at hindi na nito nagamit ang utak at talino.

"Itong kuya mo, parang ang laki ng utang na loob ko sa kaniya. Kausapin mo 'yan, baka hindi ako makapagyimpi, bugbugin ko 'yan." Matapos itong sabihin ni Harold, agad siyang umalis sa harapan ng magkapatid.

Wala nang nagawa si Marvin. Hindi naman niya nais na magkaroon pa ng gulo, lalo pa at mahal na mahal ng kapatid niya ang lalaking iyon. Na kahit na anong gawin sa kaniya, patuloy na pinapatawad. Isang klase ng pag-ibig na kahit anong talino ng utak, hindi nagagawang magamit.

"Pasensya ka na. Bukas mangungutang na lang ako sa katrabaho ko para ibigay ang pangbisyo ng asawa mo. Kumain ka na ba? Huwag kang magpapagutom, baka makasama sa baby mo 'yan. Binilhan na kita ng ilang mga damit na gagamitin ng baby mo. Ang iba pang gamit, kapag nakahanap akong bagog sideline. Ipasok ko lang sa kwarto itong uniform ko," paalam ng binata.

Nangangarag ang boses nito, ngunit pinipilit ang sarili na magsalita nang mahinahon at mukhang malakas, pero sa loob nito ay nasasaktan siya. Ngunit ano ba naman ang magagawa ng isang emosyon sa buhay na kinakaharap niya ngayon? Kung may paraan nga lang na maging isang manhid, ginawa na lamang niya. Para kahit na paano ay mas mapapadali ang buhay niya.

Nang makapasok ito sa loob ng kwarto, marahan niyang pinunasan ang luha na bigla na lamang tumulo sa kaniyang mga mata. Kinagat nito ang labi upang pigilan pa ang mga mata na ilabas ang laman ng kaniyang puso.

"Ano ka ba naman Marvin, kalalaking tao mo, umiiyak ka. Bawal ang ganyan, nakakabawas ng kagwapuhan." Pagpapalakas nito sa kaniyang sarili at mag-isang natawa.

"Ang mga pogi na gaya mo, hindi ka dapat umiiyak. Kaya mo 'yan. Para sa pamilya," dagdag nito at humugot ng isang malalim na paghinga.

Ganito ang madalas niyang ginagawa kapag nararamdaman niyang nanghihina na ang loob niya. Kailangan niyang maging malakas, dahil siya lang ang nag-iisang pundasyon sa bahay nila. Kung magiging mahina siya, baka bumagsak ang tahanan nila. Naaawa siya sa mga kapatid niyang may mga pangarap sa buhay. Bilang isang panganay, nais niyang ibigay ang lahat para sa pamilya.

May mga bagay lang na hindi lubos maintindihan sa mundong ito, pipilitin niyang lumaban para sa mga kapatid. Bawal ang maging mahina sa isang tulad niyang panganay.

Ang emosyong nagpapahina sa kaniya, kailangan niya itong labanan sa araw-araw niyang buhay.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now