Chapter 38

51 9 3
                                    

Ang bawat kuwento ay nagtatapos sa dalawang bagay. Ang masaya at ang masalimuot. Ngunit sa katapusan ng lahat, mukhang ang huling pagpipilian ang para sa pag-iibigang hindi naging sigurado.

“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong ni Leizl habang hinahagod ang likod ng kaibigan niya.

Narito silang dalawa sa simenteryo, habang dumarampi sa mga palad ni Laica ang lapida na nakaukit ay ang pangalan ng lalaking mahal niya.

“Kulang ba ang ibinigay na araw sa amin para ipagtapat kung ano man ang nararamdaman namin?” tanong ni Laica. Marahan niya pang pinunasan ang luha sa kaniyang mga mata.

Noong araw na nakausap niya si Marvin, may kung ano na siyang nararamdaman sa sarili niya. Kaya ilang beses niyang sinabihan ang binata na mag-iingat ito. Ngunit wala sa salitang ito ang kayang iayon ng kapalaran nila. Kung ang nakasulat sa bawat kuwento ng buhay nila ay magtataos sa ganito, wala na silang kaya pang idagdag. Noong narinig ng dalaga ang balita tungkol kay Marvin, dito niya naunawaan kung bakit may mga tao na hinihiling na lamang na sana ay wala na silang maramdaman. Walang sasapat na salita ang kayang ihambing para sa damdamin na iyon. Unang beses niyang naramdaman ang nakakamatay na sakit sa dibdib. Sa bawat niyang paghinga ay bumabaon sa pagkatao at kaluluwa niya ang hapdi.

“Hindi naman ito ang break-up na gusto ko. Ni isa sa mga nakasulat sa notebook na binigay ko sa kaniya, wala ito,” dagdag pa niya sa kaniyang pagdadalamhati.

Hindi na mababago pa ang lahat. Ang minsang sakit na hinagad niya ay babaunin niya hanggang sa kamatayan. Kung alam lamang ni Laica na ito ang magiging kapalit ng bawat kahilingan niyang masaktan, sana ay pinanatili na lamang niya ang sarili niya sa kung ano ba siya noon. Pero tapos na. Wala na siyng kaya pang ibalik at balikan.

“Hindi natin kontrolado ang lahat. May pag-ibig at sakit na tatatak sa buong pagkatao natin,” panimula ni Leizl na hindi pa rin inaalis ang kaniyang kamay sa likod ng kaniyang kaibigan. “Pero kailangan nating kaharapin ang bawat buhay na nakalaan sa atin. Siguro kung nasaan man si Marvin sa mga oras na ito, masaya siyang makitang natupad niya ang ipinangako niya sa ‘yo. Pero mas grabe nga lang. Sobrang solid naman no’n. Sinabihan lang na mukhang bangkay, tonotoo naman na,” pilit na pagbibiro ni Leizl, para ang pagaanin ang kalooban ng kaibigan niya.

“Hindi ko manlang nasabi sa kaniya na mahal ko siya. Na ayaw ko nang ituloy ang napag-usapan namin. Kung sana sinabi ko na sa kaniya noong gabi na magkasama kami.” Muling bumalik sa alaala ng dalaga ang kaganapan sa huling beses na nakita niya si Marvin.

Hindi maalis sa utak ni Laica ang bawat ngiti, tawa at pagluha sa mga mata ni Marvin. Paanong minsan sa buhay niya ay hindi na niya muling masisilayan ang mga ito? Hindi na niya maririnig ang mga biro nitong hindi naman nakakatawa. Wala na ang nag-iisang tao na nakaunawa sa kung anong sitwasyon niya.

Mandaraya talaga ang panahon. Sa bawat kahilingan, isang malaking kabiguan ang nagiging kapalit. Tunay na hindi naman bawat hiling ay magiging masaya ka sa dulo. Mayroong mga kahilingan na magbibigay lang lalo ng pighati sa ‘yo.

“Hihintayin na lang kita sa habang buhay.”

Isang mabigat na paghinga ang binitawan ni Laica habang dahan-dahan siyang tumatayo. Pinagpagan pa niya ang kaniyang tuhod na may iilang mga damo. Sa panibagong pagkakaon ay tatalikuran niya si Marvin at hahakbang na siya palayo. Babaunin niya ang bawat masayang alaala at ang mga pangako na sa susunod na buhay na lamang nila kayang magawa.

Umiihip ang malamig na hangin habang naglalakad silang dalawa palayo sa puntod ni Marvin; hawak ni Leizl ang kaibigan niya sa balikat habang marahan na tinatapik ito. Hindi nila akalain na iikot ang simula at si Leizl na ang magpapalubag sa kalooban ng kaniyang kaibigan. Tunay nga na hindi kontrolado ang bawat sandali sa mga buhay nila.

Bumaba ang tingin ni Laica sa nilalakaran nila at napansin nito ang sintas ng sapatos niyang natanggal. Dahil dito ay huminto siya at nagtangka na yumuko upang ayusin ito, ngunit bago pa man niya ito magawa ay may isang lalaki na nag-ayos nito para sa kaniya.

“Ayan maayos na. Mag-iingat ka palagi, para hindi ka masaktan,” saad ng isang pamilyar na boses.

Hinahangin ang mga dahon na nanggagaling sa isang malaking puno, kung saan sila nakatayo ngayon. Katahimikan ang naging musika para sa kapaligiran. Hindi maalis ni Laica ang tingin sa lalaki na unti-unting inangat ang kaniyang tingin. Sa pagkakataon na ito ay nakita ni Laica...



“Laica Labio! Absent ba?”

Dahil sa pagtawag na ‘yon, may kung sinong sumagi ng braso ko para maalis ang pagkalumbaba ko.

“Okay, Laica Labio, absent.”

“Sir, present po!” Itinaas ko pa ang kamay ko.

“Tatlong beses na kitang tinawag hindi ka sumasagot. Hindi ko na kasalanan na absent ka,” sagot ni panot.

Wala namang pagbabago sa ganito. Kung sino ang gusto n’yang i-absent, ‘yon ang gagawin niya. Tutal kung iyon naman pala ang trip niya, sana naman hindi na niya inistorbo ang mag-imagine ko. Nakalimutan ko na tuloy ang huling eksena kay Laica. Badtrip naman!

Pero maganda ang kuwento nilang dalawa, sayang namatay lang si Marvin. Hayaan mo na nga, gagawa na lang ulit ako ng bagong kuwento sa utak ko. Absent naman na rin ako, kaya susulitin ko na.

Muli akong bumalik sa paglumbaba at tumitig sa labas ng bintana. Mula rito ay natatanaw ko ang mga lalaking nagpa-practice para sa sepak takraw. Sila siguro ang ilalaban para sa Palarong Pambansa.

Hindi namamalayan ang sarili ko na nakatitig na pala sa isang lalaki na bago lang din sa mga mata ko.

Ayos 'to! Makakabuo na naman ako ng bagong kuwento sa loob ng isang oras na klase. Tapos na ang kina Laica at Marvin… dito naman tayo.

-End-

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now